Muling lumilipad si Darna, ang Pilipinang superhero na nilikha ni Mars Ravelo at namayagpag sa daigdig ng komiks, pelikula, at telebisyon mula pa dekada 50.

“Dumarating ako sa ngalan ng kapayapaan at katarungan… Pumarito ako upang labanan ang kadiliman,” ang pahayag ni Darna sa pinakabagong komiks na nagtatampok sa kanya, ang “Mars Ravelo’s Darna Golden Anniversary Book” ng Mango Comics.

Ang “Mars Ravelo’s Darna” ay isang serye na may tatlong bahagi, at nilikha para sa bagong salinlahi ng mga mambabasa. Si Boboy Yonzon ang sumulat ng kuwento at ang mga larawan ay iginuhit naman nina Ryan Orosco at Gilbert Monsanto. Inilalarawan ng bagong komiks–na sa kasamaang palad ay nasusulat sa wikang English, ngunit may pailan-ilang tilamsik ng Tagalog mula sa mga terorista at alalay–sina Darna at Narda bilang makabago, maganda, matalino, at seksi ngunit matapang at palabang babae.

Ibinabalik din si Valentina, ang babaeng may buhok na maliliit na ahas at tradisyunal na kalaban ni Darna. Ngunit dahil nasa lungsod na si Narda at nag-aaral bilang isang iskolar, sa unang bahagi ng serye ay nakita na lamang ang kapatid at sidekick niyang si Ding sa flashback. Hindi na rin kailangang lunukin pa ni Narda ang mahiwagang bato bago siya sumigaw ng Narda.

Hindi katulad ng mga lumang komiks, makintab at makulay ang “Mars Ravelo’s Darna,” at mabibili ito sa halagang P120 (US.50) sa mga tindahan ng aklat at babasahin. Mataas ang kalidad nito at anumang oras ay hindi ka mahihiyang itapat sa alinmang komiks na likha sa United States. Kaya nga lamang, kapuna-puna rin ang masyadong Westernized na estilo ng komiks. Kung hindi mo kilala si Darna o kaya’y ang makita mo’y isang pahinang wala siya sa eksena, hindi mo aakalaing Pinoy ang komiks na ito.

Sa kanyang mensahe, ipinagtanggol ni Boboy Yonzon, publisher ng Mango Comics at kaibigan ng pamilya ni Mars Ravelo, ang paggamit ng English: “But I am sure he (Ravelo) would have agreed that Darna now belongs to the world which, whether you agree or not, has become more and more Anglicized.”

Bagamat hindi sang-ayon ang manunulat na ito sa pahayag ni Yonzon–sapagkat ang bayan ni Darna ay Pilipinas, at mas malawak pa rin ang paggamit ng wikang katutubo sa bayang ito, idagdag pang si Darna, o si Narda, ay Pilipina at sa istorya ay nasa Pilipinas pa rin , mas dapat siyang nagsasalita ng Tagalog o Filipino–kinikilala natin ang kagustuhan ni Yonzon at ng kanyang mga kasama na paliparin si Darna sa isang mas malawak na papawirin.

Kapuripuri ang pagpapakilala kay Darna na isama sa bagong komiks. Sa halip na basta na lamang siya isabak sa bagong kalaban, siniguro ng mga may-akda na may tamang background ang mga mambabasa–lalo na ‘yung mga nakababata o kaya’y di pa nakakikilala sa ating superhero. Nakatutulong din ang mga historical na tala tungkol kay Darna, at ang pagpupugay kay Ravelo, na tunay na dapat pasalamatan at alalahanin sa kanyang pagkakalikha sa isang bayaning umugit sa kultura ng bansa.

Ang “Mars Ravelo’s Darna” ay isang salubungan ng luma at bago. Ibinabalik nito ang luma–ngunit hindi kailanman malalaos–na karakter sa pamamagitan ng modernong sining. Ang salubungang ito’y dapat nating salubungin ng mainit na pagtanggap.

Tanggapin natin si Darna sa kanyang muling paglipad.

—————
Narito ang ilang links tungkol kay Darna:

* Mars Ravelo’s Darna Golden Anniversary Book
* The New Official Darna Web Site 2003
* Darna Fan Club E-group
* Darna animation

http://www.tinig.com/v29/v29bl_ederic_darna.html


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center