Nag-uunahang dumarating, mistulang mabubuo ngunit biglang sasambulat hanggang di ko na matitigan ang mga ideyang kinakailangan kong habulin, hulihin, himasin at romansahin, pagkatapos ay ihanay at ikulong sa alternatibong word processor kong Atlantis. Nasa harap ako ng aking computer, sinasarili ang pagsisikap na makalikha ng isang sulatin ngunit putul-putol na pariralang kung saan-saan pumupuwesto ang nililikha ng aking PC na matagal ko nang di nakaulayaw. Ang mga salita’y mistulang mga buntung-hininga at daing na di makarating sa mapagpalayang orgasmo.

Nakapila, umiindak sa saliw ng mga kanta sa Wanted Bedspacer album ni Ely Buendia, tumatalon, kumikindat, nanunukso’t nangangalabit ang mga paksa at usaping nais kong kong bulatlatin at isalaysay: ang mga ungol at halinghing sa mumunting sulok ng CyberSpace; ang kalibugan nating mga taga-UP at kung paano ito masisilip sa patuloy nating pakikihamok sa kampus, sa mga lansangan at sa mas malawak pang mundo; ang pagsilang ng fortnightly magasing Newsbreak; ang dahilan sa pagkakatatag ng cool consumer org na TXTPower; ang v17 ng Tinig.com; at ang maikli ngunit makabuluhang buhay ni Lean Alejandro, isang iskolar ng bayan at martir ng pambansa-demokratikong kilusan.

Paroo’t parito ang patak ng ulan. Nangungutya ang tunog ng bawat bagsak ng mga ito sa naglalawang lupang kinukumutan ng mga tuyong dahon ng mangga sa maliit na bakurang di ko na magawang walisan man lamang. Nanunudyo ang ulan–humahagikhik sapagkat nararamdaman nito ang kasalukuyang kawalang paninigas at kahungkagan ng aking panulat.

Nagmamarukulyo ang sikmura kong mula pa kaninang hatinggabi ay di nasasayaran ng kanin at ulam. Matinis ang pangungumusta ng Yakult na may lacto bacilli, ang ngayo’y may monopolyo sa espasyo sa luma kong refrigerator matapos kong ma-drink ang isang ready-to-drink Milo chocolate drink na kanina’y kaulayaw at kaututang-dila nito. (Naubos ko ang Milo ngunit di naman ako naging kasing-henyo ng atomic bomb na batang pinagkakaguluha’t nakapagpapakilig sa mga binibining tambay sa Peyups.com forums.)

Nakadalawang mini-garapon na ako ng Champola chocolate wafer stick ngunit kahit isang matinong tanong sa aking guide questions ay di ko mabuo. Bumigay na ako sa temptation ng isang stick ng Marlboro Lights menthol na ninenok ko pa kay Melissa nang minsang pakainin niya ako ng niluto niyang tocino sa kanyang apartment ngunit kahit kaputol na subject outline ay di ko magawa. Wala ba akong swerte ngayong madilim na Sabado dahil ubos na ang supply ko ng chili-kalamansing Lucky Me instant noodles? O baka naman kailangang ko pang bumili ng Chocnut na isang pakete upang lumibog ang aking panulat?

Kailangan bang busog ka upang makakatha ng makatas na sulating maaaring i-submit sa Aming Katha,BNext at maging sa CyberDyaryo at Philippine Journalism Review?

Kailangang makagawa pero walang magagawa kung ganito ako kabobo, ayoko nang mag-escribo.

O baka naman uso pa rin sa akin ang sinasabi nilang inspirasyon?

“Kapag kausap kita/ mundo’y nag-iiba/ sana’y nandito ka”

Ngunit ang panaginip ng muling pagtatagpo at pagniniig ay isa na lamang bangungot. Sapagkat gaya ng mga ideyang kanina ko pa hinahabol habang nakaupo, siya–ang aking distant inspiration–ay isa nang diwatang gala at ngayo’y tila gunitang nagkawatak-watak na at sa misteryosong Akashic records na lamang mahahapuhap. Oo, sa piling ng iba, siya’y sumabog gaya rin ng isip kong maya-maya’y maaaring mawasak.

Mahaba at malawak na kawalan. Nasusukat ba ang wala?

Tila gusto ko na namang humimlay matapos ang kalahating-araw na solitaryong pagtulog nang walang bedmate.

Mabuti pa kagabi, bago ako gumapang sa ilalim ng mga kumot: Matapos basahing muli ang Gapo ni Lualhati Bautista, ni-review ko ang mga madamdamin at maigting na diskurso tungkol kay Ate Glo, sa pakialamerong si Uncle Sam at sa naghihingalo na yatang nasyonalismo na tinatalakay ng mga kaTinig sa balita’t usapin ng Tinig.com forums. At sumidhi ang pagnanasa kong magsulat.

Matapos iyo’y nakisakay ako sa airwaves kung saan si Miss M ng dzMM ang piloto. Nakakaaliw ang tinig nyang ini-imagine na yata ng lahat ng kalalakihan sa buong Pilipinas at maging ng mga Pinoy na laking-Tate kaya’t di na nakakikilala kay Dolphy. Nakakabaliw rin, lalo na yung mga trying hard mag-English. Hmmm, gaya ko, na ngayo’y TH na magsulat? Pero teka, di ba’t maging kagabi’y nananitiling white space ang pahina para sa petsang Hulyo 19 sa aking tigang na journal?

Nanahimik, tumigil na sa pagba-vibrate ang Nokia 7110 kong ang logo ay TXTPower: Texters unite! (you have nothing to lose but your load, hehehe!) Bubulung-bulong na lang ang mga huling hibik ng Hotchick sa tape na nakasalang sa luma kong player. Pumainlanlang na ang huling usok ng yosing natitikman ko lamang isa, dalawang beses sa ilang buwan.

Ngunit patuloy ang ulan sa pang-uuyam.

Bitin pa rin ako.

Nakamamatay ba ang deadline?

http://www.peyups.com/article.khtml?sid=1044