Head researcher ako dati ng mga palabas na kumilala at kumilatis sa mga tumatakbong pangulo at pangalawang pangulo ng Pilipinas sa halalan noong 2004. Sinaliksik namin ang personal, educational, at professional background — pati mga kontrobersiyang kinasangkutan — ng mga kandidato. ‘Yan ay para matulungan ang mga botante na piliin ang pinakakarapat-dapat.
Pero kahit ilang candidate profiles at election debate shows ang gawin ng media, tila iilang bagay pa rin ang nagtatakda kung sino-sino ang mga mananalo. Muli itong namalas sa nakalipas na eleksiyon para sa mga senador.
Mahalaga ang basbas ng nakaupong pangulo. Noong 2013, siyam sa 12 nanalo, mga kaalyado ni Pangulong Noynoy Aquino. Noong 2016, pito sa 12 ay bahagi ng kaniyang Koalisyon ng Daang Matuwid. Nitong Mayo naman, siyam sa 12 nanalo ay inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa siyam, tatlo — sina Cynthia Villar, Sonny Angara, at Koko Pimentel — ay bumalimbing mula sa koalisyon ni Aquino.
‘Pag may bagong pangulo, mas nagsisipagbalimbingan ang local politicians. Lumilipat sila sa partido ng bagong lider para may koneksiyon sila pinakamakapangyarihang tao sa bansa. Ang ilan, sinasabing ito’y para sa ikabubuti rin ng kanilang nasasakupan — ‘pag kaalyado sila ng pangulo, mas mapapansin at maambunan ng grasya ang kanilang lugar. At dinadala ng marami sa kanila ang mga kandidato ng pangulo.
Napakahalaga ng command votes ng local politicians. Itinuturing ng mga tao na utang na loob sa mga politiko ang mga tulong na natanggap nila. Kaya pagdating ng eleksiyon, kung sino ang dalhin ng mga lokal na opisyal, sila ang ibinoboto ng mga tao.
Salik din ang kawalan naman ng mga botante ng kaalaman sa tungkulin ng mga senador. Sa halip na paggawa ng batas, ang napakalawak na kahulugan ng “pagtulong” ang nagiging basehan ng marami. Kaya naman ang nagbibigay ng cellphone na may mukha ng kandidato, nagpapamudmod ng grocery, at iba pang “tumutulong” ang ibinoboto nila. Si Bato dela Rosa, na tumulong sa pangulo sa madugong war on drugs, nanalo rin.
Ang kasikatan o pagkakaroon ng kilalang pangalan ay susi rin sa tagumpay. Si Grace Poe, anak ng Hari ng Pelikulang Pilipino. Sina Lito Lapid at Bong Revilla, action stars. Si Imee Marcos, anak ng yumaong diktador na kilala sa buong mundo dahil sa mga nakaw na yaman. Speaking of yaman, kabilang sina Marcos at Bong Go sa mga pinakamalaki ang nagastos sa mga patalastas bago ang campaign period. Malayo ang nararating ng yaman ‘pag halalan.
Ang pang-aaliw sa mga botante, mabisa rin. Si Revilla, kahit inatasan ng Sandiganbayan na magsauli ng pera sa kaban ng bayan, nag-Budots dance lang, nanalo na naman.
Ang block voting ng mga malakultong sekta, nakakatulong din. Sadyang di maiintindihan ng mga di-kaanib ang reasoning ng ilan nilang kasapi — wala raw silang pakialam sa politika at bumoboto raw sila para ipakita ang kanilang “pagkakaisa.”
Pinaigting naman ng fake news ang pagkadismaya ng mga tao sa ilang kapalpakan ng administrasyong Aquino. Kahit ilang beses nang napatunayang walang ibinulsang Yolanda funds si Mar Roxas, inulit-ulit pa rin ito ng troll machinery ng Duterte diehard supporters. Natalo si Roxas kahit isa siya sa mga may pinakamagandang record sa Senado at pinakamalaki ang nagastos sa kampanya. Si Bam Aquino naman, pinalabas ng trolls na nang-aagaw ng credit sa batas na talaga namang isinulong niya.
Isa rin sa mga nakapagpapanalo sa mga kandidato ang pagbili ng boto. Sabi mismo ni Duterte: “The practice of buying votes has been an integral part of an election in the Philippines. ‘Yang pagboto, lahat ‘yan walang hindi nagbibili ng boto dito, maniwala ka.”
May isa pang ayon sa mga kritiko ay nakatulong sa pagkakapanalo ng mga bagong senador — ang umano’y pandaraya na maaaring dahilan ng pitong oras na problema sa transparency server. Kasaysayan na lang ang makapagsasabi kung ito’y isa pang “Hello, Garci!”
Unang nalathala sa Pinoy Gazette.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
December 12, 2023
DOH, groups sign smoke and vape-free pledge
They want public policies for smoke-free and vape-free environments.
June 30, 2023
Viral video ng disbarred lawyer na si Larry Gadon
Para ito sa mga naghahanap sa viral video ng nadisbar na DDS at Marcos…