“Si Ricaforte nahihirapan sumagot
Sobra na ang arte takot siyang malagot
Huling-huli huling-huli
Inatake inatake si Ricaforte”
Lyrics yan ng kantang “Huling-huli” ng Ousters Band na sumikat noong kainitan ng resign-impeach-oust movement laban kay dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada. Si Ricaforte ay si Yolanda Ricaforte, na sinasabing auditor daw ng jueteng money noon ni Erap. Kung tama ang pagkakaalala ko, nahirapang humarap sa Senado si Ricaforte dahil inaatake siya ng kanyang sakit. Natatawa nga ang isang kaibigan ko sa eksena nang dumating si Ricaforte noon: Iniinterview raw siya habang naka-wheelchair, may katabing nurse, at ipinapa-stethoscope pa ang dibdib niya.
Kaya naman nang dumating si Joc-Joc Bolante nitong huling linggo ng Oktubre matapos siyang ipa-deport ng US at nakita kong naka-wheelchair siya’t laging nakahawak sa dibdib, naalala ko talaga si Ricaforte at ang kanta ng Ousters Band.
Si Bolante, dating undersecretary ng Department of Agriculture (DA), ay ang sinasabing mastermind ng pagda-divert ng pondo para sa abono ng mga magsasaka patungo sa kampanya ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004.
Tumalilis siya palabas ng bansa upang makaiwas sa imbestigasyon noon ng Senado sa fertilizer scam. Nanghingi siya ng asylum sa US pero na-deny kaya ipinatapon siya pabalik dito. May rekomendasyon na ang Senado sa Ombudsman na sampahan siya at iba pang dating opisyal na DA ng kasong graft, pero mukhang busy pa ang Ombudsman.
Pagdating ni Joc-Joc sa Pilipinas, isinugod siya sa St. Luke’s Medical Center dahil daw sa pananakit ng dibdib. May problema raw sa puso at blood vessels si Bolante. Binabantayan siya ngayon ng seargeant-at-arms ng Senado — na noo’y natakasan niya.
Hindi ba kakatwa na ang mga taong katulad nila na tumatakas para maiwasang makapagpaliwanag sa publiko tungkol sa mga pambansang eskandalong kanilang kinasangkutan ay parang mga kawawa at inaping nilalang kapag nakorner na at nakabalik sa Pilipinas? Paglapag na paglapag ng eraplano nila sa bansa, sa hospital sila tumutuloy. Kalusugan na ang bagong dahilan para matakasan o maantala ang kanilang pagkanta.
Sabagay, hindi na talaga bago ang ganyan. Si Erap nga, matagal ding na-hospital arrest habang naka-pending ang kaso niyang plunder. Nang lumabas sa hospital, sa rest house naman siya “ikinulong.” At nang finally ay nahatulan nang guilty sa pandarambong, pinatawad ni Gloria kahit di nagsisisi.
Sa kaso ni Joc-joc, sana lang, ngayong nakabalik na siya’t huling-huli na, paglabas niya sa ospital ay huwag na siyang pabayaang muling makasibat. Malaking halaga ang may 728 milyong pisong fertilizer fund na kailangan niyang isulit.
(Pinoy Gazette)