May mga tunog, kulay o bagay na nakapagpapabalik sa akin ng mga nakabaon o nakaligtaang alaala, emosyon o pakiramdam.

Habang pauwi mula sa isang tensyonado at nakakapagod na coverage noong Miyerkoles, nakayukayok ako sa likod ng taxi habang tumutugtog iba’t ibang love songs sa FM radio. Pagod ako’t masakit ang ulo, kaya medyo akma ang ganoong tipo ng musika. Ngunit biglang binago ng tsuper ang tugtog; nagsaksak siya ng isang tape sa kanyang player at ang buong kotse’y napuno ng isang maingay na kanta. Pamilyar ang tunog na maya-maya pa’y tuluyan kong nakilala: “Alkohol” ng paborito kong Eraserheads. Sa halip na mairita at o lumala ang pumipintig na sakit ng ulo, natagpuan ko ang aking sariling sumasabay sa masamok na kanta. Maya-maya’y sumunod na ang “Wishing Wells”, “Kailan” at “Magasin”.

Sinundo ng himig at tinig ng E-heads ang mga alaala ng aking buhay-kolehyo: ang dormitoryo, ang mga bakasyon, ang mga kaibigan; ang masaya, makulit at magulong mga kuwentong Peyups; ang mga gunita ng “good old days”. Bukod pa rito, ang kantang “Magasin” ay nagdala sa akin maging sa ilang alaala ng high school. (Wala lang, alam kong pagtatawanan ako ni Orange!)

Malaking bahagi nga pala ng buhay-kolehiyo ko ang Eraserheads. Ang mga awitin ng banda ay parang soundtrack ng aking buhay, Lalo ng ng aking college life: “Minsan”, “Sembreak”, “Pare Ko”, “Yoko”, “Overdrive”, “Harana”, “Para sa Masa”, “Tuwing Umuulan at Kapiling Ka”, at marami pang iba.

Sa kolehyo, paminsan-minsa’y nakakasama rin sa pakikibaka ang Eraserheads. Noong kasagsagan ng kampanya namin laban sa Commonwealth Property Development Project–pinagandang pangalan ng komersyalisasyon ng UP education–ay tinugtugan kami ng E-heads. Sa kantang “Yoko”, may bulong silang parang ganito: “Milyun-milyong Pilipinong estudyante, tumiwalag, palayain ang sarili!”

Higit sa bulong ng pagkalas sa CMT at ROTC, binago ng Eraserheads ang landscape ng Original Pilipino Music. Rebolusyunaryo ang bagong tipo ng musikang ipinakilala nila, na niyakap ng mga Pilipino mula sa lahat ng antas ng lipunan. Mapagpalaya’t mapagbuklod ang musika ng E-heads, kahit madalas ay tila walang kapararakang pinagdugtung-dugtong na salita lamang ang kanilang liriko. Sayang at kailangang magbago. Maaari pa sanang maingat ang kanilang musika upang “sunduin ang masa…kahit ayaw nilang sumama.”

Pero ganyan talaga ang buhay, puno ng pagbabago. Ang mahalaga, kapag naririnig natin ang kanilang mga kanta, sinasalubong tayo ng malakas na agos ng mga alaala.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center