Photo from Antonio Trillanes IV's Friendster account
Hindi na ako nagulat ngayong may pailan-ilan muling nagko-comment sa post kong “Liham kay Lt. SG Antonio Trillanes IV”. Dala marahil ito ng pagdeklara ni Trillanes na tatakbo siya bilang senador. Kahit ang profile ni Trillanes sa GMANews.tv, isa sa mga most read sa mga personality profiles sa site. Ang kanyang unang Friendster account, puno na rin.

Noong kakatapos lamang ng Oakwood mutiny, sobrang naging crush ng bayan ang rebeldeng sundalong ito, at sa isang Peyups article ay sinubukang kong sagutin kung “Bakit Crush ng Bayan si Kapitan Trillanes?”:

Tembtation : Bakit Crush ng Bayan si Kapitan Trillanes?
Contributed by tembarom (Edited by mananalaysay)
Friday, August 01, 2003 @ 03:56:18 PM

“Why blame these young soldiers for telling the country the truth?” –Atty. Homobono Adaza

Nang kumain ako kahapon sa carinderia ni Ate Nicky, nagawi ang kuwentuhan sa naganap na pag-aalsa ng mga sundalo noong Linggo. At siyempre, hindi puwedeng hindi mabanggit ang lider ng mga nagrebelde, ang patok na patok ngayong si Lt. SG Antonio Trillanes IV.

“Ay, Eric! Ang guwapooo niya, ‘no? Grabe!” ang bulalas ni Ate Nicky, na isang nanay ng apat na bata. Ayon sa kanya, pati raw matatanda niyang kapitbahay ay tinamaan kay Kapitan Trillanes.

Ilang araw matapos ang tinatawag nilang kudeta — na hindi naman talaga kudeta — natanggap ko naman sa text ang message na ito: “San kya nakakulong c Trillanes? Girls from all walks of life want to visit him. Ako kya bilang media makakuha ng pass? Hmm…”

(May isa pa akong na-receive na message related sa so-called kudeta, kaya lang hindi tungkol sa ating bida. Pero ise-share ko na rin kasi aliw:

FOR SALE: 200 pcs M16A1; 50 pcs M60; 200000 rnds 5.56mm;
100000 rnds 7.65mm; 1200 grenades; Cheap lang. Call me.
Sender:
Angie Reyes
+639187904444

At sigurado akong nai-forward na rin sa inyong inbox ang liham kay Kapitan Trillanes, na sa kapapasa ay nawala na ang pangalan ng sumulat. (Bagamat sa tingin ng iba ay nakakainsulto at nanunuya ang liham, ito sa aking palagay ay isang seryosong komentaryo tungkol sa nangyari na itinago sa bisyo nating mga Pinoy na magpatawa at tumawa kahit sa gitna ng rebolusyon.)

Kanina naman, iniulat sa TV na isang bagong starlet, si Glorietta Magdalo, ang papayag na ipagkaloob ang kanyang katawan kay Kapitan Trillanes. Gustung-gusto raw niya ang tabas ng mukha ng sundalo at lalaking-lalaki raw ito. “Nawala ka na sa Glorietta, pero ang totoong Glorietta, nandito pa. Naghihintay sa iyo ang totoong bomba,” ang nang-aakit niyang pahayag sa harap ng kamera. (Grabe, hindi kaya nahiya si Darna sa katapangan ni Glorietta para lamang makuha ang atensiyon ni Kapitan Trillanes? Hindi naman siya ganun kalandi kay Kapitan Barbel, di ba?)

At alam n’yo bang pati ang ayon kay Joi Barrios ay pekeng Darna, si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ay aminadong ang ating bida ay pretty boy? “Bring the criminals to justice, no matter how goodlooking they are,” wika niya kanina sa panayam ng Manila Overseas Press Club. (Sana sinabi rin niyang give justice to the Davao bombing victims, ano?)

Walang dudang sikat na sikat at heartthrob na si Kapitan Trillanes ngayon. Pero para sa isang nagtangkang gambalain ang kapayapaan ng bayan, bakit?

Ayon sa aking Lakambini, normal lang daw sa lipunang ito — sa macho society na ito — na ang isang sundalo, na siyempre pa’y tigasing mandirigma, ay maging kaibig-ibig sa mga kababaihan.

Nagkasundo rin kaming may appeal din siguro ang pagiging rebelde o “bad boy” niya. Siyempre sa tingin ni Ate Glo at nga mga alipores niya, lalo na si Defense Secretary Reyes na ayaw mag-resign sa kabila ng seryosong mga alegasyon, ay bad boy si Kapitan Trillanes.

Ngunit higit sa lahat ng ito — pagiging pretty boy, sundalong macho, at bad boy — may isang katangian si Kapitan Trillanes na nagbubukod sa kanya sa karaniwang mga pop idol at crush ng bayan gaya ng cast ng Meteor Garden o ng Buttercup: ang kanyang idealismo, na sadyang kailangan natin sa mga nakapanlulumong panahong ito.

Nagpamalas siya ng katapangan sa pagsusulong ng kanyang paninindigan laban sa katiwalian. Sino ba namang baliw ang lalabagin ang batas at susuwagin ang kapangyarihan para lamang maibistong nagbebenta ng ng armas at bala sa mga kalaban ng estado Sandatahang Lakas ng Republika? Sino ba namang ulol ang babanggain ang mga makapangyarihang tulad nina Ate Glo at Angie Reyes at ilalagay sa panganib ang kanilang buhay para lamang patunayang itong mga pinuno natin ay sangkot sa pambobomba sa Davao?

(Sabagay, sino rin namang ogag nga ba ang maniniwalang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front ang isang Montasser Sudang — ang biktimang naging suspek ng militar sa pambobomba sa Davao? Ayon sa mga kaibigan at kamag-anak, excited ang lalaki sapagkat unang beses niyang makakarating sa Davao para sunduin ang kanyang pinsan. Sumitar pa siya ng jeep at nagsama ng 29 na kamag-anak, kabilang ang ilang bata. Sabi nga ng Inquirer sa isang editorial, “Unlike the real suicide bombers in, say, Israel, his body parts are accounted for, and his face is still recognizable. It has the look of innocence, as if Montasser Sudang didn’t know the end was near.”)

Sa tingin ko, kabilang si Kapitan Trillanes sa mga tipo ng tao na nangininig sa pagkasuklam sa kawalan ng katarungan — at idagdag na natin, katiwalian. Sa kanyang pag-aaral sa ating Pamantasang hirang, ibinisto ni Kapitan Trillanes sa kanyang thesis at ibang mga sulatin ang katiwalian sa Philippine Navy.

Sa kanyang pahayag, makikita rin ang kanyang priyoridad: “The cost to the economy would be very very minimal compared to the reforms that would come out after this. Imagine the lives of people that would [improve] after the outcome of this exercise if the government will really listen and will have the will to really reform.” Marami kasing bad trip sa ginawa nilang panggugulo dahil daw sa sinira nila ang ekonomiya. Sabihin mo nga naman ‘yan sa mga mahihirap sa Payatas at Tondo, at baka isampal sa mukha mo ang tanong na “Ano ‘yang putanginang ekonomiya na ‘yan? Makakain ba namin ‘yan?”

Yun nga lang, nagtataka pa rin ako sa piniling pangalan ng grupo nila — Magdalo. Ayon sa mga reporter, sinabi raw ng mga rebeldeng sundalo na mayroon silang pulang armband na may disenyo ng isa sa mga watawat ng Katipunan dahil sinusundan nila ang halimbawa ni Gat Andres Bonifacio. Pero teka lang, di ba’t ang paksyong Magdalo ang nagtraidor sa mahal na Supremo?

Nakapagtataka rin kung bakit lantarang ipinagmudmuran umano ng mga sundalong ito ang kopya ng programang National Recovery Program ni Senador Gringo Honasan — isang beterano sa mga kudeta. Nababanggit din ang posibleng kaugnayan ng pinatalksik na Pangulong Joseph Estrada, na kaalyado ni Honasan.

Sa gitna ng kanyang pagiging asteeg, may ilan pa ring bagay na dapat ipaliwanag ang bagong crush ng bayan. Huwag naman sanang nakipaglaro siya ng gamitan. Kung ganoon, sayang ang paghanga sa kanya ni Ate Nicky at ng halos buong bayan.

Sikat na naman ngayon si Trillanes. Pero kung ang kasikatang ito sa Internet ay magiging boto ng bayan, hindi pa natin malalaman.

(Updated October 24, 2018 for minor edits and to add image from Trillanes.com.ph)


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center