Kahapon ay ika-63 kaarawan ni dating Senador Mar Roxas. Birthday rin niya last year noong mabigo siyang makabalik sa Senado. Tatlong taon bago ‘yon, natalo naman siya sa pagkapangulo.

Ngayong medyo malayo sa political limelight, masayang tatay si Mar habang pinapapalaki ang kaniyang kambal na anak — sina Pepe at Pilar — kasama ang kaniyang broadkaster na asawang si Korina Sanchez.


Maaaring naka-move on na si Mar, pero nakalulungkot pa ring isipin na hindi natin siya binigyan ng pagkakataong muling makapagsilbi sa pamahalaan.

Noong 2010, handa nang tumakbo sa pagkapangulo si Mar. Pero isinakripisyo niya ang kaniyang sariling ambisyon at nagbigay-daan para sa kaibigan niyang si Noynoy Aquino — anak ng mga bayani ng demokrasya — na noo’y malinaw na tinatawag ng taumbayan para sa pinakamataas na tungkulin sa bansa.

Ang ibang politiko ay tatangging magpaubaya at tatakbo pa rin — nakita natin ito noong 2016 — kahit nangangahulugan ito ng pagkakahati ng boto ng mga nag-iisip na Pilipino.

Naglingkod si Mar sa gabinete ng tatlong pangulo, at wala akong maalalang anumang alegasyon ng kalokohan laban sa kaniya. Naging number 1 senator siya noong 2004. Ang mga nagawa niya sa executive at legislative, nakatulong na dalhin sa Pilipinas ang outsourcing businesses na lumikha ng maraming trabaho; naging dahilan ng pagiging mas mura ng mga medisina; nagbigay ng computers sa public schools; at nagsulong ng karapatan ng mga consumer.

Subalit sa kasagsagan ng kampanya para sa 2016 elections, isa si Mar Roxas sa mga politiko sa bansa na naging pinakatarget ng paninirang-puri. Kahit pagkatapos ng halalan, hindi siya tinantanan ng mga bintang at paninira ng mga troll sa Facebook. Ang kaniyang mga sinabi, inalis sa konteksto para mapagmukha siyang masamang tao.

Sa kauulit-ulit ng mga kung ano-anong bintang at edited photos na ginawang meme para pasamain si Mar, pati na rin ang Liberal Party, ang pinakakwalipikadong kandidato sa pagkapangulo noong 2016 ay napagmukha nilang pinakapalpak.

Sa kabila ng paglilingkod habang nananalasa ang Bagyong Yolanda sa Leyte, si Mar ang naging tagatanggap sa pagkadismaya ng mga tao sa mga pagkukulang umano ng administrasyong Aquino.

Pinagbintangan siya ng pagnanakaw at paggamit ng Yolanda rehabilitation funds sa eleksyon. Hanggang ngayon, may mga naniniwala pa rin sa kasinungalingang ‘yan kahit nabasa na nila ang mga report na gagamitin ng kasalukuyang administrasyon ang natirang Yolanda funds sa mga ibang bagay gaya ng Marawi rehabilitation.

Binatikos din si Mar dahil sa pagdurusa ng mga Pilipino sa trapik at public transportation. Pero nakalimutan ng iba na mahigit isang taon pa lamang siya sa noo’y Department of Transportation and Communications (DOTC) nang ilipat siya sa Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos masawi si Secretary Jesse Robredo.

Kahit madaling maintindihan kung bakit gusto ni Pangulong Noynoy na isa pang pinagtitiwalaan niyang kaalyado ang magpapatuloy sa gawain ng yumaong respetadong DILG secretary, ang paglipat ni Mar ay maaaring naging masama para sa tsansa niyang manalo noong 2016. Hindi natapos ni Mar ang kaniyang mga proyekto sa DOTC. Nagmukha ring paghahanda para sa susunod na eleksiyon ang paglipat niya sa DILG.

Ang pagkakamali ng administrasyon na nauwi sa trahedya sa Mamasapano, kay Mar din isinisi ng mga kritiko kahit hindi siya isinali ni Noynoy sa sinamang-palad na anti-terrorist operation.

Sa panahon ng kampanya, nagkaroon ng ibang kahulugan pati ang salitang “undergraduate.”

Ipinagtatanggol naman si Mar ng kaniyang mga kaalyado at mga tagasuporta. Sabi ni Vice President Leni Robredo, “the Mar we know is so different from the Mar others portray him to be.”

‘Di natin alam kung matapos ang mga kabiguan ay muli pang babalik sa politika si Mar Roxas. Ngunit sana ay subukan pa rin niyang ituwid ang kaniyang reputasyon at patuloy na labanan ang fake news at pang-uuto na sumira sa kaniyang pangalan.

Ang larawan ay mula sa Facebook page ni Mar Roxas.