Hindi ako nagtaka o nagulat nang ang Kapuso actor na si Alden Richards ay unti-unting nakilala at ngayon ay maituturing nang isa sa mga pinakasikat na artista sa Pilipinas kasama ang katuwang niyang si Maine Mendoza.

Bilang bahagi kasi ng trabaho ko sa Yahoo! Philippines noon, sinusubaybayan ko kung ano-ano ang mga hinahanap ng netizens sa aming search engine. Ilang linggo pa lamang matapos ipakilala ng GMA Network si Alden bilang leading man ni Louise delos Reyes sa “Alakdana,” sinearch agad ng Yahoo! users ang bagong heartthrob.

Amazing Newcomer

Noong Pebrero 1, 2011, isa si Alden sa mga itinampok naming popular celebrity searches sa Yahoo! Philippines.

Pero Disyembre pa lang, napansin na ng Kapuso producer na si Rebya Upalda ang dating ni Alden sa TV. Sa kaniya ang pinakaunang public mention sa Twitter ng screen name ng aktor, na ang totoong pangalan ay Richard Faulkerson Jr.

Ito ang video ni Alden noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz. Ini-upload ito ng GMA Network noong 2013, pero base sa video, kinunan ito noong 18 years old pa lang siya:

Pagpasok ng 2011, ini-announce na ni Alden sa kaniyang half-month-old Twitter account ang pagkakasali niya sa “Alakdana.”

Ang Twitter user na unang naging fan ni Alden, base sa available public posts, ay si Pat Ozaraga.

Unang napatunayan ang appeal ni Alden sa Pinoy netizens nang siya ang hinirang na Amazing Male Newcomer sa kauna-unahang Yahoo! OMG Awards noong Hunyo 2011. Kinilala sa Yahoo! OMG Awards ang most-searched Filipino celebrities.

Si Alden, inialay ang kaniyang award sa namayapa niyang ina. Panoorin ang video ng mga nanalo, kabilang si Alden:

‘Pambansang Dimple’

Bago siya tawaging “Pambansang Bae,” nakilala rin si Alden bilang “Pambansang Dimple.” Hulyo 17, 2011 sa “Don’t Lie To Me” segment ng entertainment talk show na “Showbiz Central” nang ibigay ni John Lapus kay Alden ang bansag na ito. Sa segment na ‘yon din inalok ni Alden si Sam Pinto, na noo’y crush niya, na samahan siya sa isang friendly date.

Naging trending topic ulit si Alden sa Yahoo! Philippines, at narito ang isinulat ko noong linggong ‘yon:

6. Alden Richards. Kapuso tween star Alden Richards, the Amazing Male Newcomer of the first-ever Yahoo! OMG! Awards, recently admitted to having a “super crush” on FHM’s sexiest woman Sam Pinto. Egged on by “Showbiz” Central host, John “Sweet” Lapuz, the 18-year-old actor who is now being dubbed as “Pambansang Dimple” (national dimple), asked Sam out on a friendly date. Luckily for Alden, Sam’s answer was “Of course. It’s a friendly date, so why not? That’s a yes!” Alden and Sam are both in the cast of GMA Film’s “Tween Academy: Class of 2012.”

Correction: Dahil Hulyo 2011 ang article at Enero 2, 1992 ipinanganak si Alden, 19 years old na pala siya sa halip na 18 noon.

Habang nagre-research para sa blog post na ito, nakita ko ang isang video ni Alden sa mall tour ng “Tween Academy.” Ang hiyawan ng fans, tila ba patikim ng kasikatang tatamasahin ng noo’y bagitong teen actor.

Ang “Tween Academy: Class of 2012” ni Direk Mark Reyes ang pinakaunang pelikula ni Alden. Gumanap siya bilang Christian, ang mabait na high school heartthrob ng grupo.

Nakasama niya rito ang ka-loveteam na si Louise delos Reyes at ang mga kaibigan at mga kasabayang sina Kristoffer Martin, Bea Binene, Derrick Monasterio, Barbie Forteza, Elmo Magalona, Jake Vargas, Joshua Dionisio, Joyce Ching, Lexi Fernandez, at Yassi Pressman.

Ang “Tween Academy” ay spin-off ng teen drama series na “Reel Love Presents Tween Hearts,” kung saan kasama si Alden sa supporting cast.

Nang parangalan ng Yahoo! Philippines ang napiling pitong makabagong bayaning Pilipino noong Agosto 26, 2011, kasama sina Alden at Louise sa pagkilala sa kanila.

Louise delos Reyes and Alden Richards
Kapuso teen stars Louise delos Reyes and Alden Richards at the Yahoo! Philippines Pitong Pinoy Awards.

Kung may very vocal fans si Alden noong nagsisimula pa lang siya, mayroon ding mga tahimik na sumusubaybay, gaya ng isang cyberfriend kong shy pa raw noon. Abogada na siya ngayon.

Mukhang agree naman sa sagot ko kay Eden maging ang mga showbiz reporter. As early as 2011, may mga nag-predict na rin ng paglaki ng pangalan ni Alden.

“Marami ang nagsasabi sa entertainment reporters na he can really be the next big thing. Sadyang mabait daw kasi ang Kapuso actor,” ayon kay Rose Garcia sa isang article niya sa Philippine Entertainment Portal.

Sa Golden Screen Awards ng Entertainment Press o ENPRESS noong Nobyembre 29 ng taong iyon, si Alden ang nakakuha ng award na Outstanding Breakthrough Performance by an Actor para sa kaniyang pagganap sa “Alakdana.”

Kinabukasan, Nobyembre 30, ipinalabas naman ang horror thriller film na “The Road” ni Direk Yam Laranas. Ito ang pangalawang movie project ni Alden, kung saan gumanap siya bilang psychotic character.

Ayon sa mga producer nito, ang “The Road” ay ang unang pelikula mula sa Pilipinas na nagkaroon ng commercial release sa United States at Canada. Ang “The Road” din ang nagdala kay Alden sa kaniyang pinakaunang biyahe sa labas ng bansa.

Kung ang “The Road” ay nakakuha ng magagandang reviews, kasali naman sa Metro Manila Film Festival ang sumunod na pelikula ni Alden. Pinalitan ni Alden si Aljur Abrenica sa “Ang Panday 2.”

Sa kaniyang unang anibersaryo sa showbiz, hindi nakalimutan ni Alden na magpasalamat sa kaniyang mga tagahanga, lalo na sa Aldenatics at sa founder nitong si Nate Gonzaga.

Naging mabunga ang unang taon ni Alden sa showbiz, at malaki ang pasasalamat niya sa GMA-7. “Parang ibang-iba po ‘yong treatment sa akin ng network at parang napaka-very blessed ko po na sa GMA ako napunta at hindi sa ibang network,” aniya sa isang interview.

Ngunit sa kabila ng unti-unting katuparan ng mga hangarin ng tulad niyang nagsisimula pa lamang, may dampi pa rin ng lungkot ang simoy ng hangin ‘pag Kapaskuhan. Noo’y ilang taon pa lang ang nakalilipas mula nang pumanaw ang kaniyang ina.

“Honestly po mahirap pa rin. Kahit ano pong gawin ko na i-divert ko ‘yong attention ko sa ibang bagay, meron pa ring kulang. Mom ko ang kulang. I miss her every day,” ayon kay Alden sa isang interview sa Yahoo! Philippines.

Sa unang buwan ng 2012, “Party Pilipinas,” paggi-gym, at Candy Magazine live chat ang kabilang sa mga pinagkaabalahan ni Alden.

Para naman sa Valentine’s Day, nagkaroon ang GMA Network ng contest na nagbigay ng pagkakataon sa mga tagahanga ni Alden na maka-date siya.

Ang #DateWithAlden at ang #SizzlingAlden, na para naman sa Folded and Hung endorsement niya, naging top Twitter trending topics pa.

Pebrero din nang umere ang fantasy drama na “My Beloved” kung saan nakasama ni Alden ang Kapuso Primetime King and Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

Noong buwan ding ‘yon, muling pumasok sa weekly top trending searches ng Yahoo! Philippines si Alden.

9. Alden Richards. Kapuso actor and Yahoo! OMG’s Amazing Male Newcomer awardee Alden Richards is thankful for the blessings that he’s been receiving this year. He is in the cast of GMA-7’s primetime soap opera “My Beloved” and, pending his visa, he is set to fly to the U.S. to attend the May 9 premiere of the local horror movie, “The Road,” in Los Angeles, California. He was also named the new celebrity endorser of the clothing brand Folded and Hung.

Maging ang Star Studio magazine ng ABS-CBN, kinilala na rin si Alden bilang isa sa kanilang “Hot 12 of 2012.”

Sa isang interview ni Jason Domantay ng Yahoo! Philippines OMG kay Alden, ibinahagi niya kung ano ang kahulugan ng tagumpay para sa kaniya sa panahong iyon.

Marahil, sa kaniyang kababaang-loob ay ayaw pang aminin ni Alden, pero para sa isang tulad niyang nakaranas ng mga rejection at pagkatalo bago tuluyang makapasok sa showbiz, maituturing na ring tagumpay ang tinatamasa niya noon.

Pagkatapos ng “My Beloved,” pinagkatiwalaan na ng GMA si Alden ng kaniyang kauna-unahang lead role sa drama series na “One True Love.” Muling nakapareha ni Alden ang ka-loveteam na si Louise, at kasama nila si Lucho Ayala.

Wagi sa ratings ang “One True Love,” kung saan ginampanan ni Alden ang papel ng karakter na si Tisoy. Tisoy rin ang palayaw ni Alden noong bata pa siya. Ipinagbunyi ng DenLou fans ang pagganap ng paborito nilang loveteam sa mala-Romeo and Juliet na teleserye.

Pagdating ng Setyembre, handa nang magpaseksi ang bagong Kapuso leading man. Sa kaniyang pinakaunang pagsali sa Cosmo Bachelor Bash, siya ang pinakahuling rumampa. Itinampok din siya ng Cosmopolitan Philippines Magazine sa kanilang October 2012 issue.

Cosmo Bachelor Bash 2012 photos
Alden Richards at Cosmo Bash 2012 (Photo courtesy of flaircandy.com)

Oktubre din nang makabili si Alden ng bagong kotse mula sa kaniyang mga kinita sa showbiz.

Pagsapit ng Kapaskuhan, may dalawang MMFF entries na kasali si Alden — ang “Sosy Problems” at ang “Si Agimat, Si Enteng at Ako.”

GMA Prince of Drama

Sumunod sa pagsalubong sa taong 2013 at pagdiriwang ng ika-21 kaarawan ni Alden ang announcement ng pagkakasali niya sa epicserye na “Indio.” Siya ang gumanap na batang Indio. First time niyang nakapareha rito ang kapwa Kapuso young star na si Bea Binene.

Muli naman silang nagtambal ng ka-loveteam na si Louise sa teledrama na “Mundo Mo’y Akin,” na ipinalabas Marso ng taong ‘yon. Sa mga publicity releases ng GMA Network para sa teleserye, tinawag nila si Alden na “Philippine television’s Prince of Drama.”

Mapapanood pa rin sa YouTube ang full episodes ng “Mundo Mo’y Akin.”

Bago ang “Mundo Mo’y Akin,” itinampok naman noong Marso 9, 2013 sa “Magpakailanman” ang kuwento ng buhay ni Alden, at siya ang gumanap sa kaniyang sarili. Sa interview niya kay Mel Tiangco, sinabi niya na muli raw nanumbalik ang mga alaala ng kaniyang mga karanasan. Naroon pa rin aniya ang sakit ng pagkawala ng kaniyang ina.

Pinasok din ni Alden ang pagkanta. Mayo 26, 2013 nang ilunsad ng Universal Records sa Trinoma ang kaniyang self-titled album.

“‘Yong singing is parang acting while singing. While reading the lyrics, you can understand the feeling of the line, kung ano ‘yong emotion na dapat i-deliver dun sa verses ng song,” ani Alden sa isang artice ng Myx.

Bago pa man ang grand launch ng kaniyang unang album, lumabas na ang isa sa mga una, kung hindi ang pinakauna, na solo magazine cover ni Alden sa April-May 2013 issue ng Pinoy song magazine. Basahin ang behind-the-scenes story ng stylist na si Jear De Mc Cuttac.

Naging bahagi rin si Alden ng “Sunday All Stars, na pumalit sa “Party Pilipinas” noong Hunyo ng taong ‘yon. Doon sila nagkasama ni Julie Anne San Jose, na nalink sa kaniya.

Noong buwan ding ‘yon, nagpost si Alden ng picture sa Instagram kasama si Dr. Vicki Belo, pero Enero pa lang, nag-tweet na siya na proud siyang maging isang Belo baby.

Ang noo’y kinailangan nang maging laging maayos at presentable na si Alden, rumampa ulit sa Cosmo Bachelor Bash at naging isa pa sa mga centerfold ng Cosmopolitan Magazine pagdating ng Setyembre.

Noong Oktubre 25, 2013, pumirma si Alden ng exclusive contract sa GMA. Ikinatuwa ni Alden ang aniya’y pagri-risk sa kaniya ng Kapuso Network. Nang araw na ‘yon din pumirma ng kontrata ang batikang aktres na si Jacklyn Jose, na nakasama niya sa “Mundo Mo’y Akin” at kalauna’y magsasabing si Alden ang “pinakamahusay na aktor sa generation niya.”

“My career now with GMA is moving forward [every year]. Moving forward with good projects, and good image and opportunities po na naibibigay sa ‘kin so siguro sana po magpatuloy ‘yong ganito kagandang relationship with me and GMA. And sana po tuloy tuloy po ‘yong suporta ng network sa ‘kin. I’m just so proud to be a Kapuso,” sabi ni Alden.

Kapuso Primetime Prince

Nangyari naman ang hiling na ‘yan ni Alden. Pagpasok ng 2014, itinambal siya ng GMA sa Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa “Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw.” Ayon kay Alden, “dream come true” ito para sa kaniya.

“Parang masasabi ko po talaga na inangat ng ‘Carmela,’  inangat ni Marian, ang career ko sa showbiz,” ani Alden sa isang press con.

Si Marian ang pinapili ng GMA ng kaniyang katambal sa “Carmela,” at si Alden daw ang unang pumasok sa isip niyang noong sinabing mas bata ang makakapareha niya. Ani Marian tungkol kay Alden, “mahal niya ‘yong trabaho niya. At ‘yon ang mahalaga sa akin.”

Ayon kay Agot Isidro, na gumanap na nanay ni Marian sa “Carmela” at nakasama rin ni Alden sa “One True Love,” ipinakita ni Alden na karapat-dapat siyang maging leading man ni Marian Rivera. “I’m proud of him because nga ang laki na ng growth niya as an actor … palaki nang palaki ‘yong kanyang glitter as a star,” sabi pa ni Agot sa isang interview.

Kung si Marian, pinili si Alden para maging leading man niya, ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid naman, first and only choice si Alden bilang co-host sa talent search na “Bet ng Bayan.”

Nagpasalamat naman si Alden sa pagiging supportive ng Asia’s Songbird. In-enjoy rin niya ang mga biyaheng kaakibat ng kaniyang first hosting job.

Pareho ring nakasama ni Alden sina Marian at Regine Hunyo ng taong ‘yon para sa Freedom Concert Tour ng PLDT.

Nakapareha rin ni Alden noong 2014 ang isa pang reyna sa industriya. Naging leading man siya ng Superstar na si Nora Aunor sa short film na “Kinabukasan” ni Direk Adolfo Alix Jr. “Isang malaking karangalan sa akin na makasama siya at makaeksena,” ani Alden.

Sa unang lead role pa lang ni Alden sa “One True Love,” may ilan nang nagbabansag sa kaniya bilang Primetime Prince ng GMA-7. Muling ikinabit sa kaniya ang titulong ito noong umeere ang “Mundo Mo’y Akin,” kung saan nakapulot siya ng mga aral mula sa mga beteranong nakatrabaho niya. Nang ipareha siya kay Marian, tinanggihan ni Alden ang ganitong titulo. Ayaw niya at nahihiya raw siya tuwing tatawagin siyang Kapuso Primetime Prince noon. Wala umano siyang karapatan.

Tinanggihan ni Alden ang mga titulo, pero ang mga tagahanga, mga kasamahan, at mga reporter ang naniniwala noong mas lalo pang sisikat ang kaniyang bituin. Maging ang Dubai-based na Gulf News, inireport dati pa ang pagturing sa kaniya bilang “next most important star” ng GMA.

‘Pambansang Baeyani’

Sa kabila nga pagtanggi niya sa mga papuri, hindi naitago ng sumunod niyang proyekto ang patuloy na tiwala sa kaniya ng GMA. Siya ang gumanap bilang si Jose Rizal sa “Ilustrado,” na ayon sa GMA ay kauna-unahang BayaniSerye sa Philippine primetime.

Ikinuwento ni Alden na ibinigay sa kaniya ng GMA News and Public Affairs ang role nang walang audition. Aniya, binigyan din siya ng staff ng mga material tungkol sa pambansang bayani na puwede niyang pag-aralan. Kinailangan din niyang magpaitim ng balat para sa role.

Narito ang video ng ang unang episode ng Ilustrado:

https://youtu.be/BTrez_zdegc

Bago magwakas ang “Ilustrado,” inanyayahan ng aming team — nasa GMA News Social Media na ako noon — si Alden para sa isang question and answer session. Game siyang sumagot sa aming “#AskAway: The GMA News Facebook Q&A.”

“Kung maaaring baguhin ang kasaysayan, may nais ka bang palitan sa mga nangyari sa buhay ni Gat Jose Rizal? Kung mayroon, ano ‘yon?” ang tanong ko kay Alden. Ang sagot niya: “Siguro wala because every event that happened in the past played a part in history whether good or bad. Siguro lang bawas-bawas sa chicks.”

Nang tinanong naman siya kung naniniwala siya sa forever, oo raw, pero wala pa raw siyang girlfriend noon.

Nang tanungin naman siya kung ano ang natutunan niya sa pagganap sa buhay ni Rizal, ang sagot niya’y “ang pakikipaglaban sa kung ano ang tama at mahalin ang pamilya at bayan nang higit sa sarili.”

Bago matapos ang Oktubre 2014, inianunsiyo ng clothing brand na Boardwalk na bago nilang endorser si Alden. Pormal siyang ipinakilala kasama ang iba pang bagong celebrity endorsers pagpasok ng sumunod na taon. Noong Nobyembre 2014 naman, ipinakilala si Alden ng SKK Mobile bilang bagong endorser.

Habang patuloy ang kaniyang pag-akyat, nagpatuloy rin si Alden sa pagbabahagi. Naging Habitat for Humanity ambassador siya noong Oktubre 2014.

Bukod sa kaniyang pagiging grateful sa mga pagkakataon at pagpapala, hindi rin nahiya si Alden na ipahayag ang kaniyang pananampalataya bilang isang Katoliko.

Nakita ang debosyong ito ni Alden sa kaniyang mga panayam, maging sa kaniyang social media posts.

Noong bumisita nga si Pope Francis sa Pilipinas, ipinahayag ni Alden ang pagnanais na makita nang personal ang Santo Papa.

Nang humiling si Pope Francis na siya’y ipanalangin, ganito ang sagot ni Alden sa Instagram:

‘Pambansang Bae’

Matapos ang pinagpalang 2014, sa simula ng 2015 ay nakapagbakasyon si Alden sa Europa sa unang pagkakataon. Dumalo siya sa Rotterdam International Film Festival para sa “Kinabukasan,” ang pelikula nila ng Superstar na si Nora Aunor.

Sa mga sumunod na buwan ay bumiyahe ulit si Alden papunta sa Canada at sa U.S., para naman sa #Sampuso, isang serye ng mga concert bilang pagdiriwang sa ikasampung anibersaryo ng GMA Pinoy TV.

Nang ilabas ang GMA Artist Center Folio noong 2015, ang profile ni Alden ang pinakaunang mababasa. Maaaring sabihing isa ito sa mga patunay na siya ang itinuturing na pinakamalaking exclusive talent ng GMA Artist Center noong panahong ‘yon.

GMA Folio
Alden Richards on the 2015 GMA Artist Center Folio

Pero ang pagsali ni Alden bilang regular host noong Abril 18, 2015 sa Eat Bulaga — ang pinakamatibay na noontime show sa bansa — ang mas nagpalawak sa naabot ng ningning ng kaniyang bituin.

Naging host siya ng segment na “That’s My Bae: ‘Twerk It’ Dance Contest,” at kalauna’y binansagang Pambansang Bae.

Ang “bae,” na sinasabing acronym ng “before anyone else,” ay tawag sa special someone ng isang tao. Pero ang Pambansang Bae, tila wala pang lovelife noon.

Sa isang interview kay Alden matapos ang “royal wedding” ng Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera, tinanong siya kung na-inspire ba siya sa kasalan ng itinuturing niyang kuya at ate sa showbiz. Ang sagot niya, “sobra.” At kabilang sa sinabi ng Kapuso Primetime Prince na wishes niya for 2015: “Sa lovelife, sana meron na ngayong 2015.”

Ang tipo niyang babae, nai-describe ni Alden sa isang interview sa kaniya noon ng child actress na si Ryzza Mae Dizon, na kalauna’y naging kasamahan niya sa Eat Bulaga. “Basta po mabait saka marunong mag-alaga,” ang sabi ni Alden, na sinagot naman ni Ryzza Mae ng “Yaya, gusto mo?”

Noong Hulyo 16, 2015, sa “Juan for All, All for Juan” segment ng “Eat Bulaga, nakipagngitian at nakipagkawayan si Alden sa isang “yaya.” At alam na nating lahat ang mga sumunod na nangyari.

Natagpuan na ni Alden ang kaniyang katuwang — kung di man sa tunay na buhay — sa mga ilusyong kuwento sa telebisyon at pelikula. At mula noon, magkasabay nang pumailanlang ang kanilang mga pangalan sa langit-langitan ng Philippine showbiz.

Alden Richards at Maine "Yaya Dub" Mendoza (Screengrab mula sa Eat Bulaga Facebook page)
Alden Richards at Maine “Yaya Dub” Mendoza (Screengrab mula sa Eat Bulaga Facebook page)

Ang noo’y baguhang binatilyong nagdasal at nanampalataya habang nagtitiis at nagsisikap, tinupad na ang pangarap na minana niya mula sa kaniyang mahal na ina.

Salamat kay Jerome Ascano na noo’y taga-NPPA Images para sa header photo ng blog post na ito. Larawan ‘yan ni Alden Richards sa unang Yahoo! OMG Awards noong Hunyo 21, 2011 sa Republiq Bar sa Resorts World, Pasay City.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center