Mataas ang pag-asa ng mga mamamayan noong pumasok si Secretary Jesse Robredo sa pulitika dalawang taon pagkatapos ng 1986 People Power Revolution, ayon sa citation para sa kanya sa 2000 Ramon Magsaysay Award for Government Service. Nang iwan niya tayo nitong Agosto 18, masasabing mataas din ang pag-asa dahil sa mga repormang sinisikap ipatupad ng pamahalaang kinabibilangan niya.
Nilisan ni Robredo ang trabaho niya sa San Miguel Corporation noong 1986 para pamunuan ang Bicol River Basin Development Program sa Naga. Makalipas ang tatlong taon, sa edad na 29 ay nahalal siyang mayor. Sa 19 taon ng pamumuno, nagdala siya ng pagbabago sa kanyang lungsod at lubhang napamahal sa kanyang mga kababayan.
Isinilang si Jesse Manalastas Robredo sa Naga noong Mayo 27, 1958. Pangatlo siya sa limang mga anak nina Jose Chan Robredo, Sr. at Marcelina Manalastas. Nagtapos siya ng elementarya sa Naga Parochial School at nag-high school sa Ateneo de Naga. Kahit nakapasa sa UP Los Baños, pinili niyang mag-aral sa De La Salle University, at doo’y nagtapos siya ng dalawang kurso: mechanical engineering at industrial management engineering. Sa UP Diliman naman niya tinapos ang kanyang masters in business administration. Kumuha rin siya ng masters in public administration sa John F. Kennedy School of Government sa Harvard University.
Bilang mayor ng Naga, unang binago ni Robredo ang sistema ng padrino sa city hall. Ang paninindigang ito laban sa tradisyunal na pulitika ang naging mitsa ng pagkawasak ng alyansa nila ng tiyuhin niyang si Luis Villafuerte. Nilabanan din niya ang jueteng at mga malalaswang libangan. Inilipat niya ang terminal ng bus at dyip, na lumutas sa matinding trapik at nagluwal ng mga bagong negosyo. Sa tulong ng pribadong sektor, napaunlad ni Robredo ang ekonomiya ng lungsod, at naibalik sa pagiging first-class city ang Naga, na bago siya umupo ay nasa third class status na lang.
Bilang lider, walang pangiming nakisalamuha si Robredo sa kanyang mga nasasakupan. Personal niyang inalam ang kanilang mga kalagayan. Pinairal niya ang people power. Hinikayat niya ang pakikisa at tulong ng non-government organizations at mga ordinaryong mamamayan sa pamamahala. Itinaguyod niya ang kapakanan ng mga maralitang tagalungsod na kanyang nasasakupan. Sa kanyang pamumuno, idineklara ang Naga bilang sona ng kapayapaan, kalayaan, at kawalan ng kinikilingan.
Sa DILG, nilabanan ni Jesse Robredo ang katiwalian sa pamamagitan ng pagsusulong ng transparency. Binuksan niya ang mga transakyon ng LGUs sa mga mamamayan.
Siya rin ang orihinal na pasimuno ng anti-epal campaign: alinsunod sa utos ni Pangulong Noynoy Aquino, naglabas siya noong 2010 ng memorandum na nagbabawal sa paglalagay ng mukha at pangalan ng mga opisyal sa mga proyekto at gamit ng gobyerno.
Kinilala rin siya sa kanyang tsinelas leadership. Sa kasagsagan ng mga pagbaha sa Luzon, madalas siyang nakitang nakatsinelas at handang lumusong sa baha.
Sa buong panahon ng kanyang paglilingkod sa pamahalaan, isinabuhay ni Robredo ang tunay na kahulugan ng pagiging lingkod-bayan. Ang kanyang pagpanaw ay isang napakalaking kawalan sa ating bayang lubhang nangangailangan ng mabubuti at matatapat na pinunong tulad niya.
(Unang nalathala sa Pinoy Gazette. Ang larawan ay mula sa Tribute to DILG Sec. Jesse Robredo ng Gov.ph)

Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
May 31, 2023
Converge launches campaign for mothers
Converge launched a campaign for underprivileged mothers under Caritas Manila.
May 10, 2020
Panoorin ang ‘Katipunan’
Itinatampok sa "Katipunan" ang buhay at pag-ibig ni Gat Andres Bonifacio.
January 13, 2020
MVP Group brings aid to areas affected by Taal eruption
Tulong Kapatid, the consortium of companies and foundations of businessman…
[…] by the life of Jesse Robredo as well as the social realist films of director Lino Brocka, Bayan Ko tells the story of newly […]
[…] by the life of Jesse Robredo as well as the social realist films of director Lino Brocka, Bayan Ko tells the story of newly […]