Isang mainit na tag-araw, aksidenteng pinagtagpo tayo ng kung anumang puwersang nagbibigay-direksyon sa ating kasaysayan. Sa unang pag-uusap ay agad na humanga ako, di lang sa iyong kagandahan ngunit pati sa iyong paninindigan at pagmamahal para sa ating propesyon at bokasyon.

Hinila mo ako palabas sa Net na puno ng sapot ng kabiguan, kung saan ako lulutang-lutang sa balag ng kawalang katiyakan. Niyaya mo akong mag-enjoy rin sa tunay na mundo, at puno ng pananabik na inabangan ko ang bawat nating pagsasama.

Nagtagpo tayo kapwa sa cyberspace at ganoon din sa ibabaw ng daigdig na may tatlong dimension kung saan ang tubig, hangin, lupa, at apoy ay di lamang nakikita’t naririnig, kundi nahahawakan at nararamdaman din.

Magkasama nating tinunghayan ang mga bituin habang ninanamnam ang lamig ng gabi sa Sunken Garden sa kabila ng kainitan ng umiiral na tag-araw. Nagsalo tayo sa matamis na kasiyahang dala ng good time teddy bear na putol ang paa matapos mabiktima ng bomba ni Bush sa Iraq. Buong gabi nating nilamay ang pagsubok na unawain ang kaisipan ni Little Prince at ang kuwento nila ng kanyang matampuhing rosas. Ibinulong natin sa isa’t isa ang mga nakalipas na kabiguan at mga pangarap para sa kinabukasan.

Ang ugnayan nati’y patuloy na yumabong, at hindi naging hadlang ang layo sa ating mga kuwento’t balitaan at mga mapagpalayang buntunghininga sa gitna ng mga trahedya sa bayan nating puno ng luha’t dalita. Habang tayo’y magkalayo, umigpaw sa pagitan ng mga bundok at dagat ang ating mga tinig at sa tuwina’y halos magkandarapa ako sa pananabik na muli kang marinig.

Sabi mo, kakaiba ako (kahit sobrang corny, hehe). Ngunit pareho tayong kakaiba. Hindi ka gaya ng karaniwang babae. Bagama’t tulad ni Maria Claria’y kailangan mo rin ng mapagkalingang mga bisig, malampa man ako’y kaya mo akong alalayan. Nauunawaan mong hindi sa lahat ng oras ay kasinlakas ako ni Shaider. Ideyal kang katuwang tulad din ng magandang si Annie. Hindi ka lamang palabang Cinderella at mulat na Gabriela–mas asteeg ka pa kaysa kay Darna. Dahil diyan, titingin pa ba naman ako sa iba?

Dati, sinabi kong kung muli akong makakaramdam ng tulad ng nararamdaman ko ngayon, higit pa sa romantikong pangangarap at pagsusulat ang aking gagawin. Sabi ko, siguro’y tatayo na ako, kikilos at muli’t muling susugal hanggang sa tagumpay. Isang malaking sugal sa pagitan ng kaligayahan at kasiphayuan ang ginawa ko nang ipasilip ko sa iyo ang aking kaluluwa ngayong tag-araw.

Sana, ikaw na lang ang lalagi kong kasama sa bawat tag-araw at bawat panahon ng buhay ko.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center