Nakuha ko ang talumpati sa ibaba sa blog ni Arbet at sa blog ni Marian Panganiban, ang kinatawan ng School of Economics sa University Student Council. Kumakalat na rin ito sa email at mga online forum.

Maikling Talumpati ni Gng. Cristina Garcia Mendez, ina ni Cris Mendez, sa National Conference to Stop Hazing noong Disyembre 11, 2007 *

Magandang umaga po sa inyong lahat.

Ilang linggo lang po ang nakakaraan ay nagtagumpay kaming buksan ang mga e-mails na natanggap ng aking anak na si Cris Mendez bago siya pumanaw noong August 27, 2007.

Isa po sa mga huling e-mails na natanggap niya ay may petsang August 22, 2007 na ang title ay “Sigma Rho Tenets.” Galing po ito sa isang nagngangalang Jj Ocana na sinabi niya sa anak ko na memoryahin daw ng anak ko ang mga tenets ng Sigma Rho at idinugtong niya na “see you on saturday. we are looking forward to having you as a brod.”

Doon po sa ipinadala ni Jj Ocana na Sigma Rho Tenets ay kasama yung mga sinasabi niyang “Codes of Action of a Sigma Rhoan.” Ang pinaka-number one po sa mga Codes of Action na ito ay ganito ang sinasabi: “To stand by the side of any brother Sigma Rhoan right or wrong.”

Kahit nakagawa ng mali, kakampihan pa rin nila ang brod nila. Kahit gumawa ng krimen, o pumatay ng tao, pagtatakpan pa rin nila ang brod nila. Walang kwenta sa kanila ang Diyos. Ang batas ay bale-wala rin. Kahit bulong ng konsensya nila ay di pinapansin.

Mag-aapat na buwan na po mula nang saktan at kitilin nila ang buhay ng kaawa-awa kong anak. Ang napakabait kong anak. Kami po ay isang mahirap na pamilya lamang at ako po ay umabot lamang sa high school. Wala po akong gaanong alam sa mga fraternities at ang kanilang mga ritwal. Ang alam ko lamang po ay ang itinuro sa akin ng aking mga magulang na itinuro ko rin kay Cris at sa bunso niyang kapatid na si Renz. Ito ay ang magkaroon ng takot sa Diyos. Ang paggawa ng tama. Ang pagmamahal sa kapwa. Ang pagharap sa responsibilidad at paggalang sa batas. At ang paghingi ng tawad sa kapwa pag nakagawa ng mali.

Yung ito lamang po sana ang tenets ng mga fraternities hindi po siguro nangyari ang nangyari sa aking anak.

Salamat po.

* Si Cris Mendez, nasa ikaapat na taon sa kursong public administration sa UP, ay patay na nang dalhin sa Veterans Memorial Medical Center noong madaling araw ng Agosto 27, 2007. Sumailalim siya sa hazing ng Sigma Rho fraternity bago siya bawian ng buhay. Ang National Conference to Stop Hazing ay itinaguyod ng Solidarity for Anti-Hazing Via Education at UP Student-Led Anti-Hazing Watch.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center