Isa ako sa mga pinalad na makita nang may kalapitan–bagamat ilang saglit lamang–si Papa Juan Pablo II noong ginanap ang World Youth Day sa Maynila sampung taon na ang nakalipas. Nakasakay noon ang Santo Papa sa kanyang Pope mobile.
Sang-ayon ako sa sinasabi ng marami tungkol kay Pope John Paul II: tila may taglay siyang liwanag na sumisinag sa lahat ng mga nakakakita sa kanya. Ang liwanag na itong bumabalot sa Santo Papa ay naghahatid ng banal na ligaya at nagbibigay ng pakiramdam na natunghayan mo ang Diyos. Hindi kataka-taka, sapagkat ang isa sa mga tawag sa Santo Papa ay ang Kinatawan ni Kristo at kahalili ni apostol San Pedro, itinalagang lider ng Simbahang itinatag ni Kristo.
Ngunit sa kabila ng kanyang mataas na katungkulan bilang pinuno ng Simbahang Romano Katoliko, si John Paul the Great ay nangungunang halimbawa ng pagiging mapagpakumbaba. Ang kanyang pagiging mapagpatawad at pagdamay at pagmamahal sa sangkatauhan nang walang pagtangi sa lahi at pananampalataya ay halimbawa rin ng maka-Diyos na katangian.
Alam na ng lahat–base sa mga kuwento ng mga taong nagtrabaho nang malapit kay Juan Pablo II–ang kanyang payak na pamumuhay. Ayaw niya sa luho at simple ang kanyang mga personal na pananamit. Tumanggi rin si Juan Pablo II na buhatin siya sa tradisyunal na silyang trono ng Santo Papa. Kahit noong maysakit at mahina na siya, sa abot ng kanyang makakaya ay pinilit niyang gumalaw nang hindi binubuhat.
Ibinaba niya ang tanggapan ng Santo Papa sa mga mamamayan ng daigdig. Ang dati’y hindi naaabot na pinunong nananatili lamang sa Roma ay naglibot sa buong mundo upang ipangaral ang Mabuting Balita ni Hesukristo. Humingi rin siya ng tawad sa sangkatauhan para sa mga naunang pagkakamali ng mga lider at kasapi ng Simbahan.
Gayundin, pinatawad niya ang taong nagtangka sa kanyang buhay. Nilabanan niya ang mga panunupil ng komunistang rehimen sa kalayaan ng kanyang mga kababayan sa Poland. Maging sa kanyang pagdalaw sa isang bansang malapit sa kanyang puso, ang Pilipinas, ay ipinahayag niya ang kahalagahan ng kalayaan at dangal ng bawat tao sa mismong panahon ng diktaturya. Nakiusap siya sa mga lider na huwag ituloy ang digmaan sa Iraq. Isinulong din ni Juan Pablo II ang muling pagkakaisa ng mga Kristiyano at kinilala ang kahalagahan ng pakikipag-ugnay sa ibang mga mananampalataya. Siya ang kaunaunahang Santo Papa na nagsalita sa bahay-sambahan ng mga Hudyo at pumasok sa Moske ng mga Muslim.
Naging misyon niya, bukod sa paggabay sa kawan ni Hesus, ang pagsusulong ng kapayapaan at karapatang pantao.
Espesyal din ang pagtingin niya sa mga kabataan. Sinimulan niya ang regular na pagsasagawa ng World Youth Day, isang pandaigdigang pagtitipon ng mga kabataan na ayon sa kanya’y nagmamay-ari ng kinabukasan.
Sa kabila nito, marami rin ang nanghinayang sa pananatili niyang konserbatibo sa mga usapin tulad ng diborsiyo, kontrasepsiyon at aborsiyon, ang pagkakasal sa mga homosekswal, at ang pagpapari ng mga kababaihan. Maaaring marami sa atin ay hindi sang-ayon sa kanyang paninindigan sa mga usaping ito, ngunit masisisi ba natin siya kung hanggang sa huli ay nanatili siyang matapat sa atas at tradisyon ng Simbahang ipinagkatiwala sa kanya?
Sa kanyang pagpanaw, tulad ng marami sa atin ay nararamdaman ko ang lungkot ng pagkawala ng isang dakilang pinuno at matibay na inspirasyon. Subalit sa kabila nito, pinapayapa ako ng pagkakaalam na si Karol Jozef Wojtyla, na sa kanyang buhay ay naranasan ang maging manggagawa, aktor, iskolar, pari, obispo, at Supremo ng Simbahan, ay makakapagpahinga na.
Di ba’t dapat tayong magbunyi ngayong si Juan Pablo II, ang Santo Papang kaibigan at idolo ng mga kabataan, ay kapiling na ni Bathala?

Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
February 22, 2023
How to Mitigate Cybersecurity Threats From Generative AI
Listed here are a few ways to mitigate cybersecurity threats from generative…
October 1, 2022
Marissa Flores named jury member at 2022 International Emmy Awards
GMA Network Consultant for News and Public Affairs Marissa L. Flores has been…
August 22, 2022
Jollibee opens in Times Square
Jollibee on Thursday officially took its place at "the crossroads of the world"…