Kung matapos na’ng lahat
Pa’no kaya ang puso ko…

Kung matapos na’ng lahat
Pa’no kayang damdamin ko?

Galing ang mga linyang ‘yan sa isang kanta ng mang-aawit na si Louie Heredia. Sa tingin ko, maraming tagahanga ng tambalan nina Alden Richards at Maine Mendoza na nakaka-relate sa mga linyang ‘yan.

Matapos ang ilang panahon ng kilig at kasiyahan, lalo na sa katanghalian, sumapit ang pagtatapos ng makasaysayang tambalan. Sa kathang-isip na kuwento ng mga karakter na sina Alden at Yaya Dub, nasaksihan natin ang kaganapan ng kanilang pag-iibigan. Ngunit sa tunay na buhay, ang loveteam ay tuluyan nang naghiwalay.

“Sadly, I cannot stay as Yaya Dub forever,” ani Maine Mendoza kasabay ng pag-amin na may nakakamabutihan na siyang iba. Si Alden naman, iba ang makakapareha sa susunod niyang pelikula.

Maging sa Internet — na naging malaking bahagi ng kasaysayan ng AlDub — ramdam din ang hiwalayang ito. Ang Official AlDub Trendsetter, isang grupo ng mga kinatawan ng iba’t ibang AlDub fan groups na regular na naglabas at nagpatrend sa Twitter ng official hashtags para sa AlDub Nation, tumigil na sa gawaing ito nitong katapusan ng Abril.

Para sa maraming tagahangang naghintay at umasang magkakatuluyan di lamang sina Alden at Yaya Dub kundi pati na rin sina Alden at Maine, isa itong napakasakit na pangyayari. Siguradong naging mapait na paksa ito sa maraming mga kitaan ng mga kasapi ng AlDub Nation.

Sa gitna ng malungkot na pagwawakas ng AlDub, naiwan —ngunit nariyan pa rin — ang fandom, ang AlDub Nation. Di mawawala o masasayang ang masasayang mga alaala. Di basta-basta matitibag ang mga nabuong pagsasamahan. Di malilimutan ang bawat bayanihan para sa mga nangangailangan.

Itong huli ang pinakamahalaga. Bukod sa pagiging isang malaking kalipunan ng mga tagahanga, naging isang bukluran ang AlDub Nation para makatulong sa mga nangangailangan. Alam ng marami kung paanong nakipag-ugnayan sa iba’t ibang institusyon ang AlDub fans para mangalap ng donasyong dugo, magpasaya sa mga matatanda at mga nasa bahay-ampunan, magpatayo ng mga aklatan, at tumulong sa mga kapwa tagahangang kapos ngunit nais makapagtapos.

Natapos man ang AlDub, may mga alaalang naiwan. May mga mabubuting gawaing nasimulan.

Padayon, AlDub Nation!