Pumanaw noong Agosto 5 sa edad na 63 ang isang pinunong nagtiwala at tinitingala ng mga kabataan, si dating Senador Raul Roco.
Dating lider-estudyante, si Roco ay naging pinakabatang pangulo ng National Students of the Philippines. Bukod pa sa kanyang matalino at magiting na papel sa impeachment trial laban kay dating Pangulong Joseph Estrada, maalala rin si Roco bilang senador na tumayo para sa pambansang soberanya. Nilabanan niya ang Visiting Forces Agreement noong 1998.
Kabilang sa mga pinakamalaking pamana niya sa kabataan ay at ang paglilinis niya ng katiwalian sa Department of Education at ang pagsusulong ng libreng edukasyon sa pamamagitan ng pagtatanggal sa kung anu-anong kontribusyong sinisingil sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan. Siya rin ang nagsulat ng Study Now, Pay Later program, noong siya’y chief of staff pa ni Ninoy Aqino.
Dalawang beses tumakbo sa pagkapangulo si Roco. Dalawang beses ding iba ang pinili ng mga Pilipino. Bagamat noong 2004, ang mga botanteng naniwala at umasa sa pagbabago — sa pagbangon ng bagong Pilipinas — ay nahati sa pagitan nina Roco at Bro. Eddie Villanueva, ang dalawang kampo ay magkasama sa patuloy na pagususulong ng mga prinsipyo ng People Power 2: katotohan, katarungan, malinis at maayos na pamamahala.
Sa kabila ng kanyang karamdaman, patuloy na nakisangkot si Roco sa pambansang usapin. Nang pumutok ang kontrobersiya ng “Hello Garci,” tulad ni Villanueva ay sinabi niyang dapat nang bumaba sa puwesto si Gloria Macapagal-Arroyo. “Por la patria, resign now,” wika niya. “The problem is they cheated, yet they don’t want to resign. That’s the issue. That is shameful,” sabi pa ni Roco sa isang panayam ng Inquirer.
Bagamat dalawang ulit na ipinagkait sa kanya ang pagkakataong maangkin ang karangalang pagsilbihan ang bayan bilang Pangulo ng Republika, higit na magiging mahalaga ang kanyang mga pahina sa aklat ng ating kasaysayan kaysa sa ibang nakaupo sa trono ngunit binalasubas ang bayan.
Habang pinapanood ko ang 2004 campaign MTV ni Roco matapos kong mabalitaan ang kanyang pagpanaw, tumimo sa aking isipan ang mga linyang ito:
May isang salita at prinsipyo.
Naiisip ko ang nakaupo ngayon sa posisyong ninais ni Roco, at nalulungkot ako. Hindi ko maintindihan kung mas nangibabaw sa eleksyon ang isang taong iba ang sinasabi kaysa sa ginagawa. Nakakapagtakang mas nanaig ang isang pulitikong nag-ipon ng political debts kaysa sa isang lingkod-bayang hindi nangangambang hihina ang kanyang kampanya kahit ayaw niyang tumanggap ng kontribusyon sa mga tao at negosyong kanina-hinala ang intensyon. Pero kapag tumutunog sa cellphone ko ang “Hello Garci,” nauunawaan ko kung bakit nagkaganoon.
Huwag nating ipanakaw ang bukas.
Naiisip ko ang nakaupo ngayon sa posisyong ninais ni Roco, at nagagalit ako. Hindi ko maintindihan kung bakit kahit maliwanag pa sa sikat ng araw na ninakaw ang boto ng bayan, nananatiling nakaupo ang umagaw sa ating karapatang pumili. Kahit tumunog muli ang “Hello, Garci,” nagtataka pa rin ako.
Naiisip kong sana, alang-alang sa alaala ni Roco, maisip nating tumayo at bawiin ang karapatang inagaw sa atin.
Paminsan-minsan lamang dumarating sa atin ang mga kagaya ni dating Senador Raul Roco. Kadalasan, hinahayaan lang natin silang mag-isang pagsumikapan ang isang bagong Pilipinas. Pero sa kanilang paglisan, inuulan natin sila ng parangal at papuri. Nawa’y hindi manatiling ganito ang katapusan ng kuwento ng mga totoo at makabayang lingkod ng bayan.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
June 23, 2024
Liza Soberano’s ‘summer beyond compare’ with Deoproce
Deoproce introduces its UV Defence Line.
June 16, 2024
A hero’s sacrifice
Toil and trials mark the journey of Charly Rivera, a remarkable father of four.
May 12, 2024
Converge celebrates selfless love this Mother’s Day
Converge pays tribute to courageous mothers and maternal figures.