(Burador ng pahayag na binasa sa gabi ng parangal kay Alexander Martin Remollino ng mga makabayang makata at manunulat noong Setyembre 6, 2010 sa simbahan ng UCCP sa Cubao, Lungsod ng Quezon)

Alexander Martin Remollino
Alexander Martin Remollino, kapatnugot ng Tinig.com

Marahil, marami po sa ating naririto ngayon ay naubusan na ng mga salita sa nangyari kay Alex. Ang ginagawa na lang natin — lalo na iyong mga di nakasama si Alex sa huling yugto ng kanyang paglalakbay — ay maghapuhap ng mga alaala noong kapiling pa natin siya.

Kaya hayaan ninyong ikuwento ko kung paano namin nakasama si Alex sa website at online community na Tinig.com, na iniluwal sa inspirasyon ng People Power 2. Maaari siguro naming ipagmalaki na kami sa Tinig.com ang mga unang nakasama ni Alex sa kanyang pagtahak sa cyberspace.

Alex & Mong, mga kolumnista ng Tinig.com

Ganitong buwan din, Setyembre, taong 2001, nang malathala ang mga unang akda ni Alex sa Tinig.com.

Dahil sa humanga ako sa kanyang husay sa pagtalakay sa mga usapin at sa galing sa paggamit ng Filipino at English, pagkalipas ng ilang buwan ay inanyayahan ko siyang maging kolumnista at kapatnugot ng Tinig.com. Masaya niyang tinanggap ang mga bagong gawain nang walang anumang hinihintay na kapalit kundi ang kasiyahang makatulong sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataang Pinoy na makapagpapahayag ng kanilang saloobin sa iba’t ibang usapin.

Sa kanyang unang sanaysay na “Tungo sa Pangmatagalang Kapayapaan,” ipinaliwanag ni Alex sa paraang madaling intindihin kung bakit nagkakaroon ng rebelyon. At sa kanyang tulang “Sa Aking Panulat,” inilatag ni Alex ang tema at uri ng panitik at peryodismong itataguyod niya hanggang sa huli:

Ikaw ang aking maso
sa pagpanday ng isang bayan
kung saan walang taong parang asong nakagapos
habang hinihimod ang paa ng kung sino,
kung saan ang mga tao
ay mga mulawing lahat at di mga kawayan.

Kapayapaan at kalayaan. Karapatang pantao at katarungang panlipunan. Pag-alaala at pagpapatibay ng alaala ng mga dakilang Pilipino. Matibay na perspektibang pangkasaysayan. Iyan ang mga temang pumuno sa mga pahina ni Alex sa Tinig.com.

Alex & Aris sa Tinig.com EB, Mang Jimmy's, Agosto 2006

Hindi iniwan ni Alex ang Tinig.com. Sabi nga ng kasintahan ko, si Alex ang bumubuhay sa Tinig.com. Noong sobrang abala ako sa trabaho sa GMA-7, sila ni Aris ang nagpatakbo sa website. Sa mga panahong inaatake ako ng katamaran, siya ang nangungulit sa mga deadline. Bago siya ma-ospital, ini-email pa niya ako dahil nawalan siya ng access sa site. Nang maayos ang technical glitch, naipost niya ang huli niyang kolum.

Alex & Ederic, February 14, 2003 antiwar rally

Nakasama rin namin si Alex sa pagbubuo ng maliit na online group naming Filipino Youth for Peace, na sumalungat sa giyera ng US sa Iraq. Siya ang nagbuo at nagsulat ng mga pahayag ng grupo.

Bilang kaibigan at kasama sa minsan-minsang EB o rally, sa una’y matatakot ka kay Alex. Para kasing laging galit ang malaking taong ito. Pinagngangalit siya ng galit sa kawalan ng katarungan at katuwiran.

Unang EB ng Tinig.com sa Megamall, Mayo 2002
Unang EB ng Tinig.com sa Megamall, Mayo 2002

Pero sa oras ng kwentuhan at tawanan, lalo na kung may inuman sa Mang Jimmy’s o sa sarado na ngayon Jordan’s, sa kasiyahan ay nawawala ang mga maliliit na mata ni Alex. Ang kanyang masasayang tawa at lalong sumisingkit na mga mata — bukod syempre sa kanyang maikli ngunit ulirang buhay bilang tunay na anak ng bayan — ay kabilang sa mabubuting mga bagay na iniwan ni Alex sa atin.

Sa huli, salamat sa kanyang ina, kay Aris, at kay Becca, at ibinahagi ninyo sa amin si Alex.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center