Photo from http://dot.com.ph/publicaccessHanggang ngayo’y wala pa ring naririnig mula kina Carlo Lorenzo, reporter ng GMA-7, at sa kasamang cameraman na si Gilbert Ordiales. Ang dalawa’y hinihinalang kinidnap matapos tangkaing kapanayamin noong Sabado ang mga rebeldeng Moro sa Indanan, Sulu.

Ayon sa ulat ng Inquirer kahapon, sinimulan na mga sundalo ng pamahalaan ang paghahanap sa nawawalang mga mamamahayag.

Kasabay ng batch namin na nagtapos si Carlo Lorenzo sa UP College of Mass Communication noong 1999. Napapanood ko siya noon sa Mornings@GMA kasama sina Suzie Entrata, Tisha Silang, Ryan Agoncillo, at Tito Mon Isberto ng Smart Telecoms.

Ang kaso nina Carlo at Gilbert ay isa na namang malungkot na katotohanan sa kayraming panganib na kinakaharap ng mga mamamahayag sa pagko-cover ng mga pangyayaring may kaugnayan sa tinatawag ng US at Philippine governments na “terorismo.” Di tulad ng mga tunay na rebolusyunaryo, ang mga grupong “terorista” ay hindi sumasanto sa karapatan ng mga mamamahayag na maging ligtas sa panahon ng kanilang coverage sa mga lugar na hinahati ng armed conflict.