Tulad din ng dati, sinalubong natin ng ingay at liwanag ang taong 2006. Nagpaligsahan sa hangin ang mga pailaw, naghatid ng takot sa mga alaga nating aso at pumutol sa mga daliri ng ilan nating mga kababayan ang mga paputok, at para sa tahanan ng mga nag-iingat o nagtitipid, nangibabaw ang tunog ng torotot.

At gaya ng pagsabog ng liwanag ng mga pailaw at paputok, sa isang iglap ay naging alaala na lamang ang taong 2005. Namaalam na tayo sa 12 buwang napuno ng pagluluksa at pagbubunyi, ingay at katahimikan, kasinungalingan at katotohanan, at pantasya at karanasan sa tunay na buhay.

Nagluksa tayo sa pagpanaw ng mahal nating Santo Papa Juan Pablo II, at ng mga dakilang Pilipino tula nina Jaime Cardinal Sin, Haydee Yorac, Raul Roco, Teddy Benigno, Raymundo Punongbayan, Luis Taruc, Sr. Mariani Dimaranan, at ng maraming aktibista’t peryodista.

Ipinagbunyi naman natin ng tagumpay ng mga boksingerong Manny Pacquiao, Rey “Boom Boom” Bautista, at Brian Viloria; ng beauty queen na si Precious Lara Quigaman; ng proyektong Coconet; ng mga pelikulang Masahista at ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros; at ng mga atleta natin sa Southeast Asian Games.

Napuno ng ingay ang mga kalsada at iba pang lunang pangmadla, at sa ilang panahon ay binalot ng katahimikan ang Palasyo ng Malacañang dahil sa krisis pampulitikang dala ng juetenggate at Hello Garci wiretapping scandal ng pag-uusap nina dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano at Gloria Macapagal-Arroyo.

Habang nag-iingay ang mga kritiko ni Arroyo, tikom naman ang bibig ng kilalang “pekeng pangulo.” Biro nga ng marami, natakot mabosesan!

At habang inuuto tayo ng mga kasinungalingan mula sa Palasyo, sa mga kalsada’t pangmalang pabatiran ay ipinangalandakan naman ang katotohanan tungkol sa pambansang kalagayan.

Namayagpag sa telebisyon ang mga seryeng punung-puno ng pantasya gaya ng Darna, Encantadia, Kampanerang Kuba at Panday, pero hindi rin nagpatalo ang mga palabas ng tunay na buhay gaya ng Pinoy Big Brother at Extra Challenge.

Bukod sa gulong pampulitika, bumisita rin ang hagupit ng kalikasan–inilubog ng baha ang ilang bayan sa Mindoro. Pero sa gitna ng patuloy na paghihirap at patuloy na pagpupunyagi para sa kaginhawahan at karangalan sa Pilipinas man o sa ibang bayan, siyempre’y laging nakangiti ang Pinoy (lalo na’t nagfo-forward ng Hello Garci text jokes)!

‘Yun nga lang, masyado ‘ata tayong nalibang at naging masayahin. Naging deadma na lang tayo sa kabalintunaan. Para tayong na-Wow, Mali!–ang mali ay naging katawa-tawa na lang. Sa katanungan kung tama pa bang manatili ang kasalukuyang kaayusan, ang sagot natin ay clueless na “Eh sino ang ipapalit?”

Sana sa pagpapalit ng taon, maging malinaw sa atin kung ano ang tama at kung ano ang mali, at ang kaibahan ng nakakatawa sa nakakatuwa.

Samantala, hanggang ngayo’y tampok pa rin sa telebisyon ang mga hula hinggil sa mga magiging kaganapan sa pumasok na taon. Ngunit lagi nating isipin, anuman ang sabihin ng mga propeta, na nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa! Dumalangin tayo’y magsumikap, sumamba at makibaka upang kamtin ang pagpapala ni Bathala.

***

Salamat po sa mga kababayan nating patuloy na nag-i-email ng sagot at reaksyon sa aking mga isinusulat. Ikinagagalak ko po ang inyong mga pagbati at feedback. Ikuwento naman ninyo sa akin kung paano ninyo ginugol ang Pasko’t Bagong Taon diyan sa Japan.