Katanghalian noong Hunyo 30, 2016 nang manumpa nang ganito ang kasalukuyang pangulo:

“I, Rodrigo Roa Duterte, do solemnly swear that I will faithfully and conscientiously fulfill my duties as President of the Philippines, preserve and defend its Constitution, execute its laws, do justice to every man, and consecrate myself to the service of the Nation. So help me God.”

Kabilang sa mga bagay na nasa panunumpa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangangalaga at pagtatanggol sa Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas. Pero gaya ng alam na nating lahat, madali lamang ang manumpa; ang mahirap ay ang pagtupad nito.

Sa Artikulo XII, Seksiyon 2 ng Konstitusyon ng Pilipinas, ganito ang nakasaad:

“Dapat pangalagaan ng Estado ang yamang-dagat ng bansa sa mga karagatang pangkapuluan, dagat teritoryal at eksklusibo na sonang pangkabuhayan nito, at dapat ilaan ang eksklusibong paggamit at pagtatamasa nito sa mga mamamayang Filipino.”

Matapos kampihan ang mga Tsino na bumangga at nagpalubog sa bangka ng 22 mangingisdang Pilipino sa Recto Bank, ganito naman ang reaksiyon ni Pangulong Duterte nang batikusin siya dahil sa pahayag niyang maaaring mangisda ang mga Tsino sa ating karagatan:

“That is a provision for the thoughtless and the senseless.”

Dagdag pa ng pangulo:

“Sabihin ko, ‘Get out because this is the Constitution.’ Sabihin sa ‘yo [ng China], ‘Naubusan ka na ng toilet paper? Gamitin mo ’yan.”

Kahit ano pa ang sabihin ng tagapagsalita sa Malacañang at ng mga troll nila sa social media, sa aking palagay, ang mga ganiyang pahayag ni Duterte ay hindi pangangalaga at pagtatanggol sa Konstitusyon ng Pilipinas.

Sa Artikulo II, Seksiyon 11 naman ng Konstitusyon, ganito ang nakasaad:

“Pinahahalagahan ng Estado ang karangalan ng bawat tao at ginagarantiyahan ang lubos na paggalang sa mga karapatang pantao.”

Ang ilang ulit nang pahayag ng pangulo: “I don’t give a shit about human rights.”

Paulit-ulit na ring inalipusta at pinagsabihan nang masama ng pangulo at ng kaniyang Diehard Duterte Supporters ang mga nagsusulong ng karapatang pantao. Hindi rin nila maintindihan ang pagkakaiba ng mga tungkulin ng Commission on Human Rights at ng Philippine National Police.

Sa Panimula naman ng ating Saligang Batas, sinasabing ang “nakapangyayaring sambayanang Pilipino” ay “humihingi ng tulong sa Makapangyarihang Diyos” sa pagbuo ng lipunan at pagtatag ng pamahalaan. Sa panunumpa ng pangulo, may linyang “So help me God.”

Pero sa isang talumpating tumuligsa sa turo ng Simbahang Katoliko tungkol sa concept of original sin, ganito ang sinabi ni Duterte:

“God doubted his creation. Tinawag niya ‘yong ahas, tapos binigyan niya ng apple. Kinain ni Eve. Tapos si Eve, ginising si Adam: ‘Kumain ka rin.’ Then malice was born. Who is this stupid God? Estupido talaga itong p*t*ngina kung ganoon. Tsuk tsak lang ‘yon ng nanay pati ng tatay mo wala ka pang kasali tapos ngayon may original sin ka pa.”

Ang pangako naman ni Duterte bago ang halalan noong 2016, maginhawang buhay sa ilalim ng kaniyang administrasyon. Pero ang ilan sa mga nararanasan namin ngayon sa Kamaynilaan ay ang pagpila nang napakatagal para makasakay sa siksikang bagon ng MRT, pagtitiis nang ilang oras sa di-gumagalaw na trapiko, pagkadismaya sa pagkawala ng Uber at Wunder, at paliligo nang may palanggana sa paa dahil sa krisis sa tubig.

May isang sikat na kanta na marahil ay ihinahandog ngayon ng maraming Pilipino sa ibinoto nilang pangulo. Ang mga katagang paborito niya, gamit na gamit sa kanta:

“Pasumpa-sumpa ka pa, ‘t*ngina ka…”

“Sa tamis mong mangbola ‘t*ng ina ka Nauto naman ako ‘t*ng ina mo.”

Nalathala rin sa Pinoy Gazette. Galing sa PCOO ang larawan.