Inilabas ngayong gabi ng ABS-CBN ang official trailer ng “Mars Ravelo’s Darna: The TV Series” na pagbibidahan ni Jane de Leon.

Jane de Leon: bagong Darna

Maaksiyon ang trailer ng bagong “Darna.” Ipinapakita nito ang pagsasanay at pagpapasa ni Leonor (Iza Calzado) kay Narda (Jane de Leon). Sa kuwento, si Leonor ang unang Darna. Anak niya si Narda.

May pasilip sa fights scenes at sa mga kaguluhang idudulot ng mga kalaban. Makikita rin ang isang monster na makakalaban ng bagong Darna. Dahil higante, siguro’y hindi ito ang kontrabidang Valentina (Janella Salvador). Sa dulo, makikita ang pagbabagong-anyo ni Narda para maging Darna.

Si Zaijian Jaranilla ngayon ang sidekick at kapatid ni Narda na si Ding. Si Joshua Garcia ay gaganap sa papel ni Brian, na isang pulis. Sa kuwento, dati siyang kaklase ni Narda.

Kahapon ay ipinasilip naman ng ABS-CBN ang teaser poster ng palabas.

Si Chito Roño ang direktor ng pagbabalik sa telebisyon ng obra ni Mars Ravelo. Mapapanood ito sa mga channel ng ABS-CBN sa Agosto.

Mga dating Darna

Huling lumipad sa telebisyon si Darna noong 2009 sa GMA-7. Si Marian Rivera ang bida noon. Naka-attend pa ako sa press launch ng version na ‘yon.

Nakasama ni Marian si Mark Anthony Fernandez. Ngayong 2022 naman, ang katropa ni Mark sa Gwapings na Eric Fructuoso ang may papel sa “Darna.”

Noong 2005, si Angel Locsin naman ang gumanap na Darna. Sa GMA rin ito.

2003 naman nang lumabas ang “Mars Ravelo’s Darna Golden Anniversary Book” ng Mango Comics.

Si “Darna” marahil ang pinakapaboritong superhero ng mga Pilipino. Mula sa komiks ang karakter na ito. Naitampok na rin siya sa maraming mga pelikula at palabas sa telebisyon. Naabutan kong naging Darna sina Sharon Cuneta, Nanette Medved, Anjanette Abayari, at Regine Velasquez. Aabangan natin ang pagtanggap ng mga manood sa Darna ni Jane de Leon.

Siguradong mapapanood ang “Mars Ravelo’s Darna: The TV Series” sa iWantTFC. Ngayong livestreaming era, makakarating din kaya ito sa Netflix at mapapanood ng buong mundo?

Leave a comment

Post a reply