Sa Bonifacio Global City ang opisina namin noong sa Yahoo! Philippines pa ako nagtatrabaho. Lagi ako noong tinatanggihan o kinokontrata ng mga taxi driver ‘pag nalamang sa Quezon City ang uwi ko. Madalas, sa inis, kung ‘di ko ibinabalibag ang pinto‘y iniiwan kong bukas.
Minsang nasa Intramuros ako, tumanggi ‘yong napara ko. Ginawa ko ulit ang isa sa dalawa — ‘di ko na maalala kung ibinalibag o iniwan kong bukas ang pinto. Basta ang kinauwia’y hinabol ako ng driver, at na-realize kong tila may kinabukasan ako sa larangan ng pagtakbo!
Ang mga alaalang ito’y sinusundo ng ipinataw na suspensiyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Uber, isang kompanyang nagpapatakbo ng mobile app na ginagamit para madaling makakuha ng masasakyang kotse. Sinuspende ng LTFRB ang Uber sa Pilipinas dahil sa paglabag daw sa utos ng ahensiya na itigil ng kompanya ang pagtanggap ng mga bagong kotse.
Sa Uber, ang may-ari ng pribadong sasakyan ay puwedeng sumali para ang kotse niya’y makabiyahe na parang taxi. Ang pasahero naman, ilalagay lamang ang address ng kinaroroonan niya at ang kaniyang pupuntahan, at awtomatikong hahanap ang Uber ng available na driver.
Sa oras na tanggapin ng Uber driver ang request, obligado siyang ihatid ang pasahero; kung hindi, may babayaran siyang P100. Makikita lang ng Uber driver ang destinasyon ‘pag sumakay na ang pasahero. Agad ding nalalaman ang tinatayang oras ng pagdating sa pupuntahan at ang pasahe (na maaaring magbago base sa tagal ng biyahe).
Ang gusto ko sa Uber, tumatanggap ng debit card. Gumagamit din ito ng Waze navigation app ng Google, kaya nakikita kung saan pinakatrapik. Mas ligtas sa Uber dahil nagkakaroon ang pasahero ng rekord. Sa resibong ini-email, may pangalan ng driver, plate number ng kotse, at oras ng biyahe. Habang nasa biyahe, puwede ring ipadala sa kapamilya ang detalye ng biyahe. Karamihan sa nasakyan ko sa Uber, mababait sa pasahero.
Milya-milya at deka-dekada ang layo ng serbisyo ng Uber sa karamiha’y pasaway na taxi sa Kamaynilaan. Madaling maintindihan kung bakit kahit sinasabi ng LTFRB na ‘di nila papayagan ang paglabag daw ng Uber sa batas, napakaraming pasahero ang uber asar at nanggagalaiti sa galit sa LTFRB. #
(Unang nalathala sa Diyaryo Pilipino. Galing sa Uber website ang litrato.)
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
May 30, 2024
Catch the magic of World of Frozen on Disney+
Two World of Frozen titles coming on June 7.
May 9, 2024
Special offers await Manila Hotel guests this May
Check out The Manila Hotel's Mother's Day deals.
June 26, 2023
Luis Fonsi named godfather of Norwegian Viva
The “Despacito” singer will perform and bless the ship in Miami on Nov. 28.
[…] ako sa mga pasaherong nalulungkot at nanghihinayang sa paglisan ng Uber. Dati ko nang ikinuwento ang pagkakaiba ng karanasan ko sa mga taxi at sa […]