Kahapon, oras na ng meryenda nang makabalik ako sa bahay galing sa pamimili ng mga aklat at ilan pang mga bagay. Sinabayan namin ng panonood ng telebisyon ang pagkain. Dahil Linggo, ang palabas nang oras na iyon ay balitang showbiz. At siguro’y dahil ilang araw nang bina-bash ng mga kasama ko sa bahay ang isang partikular na aktor na kinaaasaran namin, siyempre’y nasa mood manood ng mga kuwentong showbiz habang kumakain. At dahil puro “Kapamilya” ang mga kasama, ‘di na ako nagtangkang ipilit na panoorin ang programa sa paborito kong network.

Ibinandera ng palabas ang pinakaunang pahayag daw ni James Yap tungkol sa pagbubuntis ng asawang si Kris Aquino — na para bang ito na ang pinakamahalagang pangyayari sa bansa sa linggong ito. May balita rin tungkol sa reaksyon daw ni Sharon Cuneta sa pagkikita nina Gabby Concepcion at anak na si KC. Pero ang balitang nakapagpaalala na tumatanda na ako ay ang pagpapakasal nina Mark Anthony Fernandez at Melissa Garcia.

Teenager ako noong panahon ng kasikatan ng mga Gwapings na kinabilangan ni Mark Fernandez — kasama sina Eric Fructuoso at Jomari Yllana. Lagi nila noong kapareha si Abby Viduya, na kalauna’y naging si Priscilla Almeda.

Sa aming mga kabataan sa probinsya na hindi exposed sa Hollywood, ang Gwapings ay kabilang sa mga idolo noong panahong iyon.

Hindi ko alam kung jologs sila para sa mga taga-Maynila, pero noon, sa amin ay sila ang standard ng cool na porma. May mga kaeskuwela akong gumagaya sa kanilang pananamit — naging image model sila ng Bench, ang pinakakilalang local brand na tinatangkilik kapwa ng middle class at ng masa. Pati na rin sa one-sided na hawi ng kanilang buhok ay ginaya ng halos lahat ng mga kabarkada ko, pero di ako nakagaya dahil matigas talaga ang ulo ng buhok ko, hehe. Ang mga Gwapings ang cover ng mga notebook — lalo na ng mga babae kong kaeskuwela, at sikat din ang dance step nila (Rump Shaker).

Naalala ko yung panahon ng kasikatan ng Gwapings, kasi iyon din ang mga panahong umaasa akong tulad ng mga kabataang idolong ito, balang araw ay magiging matagumpay rin ako sa buhay. Noon, naisip kong hindi man ako maging kasing suwerte nina Mark sa mismong panahong iyon, darating ang araw na matutupad din ang mga pangarap ko — hindi kabilang doon ang pagiging sikat na artista, ha? Simple lang ang mga pangarap ko noon. Ang mga ipinagdarasal ko noon ay mag-champion sa Math Olympiad, mapasagot yung nililigawan kong campus beauty queen, at makapasa sa Unibersidad ng Pilipinas. Hmmm, sige aaminin ko nang pinangarap ko ring medyo mapantayan ang uri ng maalwang buhay na kahawig ng inaakala ko noong nararanasan ng mga sikat na celebrity.

Sa mga pangarap ko, may hindi natupad, at mayroon din namang nagkatotoo. Di na ako naging champion sa Math Olympiad sa probinsya namin, pero naging malapit na kaibigan ko naman noong mga unang taon ko sa kolehiyo yung nakakuha ng pangarap kong iyon.

Di rin kami naging kami kahit kailan ni Miss Campus Queen, pero ngayo’y maligayang maligaya ako kapiling ang beauty and brains kong Lakambini.

Ang pagpasok sa UP, nagkatotoo naman. Di ko na matandaan kung buo pa ang Gwapings noon, pero noong freshman na nga ako sa UP at nag-shooting sina Mark at Claudine Barretto (na sikat na sikat din noong high school ako), sumilip ako sa shooting at pinanood ang mismong sine. By that time, itinuturing na ng mga kritiko na isa sa pinakamagagaling na aktor ng aming henerasyon si Mark, pero bigla siyang nawala nang maaliw siya sa ipinagbabawal na gamot. Kamakailan ay nagbalik siya, at ngayo’y muling nagsisimula.

At kahapon nga, malaking balita sa showbiz ang kasal ng isa sa mga Gwapings. Hindi ko alam kung dumalo sina Eric Fructuoso (na Friendster friend ko), Jomari Yllana, at Abby Viduya (o Priscilla kaya ang nakasulat sa imbitasyon?) sa kasal ni Mark. Sa kaso ko, gaya nang ikasal si Claudine Baretto, di naman nakarating ang imbitasyon, hehe.

Nakakaaliw. Pati balitang showbiz, nakapagpapaalaala sa akin ng mga batang pangarap. Siguro dala na rin ng panahong punong-puno ng mga kabataang nagnanais mag-artista. Kahapong tanghali, bago ko pa man mapanood ang mga balitang showbiz, nadaanan ko sa may Kapuso Network ang ang timbon ng mga kabataang gustong makasali sa StarStruck. Mula sa malayo, natanaw ko ang tayog ng kanilang mga pangarap at namasdan ang liyab ng pag-asang bumabalot sa kanilang batang kamalayan.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center