in Pelikula at Telebisyon

Kapag napadpad ka sa sangandaan ng pag-ibig at mga pangarap, alin ang pipiliin mo? Kung matagpuan mo ang pag-ibig na naging dahilan para muli kang bumuo ng mga pangarap, hahayaan mo bang siya’y mawalay sa ‘yo?

Domestic helper sa Hong Kong ang nurse na si Joy (Kathryn Bernardo). Kahit bawal ay humahanap siya ng paraan para makaraket. Kailangan niyang mag-alaga ng ibang tao sa ibang ibayo para maibigay ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya sa Pilipinas. Masigasig siyang nagtatrabaho para makaipon at makalipat sa Canada, kung saan niya gustong habulin ang kaniyang mga pangarap.

Playboy na baristang broken-hearted naman si Ethan (Alden Richards). Ang kaniyang kabiguan sa pag-ibig, naging dahilan upang mawalan ng maayos na direksiyon ang kaniyang buhay. Pero sa kabila ng mga mahaharot na ngiti ng babaerong binata, nakakubli ang responsibilidad sa kaniyang pamilya na kailangan niyang harapin.

Isang gabi’y nagkurus ang kanilang mga landas, at kalauna’y naging bahagi sila ng buhay ng isa’t isa. Ngunit paano magkakaroon ng kaganapan ang kanilang pag-iibigan gayong kailangang umalis ng dalaga? “Kung mahal mo ako, bakit pinapipili mo ako?” ang tanong ni Joy kay Ethan nang himukin siya ng lalaki na manatili sa Hong Kong.

Sa pelikula, napakamakatotohanan ang pagganap ni Kathryn sa papel ni Joy. Para bang talagang pasan-pasan niya ang daigdig. Mararamdaman mo ang pagod niya, at maaawa ka sa kaniya lalo sa isang eksena kung saan kinailangan niyang ilantad ang katotohanan sa harap ng isang tao mula sa kaniyang nakaraan. Tagos na tagos sa puso ang kaniyang sinabing ang choice ay para lamang sa may pera.

Ibang-iba naman si Alden sa “Hello, Love, Goodbye.” Kung nasanay ka sa pa-sweet at pa-good boy na pagganap niya, magugulat ka pag-arte niya sa pelikulang ito. Malayong-malayo si Ethan sa mga karakter ni Alden na nakilala mo. Sa pagganap sa papel ng isang lalaking sa isang banda’y tila happy-go-lucky at walang pakialam at sa kabilang banda’y mangingibig na nangungunyapit sa kaniyang iniibig, lalong naipakita ang husay ni Alden bilang isang aktor. 

Nakakaaliw rin sina Maymay Entrata, Joross Gamboa, Kakai Bautista, at iba pang mga kaibigan at ng mga bida. Natural na natural ang pagiging makulit at masayahin nila, na bumalanse sa matinding drama sa buhay nina Ethan at Joy.

Sa kuwento, nagmula si Joy sa probinsiya namin — ang Marinduque — pero wala siyang punto. Puwede sanang gamitin ni Joy ang salita sa amin kapag kausap niya ang pamilya niya, dahil ang dialect sa Marinduque ay variant lang ng Tagalog at madali pa ring maintindihan kung di gagamit ng malalalim na salita. Pero malay natin, kung may part 2 ang pelikulang ‘to ni Direk Cathy Garcia-Molina, baka mangyari ‘yan at mabisita pa nina Alden at Kathryn ang mga lugar sa amin gaya ng Maniwaya White Beach at Bathala Caves.

Bukod sa magaling na pagganap ng mga artista, itinatampok din ng “Hello, Love, Goodbye” ang mga tanawin ng Hong Kong — na ang mga mamamayan ngayo’y nasa gitna ng pakikibaka para sa kanilang mga karapatan. Higit sa rito, ipinakikita ng pelikula ang pakikiahamok sa buhay ng overseas Filipino workers doon.

May listahan ang Click the City ng mga sinehang nagpapalabas pa ng “Hello, Love, Goodbye.” Kung hindi mo pa napapanood ang bagong highest-grossing Filipino film of all time, huwag mo nang hintaying sa iWant o Netflix mo pa ito aabangan.

Post a reply