Noong high school ako — ‘yan ay bago pumasok ang kasalukuyang milenyo — ang magagandang mga binibini at makikisig na mga ginoong crush ng bayan, paminsan-minsan lang nasisilayan.

Ang mga pinagpalang nilalang na biniyayaan ng kabigha-bighaning hitsura, pinag-uusapan lang sa mga tambayan at pinanonood sa mga paligsahan ng kagandahan at palakasan. Mas lalo silang makikilala sa manaka-nakang feature sa campus paper, sa ipinapasa-pasang autograph book, o sa kuwento ng mga kaibigan.

Iba na ngayon. Si crush, one click away na lang. Anumang oras, matititigan mo ang mga larawan niya sa Instagram, mai-stalk sa Facebook at Snapchat, at posibleng makapalitan ng opinyon sa Twitter.

At talagang iba na ang panahon. Marami sa masusuwerteng nilalang na hinahangaan ngayon, buo ang kumpiyansa sa sariling ibahagi sa social media ang kanilang maaaliwalas na mga mukha, magagandang mga katawan, at nakagigiliw na mga ngiti. Araw-araw, iba’t ibang pose ang makikita mo sa posts nila, gaya ng masakit ang ulo pose, putok-batok pose, at woke-up-like-this pose.

Ang mga post nila, binabaha ng papuri’t pasasalamat mula sa tuwang-tuwang mga tagahanga. Sa gitna ng lahat ng ito, dalawa ang tanong ko: Sino kaya ang walang sawang kumukuha ng kanilang mga larawan? May tripod kaya silang dala-dala kahit saan?

Noon, para maituring na sikat, kailangang maging isa sa mga kilalang artista, modelo, o iba pang regular na napapanood sa telebisyon at pelikula. Para makilala ng madla, dapat ay lumabas man lang sa “That’s Entertainment” ni Kuya Germs o sa “Ang TV.”

Ngayon, ‘di na kailangang maging cover ng showbiz magazine para maituring na celebrity. Makakuha lang ng isang segment ng online population, puwede nang maging cybercelebrity.

Bukod sa likes, comments, at shares, ang pagpo-post ng kaaya-ayang mga hitsura, maaari na ring pagkakitaan ngayon. Marami sa mga makabagong crush, dahil sa kanilang aktibong followers, nagiging online influencer. Kinukuha silang endorser ng mga produkto at serbisyo. At balita ko, ‘di cheap ang kinikita sa pagiging ganito.

Dahil sa pangako ng kasikatan online at iba pang oportunidad, ‘di nakapagtatakang maraming netizen ang kinakarir ang hangaring maging cybercelebrity.

Unang nalathala sa Dyaryo Pilipino. Hindi si Coco Martin ang nasa litrato kundi ang pinsan kong si Dominic Espinosa, na nahingan ko ng mala-travel blogger niyang picture.