Ang tao raw, habang pinipigil ay lalong nanggigigil. At ang nanggigigil, nangangagat.

Dahil sa ?Hello, Garci? na sinundan ng plastik na ?I am sorry,? nanggigil kay Gloria ang mga Pilipino. Noong Hulyo, muntik-muntikan na siyang malaglag sa kanyang trono kundi lang sa tulong ng mga obispo at isang dating pangulong mahilig sa tabako. Kaya naman habang nanggigigil sa kanya ang mga tao, siguro?y giggle nang giggle habang sumasayaw ng cha-cha ang ating ?Little Sister.? Siguro, sabi niya?y ?Hi hi hi! ?Di n?yo ako ako mapapa-resign. Ang suporta ko?y divine!?

Hindi nga raw siya magre-resign. Dapat daw idaan sa tamang proseso ang pag-aayos ng problemang dala ng kanyang paghe-?Hello Garci.? Kaya naman ang pagsasampa ng impeachment ay sinalubong ni Gloria ?with open arms? (gaya ng pagtanggap niya noon sa bumibisitang si George Bush ng Amerika). Ganoon pala ang linya, kasi may pambato na ang kampo niya:

Paglilibing sa Libingan ng mga Bayani para sa diktador na tatay ni Ilocos Norte Rep. Imee Marcos; apat na post-dated na nagkakahalaga ng P20 milyon para sa scholarship program ni Zambales Rep. Antonio M. Diaz; posisyon sa Office of Muslim Affairs para sa mga kapatid nina ALIF Rep. Acmad Tomawis at Lanao del Sur Rep. Faysah Dumarpa;

Posisyon sa Monetary Board para sa hipag ni Compostela Valley Rep. Prospero Amatong at sa asawa ni Camarines Sur. Rep. Luis Villafuerte; appointment sa National Anti- Poverty Commission para sa pinsan ni Maguindanao Rep. Simeon Datumanong; at pamumuno sa Cooperative Development Authority para sa vice-chair ng party-list group na COOP-NATCCO.

Hindi tuloy nakapagtatakang natigbak sa House of Representatives ang impeachment complaints, na lalo lamang nagpagigil sa mamamayan. Pati mga di na kabataang tulad nina Cory Aquino, Teofisto Guingona, at Susan Roces, napadalas ang pagsugod sa mga kalsada. Tagumpay kasi si Gloria na maitago ang katotohanan sa likod ng ?Hello Garci.? At dumalas ang mga protesta.

Siyempre, may opensiba na naman ang ?Little Sister? nating reyna. Mahigpit na ipinatupad ang ?no permit, no rally? policy. Ayon kay Gloria, ang karapatan daw sa pagtitipon, kahit garantisado ng Konstitusyon, ay may limitasyon. Pero sa ganitong pahayag ay ?di sang-ayon ang human rights commission.

Samantala, may dalawang makulit na militar na tumestigo sa isang pagdinig sa Senado sa kabila ng naunang pagbabawal ng reyna. Siyempre, napraning ang mgsapraning. Aba, mabubuko ang ibang lihim ng ?Hello Garci,? at hindi ito puwedeng mangyari. Nang araw ring iyon, inilabas ang Executive Order 464. Hindi na puwedeng tumestigo sa anumang pagdinig ng Kongreso ang sinumang pinuno ng mga departamento sa Palasyo, pati mga pinuno ng military at pulisya kung walang pahintulot ni Gloria. Ipapatupad ito kahit ayon sa eksperto sa Konstitusyon na si Fr. Joaquin Bernas ay labag ito sa Saligang Batas. Magbabayad at parurusahan ang sinumang susuway sa utos ni Gloria!

Pero gaya nga ng nauna kong isinulat, ang tao habang pinipigil, lalong nanggigigil. Kaninang umaga lang ay tatlong beses kong natanggap ang text message na ito: ?Uphold d ryt 2 free assembly! Defend civil liberties! Join d WALK 4 DOMOCRACY Oct 4, tues 10AM United Church of Manila, Recto cor Lepanto 2 Mendiola. Pls pass. Hindi katakatakang magpatuloy ang araw-araw na protesta kahit may ?no permit, no rally policy? pa. Kakagat sa panganib ma mabatuta at ma-tear gas ang mga aktibista, maging malinaw lamang ang isyu ng ?Hello Garci.?

At siguradong may makukulit at matitigas ang ulong opisyal, sibilyan man o militar, na nanggigigil na rin sa atas ni Gloria. Susuway sila at kakagat sa patalim para sa katotohanan.

Ikaw ba, hindika pa nanggigigil? Anu?t anuman, basta alam mong makatarungan ang inyong panggigigil, huwag kang magpapapigil.