Kagabi, sa pagwawakas ng Sana Maulit Muli, siguradong masasaya ang Kimerald fans–o mga tagahanga nina Kim Chiu at Gerald Anderson. Pero ang maraming mga manonood, naasar naging takbo ng huling bahagi ng kuwento.

Lagi kong sinasabi na ang magandang ending ng isang palabas ay ‘yung hindi ini-expect. ‘Yun bang tipong masasagasaan ng bus, tapos tapos na. Parang ganoon din naman ang nangyari sa SMM. Naaksidente rin sila ng isang trak o van na nawalan ng preno.

Sa episode bago ang pinakahuli, namatay si Travis Johnson, at tumalon naman mula sa rooftop ng isang gusali si Jasmine Sta. Maria. Akala ko tuloy, mamamatay sila pareho. Siyempe, malungkot iyon, pero okay na rin sana–at least magkasama pa rin sila.

Pero nailigtas pala si Jasmine ng tatay niya–nahawakan siya bago tuluyang mahulog. Kaya ang akala kong mangyayari, patay si Travis at buhay si Jasmine. Sabi ni Mhay, para raw ‘yung sa sine na “If Only,” namatay ‘yung lalaki sa halip na ‘yung babae dahil sa pang-aano nila sa tadhana. (Papanoorin pa lang namin ‘yung DVD noong sine na ‘yun.)

Pero kinutuban ako na magkakaroon ng happy ending itong SMM. At ang totoo n’yan, sa kabila ng pagsasabi ko nga na okay ‘yung mga kakaibang pagwawakas, umasa akong maging happy ending ang SMM. Putris, halos dalawa sa tatlong eksena ata, umiiyak si Kim Chiu, dapat nama’y maging masaya ang pagwawakas. Saka tutal, may fantasy element naman ‘yung istorya–nakakabalik sa panahon, may tadhana personified–eh ‘di pangatawanan na ng mga manunulat. Na siya naman nilang ginawa.

Noong inilibing si Travis sa kuwento, sabi ko, sana ma-time space warp si Jasmine, at mabalik siya sa piling ng mahal niya. ‘Yun bang tipong sa isang hakbang lang niya, nasa nakalipas na siya ulit. Nagawa nilang suwayin ang panahon, kaya’t dapat magawa nila ulit. Kumbaga, nabutasan nila ang pagiging solid ng batas ng panahon. Sa mala-parallel universe na eksenang kapwa naggigitara at nagluluksa sina Jasmine at Travis, kako’y sana’y magsanib na lang ang dalawang magkaibang panahong ito. (O, puwede na ba akong writer ng ganyang mga kuwento, hehe?)

Nangyari naman ang gusto ko. Ang susi pala ay ang relo–teka, puwede bang maging susi ang isang relo?–na bigay ni Mang Andres, aka Tadhana. Ito ang nagpabalik kay Jasmine sa panahong buhay pa si Travis. Sabi ni Mhay, mala-Somewhere in Time (na paborito ko rin). Parang Moments of Love rin. Siyempre, nagkita ang dalawang bida. At sa lahat ng lugar na puwede silang pagtagpuin ng binalikang panahon, sa Jollibee pa!

Okay na sana ‘yung ending. Kahit hindi ikatutuwa ng mga kritiko, masaya naman. (At kaya naman tayo nanonood ng TV para malibang at sumaya, di ba? Kung gusto nating magpakalalim, manood tayo ng art o historical films) Ayos rin lang na sa Jollibe ang setting ng ending. Malaking sponsor sila ng mga artista at palabas, eh. Kaso lang, napasobra. Sabi nga ni Rickey, Sana Maulit Muli Finale is a Jollibee Commercial.

Pero huwag ka! Naghahapunan kagabi habang nanonood nito. At hulaan ninyo kung ano ang kinakain ko? Hindi naman Chicken Joy–Amazing Aloha at fries lang. Hehehe. Nakakatawa. Noong magpa-deliver kami, sa halip na McDonald’s ay Jollibee ang pinili ko. Subukan ko lang kako kung maayos na ang kadalasa’y palpak na delivery nila. Tapos na ako nang na-realize ang nakatatawang sitwasyon ng panonood ng SMM habang kumakain ng Jollibee. Kagagawan kaya iyon ng power of advertising? Sub-conscious mind ko kaya–na apektado ng SMM commercial–ang nagdikta na Jollibee sa Jollibe kami magpa-deliver?

Ewan ko. Pero aaminin ko, medyo fan din ako ng Kimerald–na sinubaybayan namin dati sa Pinoy Big Brother Teen edition.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center