Para bang kulang pa ang lahat ng galit at panlalait na natanggap niya nang insultuhin niya noong isang taon ang mga OFW, muling humirit ang socialite at lifestyle columnist na si Malu Fernandez sa kanyang kolum sa Manila Standard Today. Ang binabanatan naman niya ngayon sa artikulong “The problem with blogging….” ay ang mga blogger at ang lumalawak na kilusan para paalisin sa pagkapangulo si Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinimulan ni Malu ang kanyang bagong obra sa pagbanggit sa kontrobersyal na blog ng isang Australyanong umibig sa isang Pilipinong socialite na sa huli ay nang-onse raw sa dayuhang lover. Dahil sa blog na ito, naalala ni Malu na minsa’y naging “hot topic” siya ng Philippine blogosphere. (Napasama sa “The Most Popular Filipino Blog Posts of 2007” ng Basapa.com ang aking Malu Fernandez post noong isang taon.)

Para lang ipaliwanag na ang isinulat niya ay hindi tungkol sa dating isyu tungkol sa kanya, kinailangan na namang mang-insulto ni Malu Fernandez ng kanyang mga mambabasa: “To those of you who are mass/volume or dense (that’s the physics formula for density to those who are clueless) again, I repeat this is not a reaction toward my past actions.” Pagkatapos, ang blogging at bloggers na ang tinira niya:

But blogging, aside from Perez Hilton and the other big time bloggers (you know who you are) is for me a slacker job or a medium and pastime for lonely people to connect. Unless you’re in bloody Siberia or in a Gulag prison, try stepping outside your comfort zone and turn off the laptop or pc, you just might find some real live people to talk to instead of typing away in cyber space.

Gaya ng nabanggit na ng ibang bloggers, ipinakita ni Malu ang kawalan niya ng kaalaman tungkol sa blogging. Sa tingin niya, malulungkot na taong walang magawa o ayaw magtrabaho nang matino ang bloggers? Siguro’y puro emo blogs lamang ang nabisita niya. Di niya alam na maraming estudyante at may mga abogado, accountant, aktibista, artista, doktor, guro at nagsusulat sa tinatayang mahigit 200,000 Filipino blogs (ayon sa pagtataya ni Abe Olandres ng Yugatech.com, na nag-nominate kay Malu bilang 2008 Master Link Baiter). Baka di pa rin niya narinig ang iblog, ang mga gawain ng Bloggers’ Kapihan na minsa’y sinusundan ng Bloggers’ Inuman, at ang mga pagtitipon ng Blog and Soul Movement at iba pang blogging communities.

Sa kanyang artikulo, nag-lecture din si Malu tungkol sa “difference between a journalist and a blogger.” Ayon sa kanya, “journalists have to adhere to certain guidelines that govern the freedom of speech.” Ngayon lang ako nakarinig na ang freedom of speech pala ay may “certain guidelines.” Ano ‘yun, galing sa Department of Injustice? Kung ang Journalists’ Code of Ethics ang tinutukoy niya, ito ay pansariling initiative ng mga peryodista partikular ng National Union of Journalists of the Philippines.

At kung ako’y nagulat na itinuturing palang journalist ni Malu Fernandez ang kanyang sarili, ganito naman ang sinabi ng tinatawag kong Philippine blogging queen na si Connie Veneracion a.k.a the Sassy Lawyer:

Ummmm… “journalists have to adhere to certain guidelines”. Have to adhere is not the same thing as saying they do adhere. Besides, what’s there to brag about if you’re a journalist especially if you’re in the Lifestyle section? Many Lifestyle writers regularly receive freebies from corporate publicists and these publicists’ clients get written about in the newspapers. Is that something to be proud about? The prostitution of journalism?

Pero idinagdag din ni Connie: “On the other hand, the same gimmick is being done by bloggers and so many are taking on the self-righteous attitude. Some of these bloggers were the noisiest during the previous Malu Fernandez brouhaha.”

Samantala, inireklamo rin ni Malu ang naglipanang anonymous comments sa blogosphere. Ang mga peryodista raw, di gaya ng bloggers, ay gumagamit ng totoo nilang pangalan para pangatawanan ang kanilang mga isinusulat. Sa totoo lang, tama si Malu — nakakainis nga ang mga anonymous na nagko-comment at gumagamit pa ng iba’t ibang pangalan pero iisa lang naman ang IP address. Pero mukhang nalimutan ni Malu na karamihan sa mga anonimong ito ay hindi mga blogger, kundi mga mambabasang nagko-comment. Bilangin niya ang lahat ng mga blog na tumuligsa sa kanya noon, at baka ma-realize niyang kakarampot lamang sa mga ito ang anonymous. Mukhang na-confuse siya sa bloggers at readers.

At siyanga pala, gaya ng sinabi ni Connie, may mga peryodistang gumagamit ng pseudonym — although mukhang si Quijano de Manila (Nick Joaquin) ang tinutukoy ni Sassy Lawyer at hindi si Conrado de Quiros.

Pagkatapos ng kanyang confused whining tungkol tungkol sa mga anonimo, ang kultura at lipunang Pilipino naman ang sinuri ni Malu sa baluktot na pangugusap na ito: “Perhaps it is the Filipino culture to foster backstabbing because they never mean what they say face to face.” Ayon sa kanya, baka raw dala ng 300 taong pananakop ng mga Espanyol ang ganitong kultura, saka pinatamaan ang isang blogger of Spanish descent but with an Indio face.” Nakakatawang sinabi niyang “the Spanish rule is over,” pero ginamit niya ang salitang Indio sa parehong paragraph.

Iniugnay rin niya ang kanyang pagsusuri sa kultura ng katrayduran sa mga pagkilos para patalsikin si Arroyo:

It’s just like all this hullabaloo about ousting GMA. You deposed ERAP in Edsa Dos. Now you’re unhappy with his replacement. Make up your minds. (For the record I’m not pro anybody I’m pro whatever lesser evil is out there). You can’t overthrow one president then decide you made a mistake with your second choice. It’s not like buying a green Hermes bag and suddenly deciding, oops I should have gotten the black one instead.

Una, nakakaaliw — pati ang pagpili ng pangulo ay ihinahalintulad niya sa pagsha-shopping. Sa tingin ko, mas marami talaga siyang maisusulat sa lifestyle section kaysa sa opinion-editorial pages ng mga diyaryo.

Pangalawa, napatalsik si Joseph Estrada dahil sa katiwalian at pagharang sa katotohanan. Pumalit si Gloria, na nangakong di na tatakbo pero tumakbo at saka nanalo sa tulong ni Virgilio Garcillano. At napasailalaim tayo sa rehimen ng pagsisinungaling at pandaraya.

Ngayon, si Arroyo naman ang pinagbibintangan ng katiwalian. At hinaraharang ng Palasyo ang katotohanan. Hirit nila, dalhin sa korte ang usapan. Pero hindi pa puwedeng litisin sa hukuman si Arroyo dahil nakaupo pa siya bilang pangulo — kahit pekeng pangulo. Impeachment ba kamo? Asa pa you hangga’t mga alipores niya ang nasa mababang kapulungan ng Kongreso. Ang natitirang option sa mamamayan — ang manawagan ng Gloria resign! Malalim at seryoso, hindi basta tungkol sa pagbabagu-bago lang ng isip gaya ng sa isang shopping addict, ang usapin sa pagpapatalsik kay Gloria.

Mabuti at nabanggit ni Malu Fernandez ang backstabbing at pagiging di dapat sa sinasabi. Kung babalikan natin ang bahagi ng talumpati ni Arroyo sa EDSA shrine pagkatapos siyang iluklok ng People Power 2, makikita natin ang malinaw na pagtatraydor:

On many occasions I have given my views on what our program of government should be. This is not the time or place to repeat all of them. However I can tell you that they converge on four core beliefs.

1. We must be bold in our national ambitions, so that our challenge must be that within this decade, we will win the fight against poverty.

Magandang itanong kay Malu Fernandez at sa mga kapareho niyang umaatake sa mga kalaban ni Arroyo kung paano nilabanan ng kanilang mahal na pangulo ang kahirapan. Ang paglikha ba ng mga trabahong pang-eleksyon lamang gaya ng pagwawalis sa kalsada ay paglaban sa kahirapan? O baka ang pagtataboy sa mga manininda sa lansangan ang paraan ng paglaban sa kahirapan?

2. We must improve moral standards in government and society, in order to provide a strong foundation for good governance.

Paano maiaangat ang pamantayang moral sa pamahalaan at lipunan kung mismong ang mga kapamilya at tauhan ni Arroyo ay akusado ng katiwalian? At ang tanodbayan ay kilalang malapit sa kanyang pamilya at mga kaibigan?

3. We must change the character of our politics, in order to create fertile ground for true reforms. Our politics of personality and patronage must give way to a new politics of party programs and process of dialogue with the people.

Nasaan ang pangakong pagbabago sa “politics of personality and patronage” kung mismong si Arroyo ay tagapagtatag ng Kabalikat ng Malayang Pilipino pero chair emeritus din ng Lakas-CMD at laging sinusugod sa Malakanyang ng local government officials na humihimod sa kanyang puwet dahil naaambunan ng grasya? Nasaan ang dialogue with the people kung ang mga aktibista ay niraratrat na lamang saka ibinabaon ng ilang kasapi ng hukbong pinamumunuan ng isang Hello Garci general?

4. Finally, I believe in leadership by example. We should promote solid traits such as work ethic and a dignified lifestyle, matching action to rhetoric performing, rather than grandstanding.

Leadership by example ba ang paghe-Hello Garci at paulit-ulit na pagsisinungaling ni Arroyo? Dignified lifestyle ba ng mga opisyal ng pamahalaan ang napapabalitang hilig ng ilang kasapi ng unang pamilya sa Louis Vuitton — na mga gaya lang ni Malu Fernandez ang nakakabili? Magandang halimbawa ba ang umano’y panunuhol sa mga congressman, maging sa mga obispo, ang moral na pamantayan sa pamahalaan at sa lipunan?

Sino ngayon ang backstabber at iba ang sinasabi sa harapan pero iba rin ang ginagawa kapag nakatalikod?

Hinaing pa ni Malu Fernandez:

Unfortunately that’s the kind of nation we have become, a bunch of wishy-washy whiners who whine about everything under the sun and found the blog sphere to be the new medium for whining. Yes we do what we have to do as a nation to get things done and stop corruption and evil (I’m all for that) but we never seem to be happy with what we have, hence the complaining and whining. It just never stops.

Kung sa tingin ni Malu Fernandez ay puro iresponsableng reklamador ang mga Pilipinong blogger, baka kailangan pa niyang sumali sa nakakaadik na Entrekard — parang atensiyon, na nakakaadik din, ika nga ni BryanBoy — para madiskubre ang iba pang bahagi ng blogosphere (hindi blog sphere). Baka sakaling makita rin niya itong Open Letter to Malu Fernandez at ang iba pang links na kinolekta ni Arbet.

At kung masaya na si Malu na kurakot ang pumalit sa kurakot, ibahin sana niya ang iba, lalo na yung mga di pa nakarinig sa brand name na Zara, na ika niya’y nakatira sa ilalim ng bato o puro ukay-ukay ang suot. Kung akala niya, simpleng paghu-whine lang ang ginagawa ng mga nagpoprotesta, subukan niyang i-off ang kanyang aircon, lumabas sa kanyang comfort zone, at makihalubilo sa mga totoong taong di kabilang sa mga Gucci Gang. Makikita niyang di biro ang maging basurero o tindero o maging pangkaraniwang empleyadong tinataga ng buwis na kukurakutin lamang o gagamitin para manalo ang ng mga diyos at arkanghel sa Palasyo.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center