Ang masamang panaginip ba, kapag nagyari sa umaga o tanghali, ay matatawag pa ring nightmare?

O, sige na, seryoso na. Naidlip ako ulit kaninang umaga matapos na magising at bumangon. Pero dalawang beses na naputol ang maiikling tulog na iyon dahil sa dalawang masamang panaginip.

Ang una ay ganito: Nakasakay raw ako sa unahan ng isang kotse–baka FX iyon dahil bukod sa nagmamaneho, dalawa kaming pasahero–papunta sa isang coverage. Siyempre, feeling reporter ako sa panaginip ko. (Alam mo, ‘yun?Nakaranas lang sa bagong trabaho na bato sa field na may kasamang crew nang isang beses ay feeling reporter na, hehehe.)

Gabi raw noon at tinatahak ng kotse ang isang madilim na kalsada. Nagtaka ako sapagkat unti-unting sumisikip sa loob ng sasakyan. Sinisiksik raw ako ng katabi ko at unti-unting dumidikit sa aking mukha ang salamin ng kotse sa gawing kanan ko hanggang sa hindi na ako makahinga. Nakakapangilabot ang imaheng pumasok sa isip ko bago ako magising–o baka sa pagitan na iyon ng pagkakaidlip at paggising: ang kotseng sinasakyan ko’y nagiging kabaong!

Ang ikalawa nama’y napakaikli. Naalarma raw ako kung bakit ang mga kapitbahay na karaniwan kong naririnig sa tapat ng bintana ng silid ko na nag-aayos ng kotse, nag-iinuman, o naglilitson sa labas ng bahay ko ay tila nasa loob ng bakuran ko na. (Sa totoong buhay, sira ang bakod ng bahay ko–sinira ng mga nagnanakaw ng mangga–at hindi ko pa naipapaayos. Nasa mismong tapat ng bintana ko raw ang isa sa kanila at parang unting-lumalapit. Parang nalusaw pa nga ang bintana at dingding dahil nakita ko nang malinaw ang lalaking nakaputi na alam kong may masamang balak. Nang babangon na raw ako upang iprotesta ang nangyayari, biglang may buhanging bumagsak sa aking leeg. Naisip ko kung hinagis lang ba ako ng buhangin, o ang naramdaman ko’y dugong umaagos sa aking leeg mula sa isang taga!

Ilang gabi na ang nakalilipas, nananaginip naman akong sasakay kami sa isang malaking bapor kasama ang ilang kaibigan. Ayon sa ilan, masama ang kahulugan ng ganitong panaginip.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts