Salamat sa kanyang may-akda, si J.K. Rowling, muling nakapiling ng kanyang mga tagasubaybay si Harry Potter. Kabilang ako sa mga natuwa sa paglabas ng ikaanim na aklat, ang Harry Potter and the Half-Blood Prince.
Duda akong meron sa inyong hindi pamilyar sa kuwento ni Harry Potter–paano’y bukod sa anim na mga libro ay may tatlong pelikula nang nagsasalaysay ng kanyang kasaysayan. Pero sa mga matagal na nagbakasyon sa Pluto, si Harry Potter ay isang batang wizard na nagpapalipat-lipat sa ating mundo at sa mundo ng mahika. Ulila na siyang lubos kaya kapag nakabakasyon siya sa Hogwarts, ang paaralan ng mga batang may kapangyarihang tulad ng sa kanya, nakikitira siya sa bahay ng tiya niyang ordinaryong tao. Ang kanyang mga magulang ay pinatay ng isang alagad ng kadiliman — si Lord Voldemort, na ang pangalan pa lamang sapat na upang manginig sa takot ang marami sa mga kauri ni Harry Potter.
Pero iba ang ating bida. Siya ang itinuturing na mortal na kaaway ng masamang si Voldemort. Nakaligtas kasi siya sa nakamamatay na sumpang ipinukol ng Dark Lord sa kanya at sa kanyang mga magulang. Bagamat ang kanyang mga magulang ay nasawi, si Harry Potter ay iniligtas ng pagmamahal ng kanyang ina. Nabuhay siya at isang pilat sa noo lamang ang naging palatandaan ng mapait na karanasang iyon.
Nang sinisimulan ko nang basahin ang aklat, naramdaman kong parang muli kong nakasama ang ilang kaibigang ilang panahon ko ring di nakita at nakausap. Nakakatuwang muling mabasa ang mga pamilyar na karakter — sina Harry Potter, ang mga matatalik niyang kaibigang sina Ron at Hermione, at ang mundong kanilang ginagalawan. Ganyan kahusay ang panulat ni Rowling. Ang mahikang nilikha niya sa kuwento ni Harry ay tila may kapangyarihang tumatagos sa ating daigdig upang pansamantala tayong dalhin sa loob at labas ng Hogwarts. Sa ating imahinasyon, nabubuhay at nagkakatotoo si Harry Potter at ang kanyang mga kaibigan.
Kakaiba ang ikaanim na aklat. Ito ang pangalawa sa huli sa serye ng pitong aklat, kaya naman malaki ang papel na ginagampanan nito sa paghahatid sa atin sa kasukdulan ng kuwento ni Harry Potter. Dito natin nasasaksihan ang paglaki at paggulang ng mga batang tauhan. Kasabay ng pisikal nilang paglaki, unti-unti nilang nararanasan ang mas matitinding pananagutan at mas mabibigat na pakikipagsapalaran.
Sa ikaanim na aklat, mas mapapalapit si Harry Potter sa kanyang dakila at makapangyarihang tagapag-alaga, si Albus Dumbledore na pinuno ng Hogwarts. Dito’y lulunurin tayo ng mga eksena ng pagmamahal at pagkalinga at di-matitibag na katapatan.
Isasalarawan din ng ikaanim na aklat ang matiwasay na pagtanggap sa pag-iisa at pagpapakatatag sa kabila ng paglisan ng mahal sa buhay. Gayundin, ipakikitang ang kadakilaan ng isang tao ay susukatin sa kung paano niya ginugol ang kanyang buhay at kung paano siya nakitungo sa kanyang kapwa.
Si Harry at ang kanyang mga kaibigan ay mahaharap din sa kumplikadong usapin ng tunggalian sa pagitan ng pag-ibig at pagkakaibigan at pag-ibig at pakikipagsapalaran.
Gaya ng dati, nakakaaliw at exciting ang mga pahina ng kuwento ni Harry Potter. Sa aklat na ito, mas marami ang mga eksenang may kilig at madamdamin. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat, itinatampok nito ang pagkakaibigang walang iwanan — na minsa’y sa mga istorya lang matatagpuan — at ang patuloy na pagpupunyagi ng kabutihan laban sa kasamaan.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
August 19, 2024
NAFA presents ‘Prismatic: Ang Ah Tee’
Exhibition showcases 40 recent works of Singapore Cultural Medallion recipient.
July 24, 2023
NAFA presents Southeast Asian Arts Forum 2023
The forum is a continuation from last year’s sustainability-centered theme.