Dumalo ako noong Agosto sa Geeks On A Beach o GOAB, isang international conference kung saan pinag-uusapan kung paano pinabubuti at mapabubuti pa ng teknolohiya, disenyo, at paglikha ang buhay ng mga tao sa mundo. Lagi itong ginagawa sa tabing dagat.
Una kong nabasa ang tungkol sa GOAB sa isang panayam sa website nito sa kapwa ko blogger na si Tonyo Cruz, na naging speaker dati sa conference. Nabanggit ni Tonyo sa interview na ni-recruit ko siya sa blogging.
Intresado ako sa mga paksang tinatalakay sa GOAB, kaya natuwa akong maging bahagi nito ngayong taon. Ginanap ito sa Princesa Garden Island resort sa Palawan, at isa sa sponsors ang PLDT, na pinagtatrabahuhan ko.
Kabilang sa mga taunang dumadalo sa GOAB ang mga involved at mga intresado sa startups — o mga nagsisimula pa lang na kompanyang may pangangailangang tinutugunan sa pamamagitan ng mga bagong ideya.
Nagsalita sa isang session sa GOAB ang mga kinatawan ng ilan sa startups na tinutulungan ng IdeaSpace Foundation. Ipinakilala nila ang kanilang mga produkto at serbisyo at ibinahagi ang karanasan nila sa pagsisimula ng negosyo.
Ang Fetch Valet ni Martin Luchangco, may app na magagamit para tumawag ng magpapark ng kotse sa Bonifacio Global City.
Ang FrontLearners ni Elaine De Velez, nag-o-offer sa mga paaralan ng e-School-in-a-Box, na may mga interactive K-12 lessons na puwedeng gamitin kahit walang internet connection.
Ang FAME ni Junjun Fetizanan naman, gumagawa ng mas mura at mas maliliit na transponder na magagamit ng mga piloto at mga kapitan ng barko.
May pitching competition sa GOAB. Ang founders ng ilang start-ups, nabibigyan ng sandaling pagkakataon para hikayatin ang investors na tulungan sila.
Pinakanatandaan ko ang OnlyNote, isang iOS app na magagamit sa pagpapadala ng virtual messages na para bang totoong sulat ang ipinapadala mo.
Ang CashWraps, nagkokonekta sa mga kompanyang nais magpa-advertise at sa mga drivers na gustong kumita sa pamamagitan ng paglalagay ng ads sa labas ng kanilang sasakyan.
Ang Qwikwire, na nanalo sa kompetisyon, magagamit naman sa paniningil ng mga kompanya ng bills online.
Sa GOAB, muli kong nasaksihan ang pagiging malikhain ng mga Pilipino.
Unang nalathala sa Dyaryo Pilipino ang text-only version ng article na ito.