(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

May kumalat na joke sa text tungkol sa mga kandidato sa pagka-presidente. Sino raw ang dapat iboto?

“Si Gloria ba na walang isang salita? Si FPJ na ayaw magsalita? Si Roco na salita nang salita? Si Lacson na patay ka pag nagsalita ka? Si Brother Eddie na kapag nagsalita, may himala?”

May mga nagdagdag ng: “O si Eddie Gil na nakakatawa kapag nagsalita?”

Itinuturing ng marami na isang katatawanan ang pagkakasali ni Eddie Gil sa labanan sa pagkapangulo ng Pilipinas. At ngayong na-disqualify na siya ng Comelec, masasabing seryoso na raw ang laban.

Pero ang totoo niyan, matagal nang hindi biro ang labanan.

Sa kabila ng pagtawa ng marami sa mga sagot ni Eddie Gil sa panayam sa kanya ni Vicky Morales sa programang Bio-Data ng GMA-7, siguradong nababagabag din sila’t nanlulumo sa takbo ng pulitika at pamamahala sa bansa.

Sino ba naman ang hindi mawawalan ng pag-asa kung ang kanilang pinuno’y tumalikod sa kanyang pangako–lalo na kung sa kanyang pangangako ay ginamit pa ang pangalan ng pambansang bayani–at pagkatapos ay kinuha bilang katambal sa eleksyon ang isang bagong pulitikong popular ngunit ayon sa marami ay hindi pa handa upang umakyat ng posisyon?

O kung ang nagbabadyang maging susunod na pangulo ay isang artistang walang karanasan sa pamamahala ng bansa at atubiling humarap sa publiko upang ipaliwanag ang kanyang plataporma?

O kung ang nakilala bilang masipag at makabayang senadora, ang Crying Lady ng impeachment trial, na naluha habang sumasayaw ang isang kontrabida ng People Power 2 ay nakikisayaw na rin at inaawitan pa ang mismong anak ng pangunahing dahilan ng pagputok ng People Power 2? Hindi ka ba naman maiiyak?

Nariyan na ang mga kalagayang iyan bago pa man tayo patawanin ni Eddie Gil.

E paano kung ang isang kinikilalang haligi ng makabayang kaisipan, ang inakala nating halos iisa at pinakahuling pag-asa ng makatuwiran at makataong pamamahala at paglilingkod sa bayan ay biglang sumunod sa Crying Lady at makipag-koalisyon na rin sa kampo ng kung tawagin ilang mga Pilipino sa Internet ay “bangungot ng bayan”?

Aba! Para na ring sumanib si Gandalf ng Lord of the Rings sa panig ng kalabang si Saruman. O kaya’y ang nangangalaga kay Harry Potter na si Professor Dumbledore ay na-recruit na ng alagad ng kadiliman na si Voldemort!

Ang ganitong mga sitwasyon, walang duda ay talagang seryoso’t hindi na nakakatawa.

May pag-asa pa ba tayong makabangon?


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center