Isang memorial service ang idinaos kanina sa GMA Network Center para kay Robert “Uncle Bob” Stewart, na siyang nagtatag ng Channel 7 at Radio DZBB. Isang mamamahayag na Amerikanong labis na napamahal sa ating bansa, pumanaw siya noong April 6, 2006, sa Phoenix, Arizona.

Hindi ko na naabutan si G. Stewart sa GMA-7–ilang dekada na siyang wala nang pumasok ako sa kumpanya. Noong bata pa ako’y alam kong mayroong palabas na “Uncle Bob’s Lucky 7 Club”, pero mas pinanood ko ang “‘Yan ang Bata” ni Encar Benedicto dahil Tagalog ang usapan ng mga bata roon. (Naging card-bearing member pa nga ako ng ‘Yan ang Bata Club.)

Pero nang pinag-aaralan ko ang talambuhay ni Uncle Bob nitong nakalipas na mga araw, sobrang na-inspire ako sa kung paano niya sinimulan ang kanyang himpilan ng radyo: pangarap, lakas ng loob, at karanasan lamang ang naging puhunan niya. Mula sa mga equipment na hiniram at inutang lamang, binuksan niya ang DZBB noong Marso 1, 1950. (Walang koneksyon, pero kaarawan ko ang Marso 1 at taon ng kapanganakan ng aking ina ang 1950.) At sinong mag-aakalang matapos ang may 55 taon, ang sinimulan ni Uncle Bob ay siya nang pinakamatagumpay na kumpanya ng pamamahayag sa Pilipinas?

Pagkatapos ng memorial service, nang itanghal upang makita ng mga empleyado ang pinaglagakan ng mga abo ni Uncle Bob, pumunta ako sa kinaroroonan niya, tiningnan ang kanyang mga larawan, naghandog ng maikling panalangin, at isinulat ko sa scrapbook na ibibigay sa kanyang pamilya:

“Salamat, Uncle Bob!”

Salamat kay Uncle Bob sa pagpapakitang hindi mali ang mangarap.

Salamat sa kanya sa pagpapatunay na tama ang paboritong linya ni Mhay sa kanta ni Joey Ayala:

“Kung kaya mong isipin, kaya mong gawin
isa-isang hakbang lamang at ika’y makakarating
tulad ng puno na galing sa binhi
ang mga dakilang gawa’y nagmumula sa guni-guni.”

(Basahin din ang Remembering Uncle Bob Stewart ni William Esposo sa INQ7.)


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center