Bago matapos ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, nais kong ibahagi sa inyo ang WIKApedia E-Booklet, isang kalipunan ng mga aralin sa wikang Filipino.

Layunin ng proyektong ito ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office na makatulong sa pagpapalaganap ng tamang paggamit ng wikang Filipino hindi lamang sa mga paaralan kundi pati na rin sa Internet at media.

Upang lalong maisulong ang ating pambansang wika, kailangang maipalaganap natin ang estandardisasyon ng wikang Filipino. Isa ang proyektong WIKApedia, na ginawa ng PCDSPO sa pakikipagtulungan sa Komisyon sa Wikang Filipino, sa mga hakbang tungo sa hangaring ito.

Mula sa pagiging Facebook page, tinipon na ngayon ang mga aralin sa isang 100-pahinang ebook na maaaring i-download nang libre. Sa ebook na ito, matutunan n’yo ang tamang paggamit ng “nang” at “ng”; malalaman kung paano isulat ang mga salita (“pag-ibig” ba o “pagibig,” “nakakatawa” o “nakatatawa”); at iba pa.

Maaari ninyong i-download ang PDF file at iba pang version ng WIKApedia E-Booklet sa archive.org.

Para din sa mga pinakabago, dagdag, at napapanahon pang aralin sa Filipino, i-like at i-follow ang WIKApedia Facebook page sa www.facebook.com/wikapediaph.