Pinag-uusapan namin ni Myla kanina kung paanong nauuso na ngayon ang mga activities na ang objective ay mapangalagaan ang kalusugan. Sa opisina, nababanggit namin lagi ang paggi-gym, pagtakbo (habang umuulan), at mga pagkaing healthy. Isa sigurong factor dito ang pag-atake sa atin ng A(H1N1). Syempre, ayaw nating mabiktima nito.

Para naman sa mga praning na gaya ko, paraan ito upang labanan ang mga sakit na anumang oras ay maaaring biglang tumama — hmm, parang bolang ihinagis, ano? Feeling ko kasi lagi, may kung anong sakit ako na baka nakuha ko pa sa parents ko o sa parents nila, na bigla na lamang bubulaga sa akin. Pero sana naman, wala.

Para magsilbing preventive measure, at para na rin sa peace of mind ko, knowing na may ginagawa ako to protect my health — gaya ng laging sermon sa akin ng mahal kong mga tiya — nakiuso na rin kami ni Myla sa mga gawaing na-mention ko.

Lumalakad (o tumatakbo) na rin kami sa makinang di naman nagdadala sa amin sa kung saan. Kontra-high blood. “Bordering” ako dati, di ba?

Nangingiwi na rin ako sa pagbubuhat, pagtulak, o paghila ng mga pabigat na bakal para ma-exercise ang mga braso at balikat ko. Medyo mahirap. Pinaghihirapan talaga.

Naalala ko tuloy ang mga artista na nagpo-promote ng pelikula sa TV: “Panoorin po sana ninyo ang movie namin. Napakagandang pelikula po. Pinaghirapan po namin ito.” So kung ang mga taong may magagandang katawan ay magbilad nito — sa magasin man, sa Internet, o sa entablado — puwede rin ba nilang sabihing “Titigan po ninyo ang katawan namin. Asteeg ho, di ba? Pinaghirapan po namin ‘yan!” Na totoo naman.

Siyempre, matutuwa ako kung kumupis ang lumalaki ko nang tiyan at mabalik sa college days ang size ng bewang ng mga pantalon ko. Ayos din kung magkalaman nang konti ang payat kong mga braso. Pero secondary lang yan. Bonus kumbaga. Ang mahalaga, masunod ko ang mga sermon ng aking mga tiya at ng dating company doctor namin: mag-exercise, huwag kumain ng mamantikang pagkain, at iba pa. (Pero sa pagkain ng matatamis, hmmm, puwedeng exempted muna ako rito? Sarap ng doughnut eh!) Ang mahalaga, hindi ako umabot sa dating naranasan ng paborito kong si Ely Buendia.

Sana nga lang, hindi ito maging ningas-kogon.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center