Laging exciting ang first time. Pero kadalasan, nakakalito rin ito, at kapag may kaunting palpak, nakakahiya.

Ang unang biyahe sa eroplano, halimbawa, ay kapanapanabik, pero medyo nakakakaba. Bukod sa lilipad ka, may serye ng mga procedure na kailangan mong pagdaanan sa paliparan bago ka makasakay.

Kung unang beses ka pa lang bibiyahe palabas sa Pilipinas sakay ng eroplano, narito ang ilang bagay na dapat tandaan.

  • Alamin ang tiyak na petsa at oras ng iyong flight at sa kung saang terminal ng paliparan ka dapat pumunta.
  • Ihanda ang pasaporte at tiket. Kung bumili ka ng tiket online, i-print ang itinerary receipt, pati na rin ang booking confirmation sa hotel, at iba pang kailangang dokumento.
  • Alamin kung ano-ano ang mga bagay na puwede at hindi puwedeng ilagay sa maletang iche-check in at iha-handcarry (o ‘yung bag na bitbit mo pagsakay sa eroplano).
  • Magdala ng ballpen at pantimbang ng mga maleta.
  • Maghanda ng sapat na cash para sa travel tax.
  • Pag-aralan kung paano mag-web check in para hindi mo kailanganing pumunta nang napakaaga at maghintay nang matagal sa airport.

Ang proseso at mga larawang ginamit sa post na ito ay para sa pag-alis mula sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA ng mga pasaherong magbabakasyon sa ibang bansa.

Pagdating sa tamang terminal, narito ang mga dapat gawin:

Pumila sa gate na nakalaan sa iyong airline para sa unang security inspection. Ihanda ang iyong tiket dahil titingnan ito ng guard. Dadaan ka sa metal detector, kaya’t mabuting tanggalin at ilagay sa bag ang mga nasa bulsa gaya ng cellphone, susi, at barya. Ii-x-ray naman ang iyong mga maleta at bag.

Kapag nasa loob ka na ng terminal, hanapin kung saan nagbabayad ng travel tax. Sa NAIA Terminal 3,  pagpasok mo ay nasa gawing dulong kaliwa ito. Pumila at kapag ikaw na ang nasa counter, ipakita ang tiket at passport at bayaran ang P1,620 na travel tax. Huwag kalimutan ang resibo.

Hanapin ang check in counter ng iyong airlines. Ganito ang sa Cebu Pacific sa NAIA Terminal 3:

Pumila sa counter para sa iyong flight. Ihanda ang passport at tiket–at kung medyo naparami ang dala mo, ang pantimbang ng maleta.

Ipakita sa airline personnel ang passport, tiket, at resibo ng travel tax. Titimbangin ang maletang iche-checkin mo at bibigyan ka ng boarding pass. Nasa boarding pass ang boarding gate number, oras ng boarding o pagsakay sa eroplano, at ang iyong seat number.

Pagkatapos mong i-check in ang mga bagahe mo, at kung nasa loob pa rin ng terminal ang mga naghatid sa ‘yo, puwede mo pa silang puntahan at makipag-bonding ka muna sa kanila bago ka lumipad.

Pero kung medyo nagmamadali ka na at nakaalis na sila, puwede kang pumasok na sa immigration area. Sa NAIA Terminal 3, bago pumasok sa immigration ay madaraanan mo ang counter para sa terminal fee. Dapat ay alam mo kung kasama na sa ibinayad sa tiket mo ang terminal fee. Kung hindi pa, kailangan mong bayaran ang P550 para dito.

Bago pumila sa immigration, kumuha muna ng departure card at punan ito.

Pumila sa immigration counter, at tiyaking nasa tamang linya ka. May pila para sa mga OFW, para sa iba pang pasaherong may Philippine passport, para sa mga may foreign passport, at para sa mga senior citizen at persons with disabilities.

Ibigay sa immigration officer ang iyong passport, boarding pass, at departure card. Kung mayroon siyang mga tanong, sumagot nang tama. Karaniwang itinatanong nila kung saan pupunta, ano ang gagawin sa ibang bansa, at kailan babalik. Tatatakan niya ng departure date ang iyong passport at ibabalik ito kasama ang iyong boarding pass.

Pagkalampas mo sa immigration, muli kang daraan sa security check. Magkahiwalay ang pila para sa mga babae at lalaki. Muling alisin ang anumang metal sa iyong katawan. Ilagay sa bag o sa mga tray ang mga cellphone at iba pang gadget. Ilagay na rin sa tray na idaraan sa x-ray ang sapatos at ang sinturon, na maaaring ipatanggal sa iyo. Maaari ka ring kapkapan ng security officer.

Kunin ang mga gamit, ayusin ang sarili, at hanapin ang iyong boarding gate. Kung maaga pa, puwede ka ring kumain muna o bumili ng mga pasalubong. Maging alisto sa mga posibleng announcement tungkol sa iyong flight. Seguruhin ding nasa boarding gate ka na bago ang boarding time.

Umupo at maghintay sa announcement para sa pagsakay sa eroplano. Kadalasan, unang pinapatayo ang mga matatanda at may kapansanan, kasunod ang may matataas na seat number. Kapag natawag na ang batch mo, tumayo, pumila, at ibigay ang boarding pass sa airline personel. Pagkatapos, sakay na!

Have a safe trip!


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center