Ang internet at social media, para ding tabak na may dalawang talim. Depende sa paggamit, maaari itong magdala ng ikabubuti mo at ng ibang tao, pero puwede rin itong maging mitsa ng kapahamakan.

Sa isang banda, nagbukas ito ng maraming oportunidad. Ang mga nauna sa Internet, gaya nina Jerry Yang at David Filo na mga nagtatag ng Yahoo! — isang iconic brand sa internet — ay nagkaroon ng pagkakataong makatulong sa mga netizen, makalikha ng maraming trabaho sa iba’t ibang bansa, at mapabuti ang sarili nilang kalagayan sa buhay.

Sa Pilipinas, may mga naunang blogger na nagkapagtayo na ng negosyo mula sa dati nilang libangan. Kumikita sila sa mga patalastas na ibinabayad ng mga kompanyang nais mapansin ng mga mambabasa. May mga tinatawag ding “influencers” na binabayaran para magbanggit ng mga produkto at serbisyo sa kanilang social media accounts.

Ang sikat na sikat ngayong kalahati ng AlDub — si Maine Mendoza na partner ng aktor na si Alden Richards — dahil sa viral na mga Dubsmash video ay naging malaking artista at endorser.

Sa kabilang banda, may ilan namang ‘di maganda ang naging karanasan dahil sa mga patuloy na nagbabagong teknolohiyang ito.

Ilang taon na ang nakalilipas, may isang babaeng ang pakikipagtalo sa estasyon ng MRT ay nakunan sa video at ini-upload sa internet kaya naging viral, at siya’y naging biktima ng cyberbullying. Isa pang babae ang na-bully matapos magpost ng litrato ng lalaking ‘di raw nagpaupo sa kaniya sa MRT. May isang binata namang nasira ang reputasyon matapos may magpakalat ng tsismis na siya’y may nakahahawang sakit.

Ang iba, nasasangkot sa eskandalo matapos kumalat ang kanilang private videos. Mayroon ding nakunan ng pera o mahahalagang impormasyon dahil nabiktima ng phishing o ibang pang panloloko sa internet. May mga mamamayan ding na-scam ng mga politikong fake news ang bala sa kampanya.

Dahil dito, kailangan nating maging maalam sa kalakaran sa internet at social media. Kapag online, sana’y maging mabuti at matulungin tayo sa iba, tama ang impormasyong ibinahagi, at pinag-iingatan ang ating kaligtasan. Wika nga ng GMA News, “Think before you click!”

Unang nalathala sa Dyaryo Pilipino. Larawan mula sa GMA News.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center