Napanood namin kamakailan ang pelikulang “Don’t Give Up On Us” ng Star Cinema. Bida rito sina Judy Ann Santos at Piolo Pascual.
Para sa mga matagal nang hindi nakakauwi at wala nang masyadong balita tungkol sa mga bituin ng pinilakang tabing dito sa ating bansa, maaaring hindi pamilyar sa inyo ang mga pangalang iyan. Siguro’y sina Guy and Pip — o sa mga mas bata, sina Sheryl Cruz at Romnick Sarmenta — pa ang pinakamainit na loveteam noong lisanin ninyo ang Pilipinas.
Para sa inyong kapakinabangan, narito po ang maikling backgrounder: si Judy Ann Santos, sinasabing tagapagmana ng trono ni Ate Guy, ay isang dating batang aktres (natatandaan pa ba ninyo ang Ula?) na nang nagdalaga na’y naging sikat na bida sa mga drama sa telebisyon gaya ng Mara Clara at Esperanza. Si Piolo Pascual naman ay nakilala sa pelikulang “Lagarista” at sumikat mga palabas sa ABS-CBN Channel 2. Naitampok siya sa isang patalastas na may temang “magpakatotoo ka” ng Sprite (magpakatotoo raw, kaya may batang sumigaw ng “I love you, Piolo” matapos inumin ang softdrink). Nitong nakalipas na taon ay pinagbintangan siyang lumabas daw siya sa isang cellphone scandal.
Pero para sa mga tulad kong narito lamang sa Pinas at matamang sumusubaybay sa pelikulang Pilipino, hindi na kailangan pang ipaliwanag kung sino sina Judy Ann at Piolo. Malamang ay alam na rin ninyo na ilang ulit na silang nagsama sa mga pelikulang “Kahit Isang Saglit,” “Bakit ‘Di Totohanin?” at “Till There Was You.” Ayon sa website ng Star Cinema, nagkapareha rin daw sila sa teleseryeng “Sa Puso Ko, Iingatan Ka.”
May katagalan din bago muling nagtambal sina Juday at Piolo. Sa kabila nito, sadyang mainit pa rin ang kanilang love team. Noong gabing manood kami, medyo natawa ako sa ilang mga kababayan natin. Mahaba kasi ang pila sa sinehan dahil hindi agad pinapasok ang mga manonood. Tuloy, pasosyal ang tila hindi comfortable dahil mukhang nahihiya silang makitang nakapila sa isang sineng Tagalog. Baka nga naman matawag na baduy! Kakaiba — maraming gustong malibang, at halatang kinikilig-kilig pa kina Juday at Piolo, pero ayaw magpakatotoo.
Sa loob ng sinehan, maraming nagpakatotoo. Siguro dahil madilim doon. May mga nagpalakpakan, sumigaw, at napahiyaw sa kilig dahil sa mga lambingan nina Juday at Piolo na gumanap bilang Abby at Vince. Sabagay, napakaromantiko nga naman ng mga eksenang kinunan sa Baguio at sa Sagada. Tawang-tawa nga ako sa isang babaeng nakaupo malapit sa amin. Aba’y halos isandaang beses ata siyang bumulalas ng “Guwapooooo!” —ganoon ang reaksiyon niya sa bawat paglabas ni Piolo. Pero at least, nagpapakatotoo siya, ‘di ba?
Ikatutuwa rin ng mga movie fan na lumaki sa mga pelikula ni Sharon Cuneta ang “Don’t Give Up On Us.” Sa pelikula kasi, kitang-kita ang pagkakapareho ni Judy Ann kay Sharon. Wala naman sigurong intensiyon sa panig ni Juday na manggaya dahil may sarili siyang estilo. Nagkataon lamang na ang papel na ginampanan niya’y hawig sa maraming mga karakter na pinagdaanan na dati ni Sharon. Bukod pa rito, ang nasabing pagkakahawig ay hindi nakakainis, kundi nakatutuwa pa nga.
‘Di ako magkokomento sa pelikula sa paraang gaya ng ginagawa ng mga kritiko. Pero bilang isang manonood, nagustuhan ko di lamang ang magagandang tanawin sa bansa na ipinakita sa pelikula. Natuwa rin ako sa kuwento nito — ang tungkol sa pagtatagpo nina Abby, isang career woman na may plano at pangarap, at Vince, isang mang-aawit na ang hanap ay tanging simpleng buhay at wagas na pag-ibig lamang. Kailangan nilang magpakatotoo — at magkompromiso — kung paano magsasanib ang kanilang magkahiwalay na daigdig.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
November 19, 2024
Films for International Men’s Day on Lionsgate Play
Witness powerful stories of strength, resilience, and brotherhood.
August 29, 2024
‘Joy Ride’ premieres November on Lionsgate Play
Irreverent comedy features four unlikely friends' unforgettable international…
May 12, 2024
Heartfelt movies and series for mom on Lionsgate Play
Celebrate moms with laughter, tears, and heartwarming stories.