Naabutan ko pa ‘yong panahong uso ang chain letter. Dahil wala pang xerox machine sa barangay namin, kailangang isulat ang bawat kopya. Kung may carbon paper, puwede rin naman.
Ang mga chain letter, nangangako ng suwerte o biyaya kapag nakompleto ng taong pinadalhan. Nagbibigay ito ng halimbawa ng mga pinagpala dahil daw sa pagtupad at mga minalas dahil daw sa di pagpansin dito.
Ang nakapagtataka sa mga chain letter ay kung bakit pinaniniwalaan ang mga ito ng mga tao kahit walang paraan upang mapatunayan ang sinasabi ng mga ito. Marahil, itinuturing ito ng ilan na anyo ng novena o kaya naman ay sakripisyo. Pero walang basbas ng Simbahan ang mga chain letter.
Parang chain letters ang memes sa social media na dumadakila sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos at sa kaniyang pasistang rehimen. Ipinangangaral ng mga ito ang kabutihan umano na idinulot ni Marcos sa ating bayan. Pinagmumukhang demonyo ng mga ito sina Ninoy, Cory, Noynoy, ang angkang Aquino, ang Partido Liberal, at maging ang kulay dilaw.
Gaya ng mga nakasulat sa mga chain letter, walang mapagkakatiwalaang pinagkunan ang mga meme na ito. Basta nakasulat lamang ang mga kasinungalingan o kaya’y half-truths na nais nilang palabasin at saka hinihikayat ang nakababasa na ibahagi ito sa iba.
Ngayong -ber months na, tiyak na kakalat na naman sa social media ang memes at posts na di raw dapat tumanggap ng 13th month pay ang mga kontra kay Marcos dahil siya ang may pakana nito. Totoong gumawa ng batas noon ang diktador para dito. Ang di sinasabi ng mga meme, ang atas ni Marcos ay para lamang sa mga empleyadong tumatanggap ng P1,000 kada buwan, at noong maluklok si Cory, ginawa niyang para sa lahat ng empleyado ang bonus na ito para makakuha kahit ‘yong mga mahigit sa P1,000 ang suweldo.
Marami tayong mababasa sa Facebook na kung ano-ano tungkol kay Marcos, sa martial law, at sa ating kasaysayan. Dapat suriing mabuti kung totoo ang mga ito. Bago ipasa, dapat kilalanin at kilatisin ang pinagkunan.
Unang nalathala sa Diyaryo Pilipino. Ang litrato ng chain letter ay galing kay Alphasa Flickrat WikiMedia Commons. Ang Marcos memes naman ay galing sa Ferdinand E. Marcospage sa Facebook.
[…] at propaganda, nalilikha ang isang pekeng alaala ng isang dakilang panahon. Isinasaksak ng mala-chain letters na online posts at memes sa utak ng mga madaling mauto ang mga kasinungalingan tungkol sa rehimeng Marcos. Itinatanggi ng […]