Dahil sa bagong pausong salitang “noynoying,” naalala ko ang album na “Wag Kang Mang-Go-Gloria.”
Kapwa anyo ng protesta laban sa mga pangulo ng bansa ang dalawang ito at ipinakilala sa magkaibang panahon ng dalawang magkakumpetensyang samahang aktibista. Pero sa tingin ko, mas angkop ang pausong “Wag Kang Mang-Go-Gloria.”
Noynoying
Pinauso ng Anakbayan ang “noynoying” nitong nakalipas na linggo bilang protesta laban sa tuluy-tuloy na pagtaas ng langis.
“Noynoying is the new planking: uupo lang walang gagawin kundi papogi at tamad-tamaran,” ani Vencer Crisostomo, pambansang tagapangulo ng Anakbayan at kasamahan ko sa Bloggers Kapihan.
Ipinakita ng mga kasapi ng Anakbayan at mga kaalyadong grupo ang “noynoying” sa transport caravan na ginawa noong Huwebes.
Oil deregulation
Lumalabas kasing walang ginagawa ang gobyerno para pigilan ang pagtaas ng presyo ng gasolina. Tila deadma rin ang administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino sa mga mungkahing ibasura na ang oil deregulation law. (Pero kung nagawa ni Aquino na pakilusin ang mga congressman sa impeachment ni Chief Justice Renato Corona at sa Freedom of Information bill, bakit nga ba hindi sa oil dereg?)
Pumatok sa social networking sites ang “noynoying,” at ginagamit na ito ng marami ngayon upang tukuyin ang pagtambay o pagiging petiks. Parang HOHOL — hang-out hang-out lang habang kumakanta ng The Lazy Song ni Bruno Mars.
‘Unfair’
Sinamantala ng mga nagpauso ng “noynoying” ang black propagandang pinakalat ng mga kalaban ni Aquino nooong kampanya para sa halalang pampanguluhan, na nagluwal ng perception na siya raw ay tamad, walang alam, at abnoy pa nga. Kaya naman ginagamit na rin ito ng mga kritiko ng pangulo ngayon upang isalarawan ang administrasyon at ang pangulo, na para bang walang anumang ginagawa si Aquino para sa mamamayan.
Kaya naman ayon kay Senador TG Guingona at iba pang kaalyado ng pangulo, unfair ang paggamit ng “noynoying.”
“We are not privy to the activities of the President day to day. And therefore, it is very unfair for anyone to say such things of our President. Most especially the head, the representative of the entire government,” sabi ni Guingona.
Wag Kang Mang-Go-Gloria
Inilabas ng Akbayan ang “Wag Kang Mang-Go-Gloria” album nina Gary Granada, Noel Cabangon, Cooky Chua at iba pang indie musicians upang ipahayag ang sentimyento ng mga taong nais mapaalis sa puwesto si Gloria, ani Risa Hontiveros, na noo’y kinatawan ng Akbayan. Tinawag nila itong soundtrack sa pagpapatalsik sa noo’y nakaupong si Arroyo.
Ganito ang bahagi ng lyrics ng kantang “Values Education,” isa sa mga laman ng “Wag kang Mang-Go-Gloria” album:
Huwag kang mandadaya
Huwag kang magsinungaling
Ang mga panata
At pangako’y tuparin
Huwag kang manggugulang
Huwag kang mgsasamantala
Huwag kang manlalamang
Ng iyong kapwa
Hello, Garci!
May dalawang buwan pa lamang noon mula nang sumabog ang “Hello Garci scandal,” ang audio recordingng pakikipag-usap ni Arroyo habang binibilang ang mga boto sa halalang 2004 sa noo’y Comelec commissioner na si Virgilio Garcillano. Tinanong ni Arroyo si Garcillano kung makakakuha pa rin siya ng mahigit isang milyong boto sa bilangan.
Usung-uso pa noon ang Hello Garci ringtone, kaya ang isang bahagi ng “Values Education” ay ginawa ring ringtone. Nasa PCIJ blog ang buong lyrics ng kanta.
Di gaya ng “noynoying,” hindi masyadong sumikat ang “Wag kang Mang-Go-Gloria” dahil siguro wala pang Twitter noon. Ngunit wari’y pinatutunayan ng kasaysayan at mga kasalukuyang pangkayayari ang pagiging angkop ng katawagang “panggo-gloria” sa mga ginawa ni Arroyo. Tumalikod siya sa pangakong di tatakbo noong 2004. Nag-sorry lang siya sa isyu ng “Hello Garci.” Nakakulong na siya ngayon dahil sa kasong electoral sabotage sa halalang 2007, at may warrant of arrest siya sa kasong graft dahil sa NBN-ZTE controversy.

Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
June 30, 2023
Viral video ng disbarred lawyer na si Larry Gadon
Para ito sa mga naghahanap sa viral video ng nadisbar na DDS at Marcos…
June 9, 2023
Fair-gig at food pop-up para sa Martsa ng Magbubukid
Suporta sa mga magsasaka ang Bagsakan para sa Lupa, Hustisya, at Kapayapaan.