Kabilang ang komedyante at aktibistang si Arvin Jimenez — mas kilala bilang Tado — sa 14 kataong namatay sa Bontoc, Mt. Province noong Biyernes matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang bus.

Ang biyahe ni Tado ay kaugnay ng isa niyang proyektong nagsusulong  ng pagkalinga sa kalikasan, ayon sa DAKILA Philippine Collective for Modern Heroism, isang organisasyong kinabibilangan niya.

Sa kanyang sariling paraan, nagsulong si Tado ng pagbabago sa ating lipunan. Pero minalas si Tado. Nabiktima siya ng katarantaduhang bumabalot sa sistema ng pampublikong transportasyon sa ating bansa. Napakarami nang buhay na kinitil ng katarantaduhang ito.

Noong 1995, kasama ang aking ina sa mga mga nasawi matapos masunog at lumubog ang Viva Antipolo VII sa pagitan ng Lucena at Marinduque. Ayon sa mga ulat, overloaded ang bapor nang ito’y masunog at lumubog. Kwestyonable rin daw ang kakayahan nitong magpatuloy na bumiyahe.

2011 nang mamatay si Chit Estella, propesor sa UP at dati naming managing editor sa Manila Times at editor in chief sa Pinoy Times. Binangga ng isang bus ang taxi na sinasakyan niya.

Nitong Disyembre 16  lang, isang bus ang nahulog mula naman sa Skyway sa Taguig. Hindi bababa sa 21 ang namatay. Luma na raw ang gulong ng nasabing bus.

Patong-patong ang mga reklamo tungkol sa pampublikong sasakyan sa ating bansa, lalo na sa mga bus. Sa papel lamang nakalahad ang mga patakarang pangkaligtasan. Walang seat belt ang ilang taxi. Luma na at di na dapat ibiyahe ang ilang bapor. Kulang ang safety jackets ang ilang bapor.  Sira ang gulong o walang preno ang ilang bus. Kulang sa kakayahan ang mga nagpapaandar ng mga sasakyan. Karamihan sa mga ganitong problema, nagpapatuloy at nabibisto lamang sa tuwing may aksidente at maraming mga taong namamatay.

May mga problema namang halata na, ngunit hindi pa rin mahanapan ng solusyon.

Sobrang dami ng mga bus.

May bus drivers na barumbado sa kalsada.

May bus at taxi drivers na 24 oras nagtatrabaho. Walang regular na sahod ang mga tsuper.

Parang sardinas ang dami ng mga tao sa MRT at LRT.

May mga tsuper na hindi sumusunod sa traffic lights.

Kailangan talagang subukan ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang pagsakay sa public transportation paminsan-minsan para maranasan nila ang katarantaduhang araw-araw na pasan-pasan ng mga karaniwang mamamayan.

Kung hindi maititigil ang katarantaduhang ito, baka marami pa ang matulad sa aking ina, kay Ma’am Chit, at kay Tado.

 


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center