Nang hagkan ko si Nanay Diding bago ako umalis pa-Maynila noong Oktubre, dumampi rin ang pangambang maaaring iyon na ang huli kong pagpapaalam sa kaniya. Sa kabila nito, nanaig ang aking pag-asang lalakas pa si Nanay at muli pa kaming magkikita.
Subalit dahil sa kaniyang edad at sakit, ilang panahon na ring mahina si Nanay. Noong Nobyembre 22, 2016, tuluyan na siyang lumisan. Sa pagpanaw ni Nanay, naging ulilang lubos na ako, na panganay niyang apo.
May panahong si Nanay Diding at si Tatay Andoy — ang aking lola at lolo — ang nag-alaga sa akin sa Marinduque habang nag-aaral sa lungsod ang aking Mama Belen. Kahit mas maagang nawala ang aking ama, tatlo naman natira kong mga magulang noon.
Gaya ng ibang laki sa lolo’t lola, medyo spoiled ako habang lumalaki. Hangga’t kaya, ibinigay nila ang mga hiling ko. Lagi akong ipinagluluto noon ni Nanay ng paborito kong dinuguan. Kapag dumarating siya galing sa bayan pagkatapos magsimba’t mamalengke, lagi siyang may pasalubong sa akin na butsi.
Pero kahit mapag-arugang lola, may pagkaistrikto rin siya. Minsa’y nag-reunion kami ng mga kaklase ko sa high school at nag-beach sa baybayin sa aming barangay. Noong pauwi na kami, ‘di pa man lumulubog ang araw ay nakasalubong na namin si Nanay — hinanap na ako dahil nag-alala siya’t ‘di pa ako umuuwi.
Si Nanay Diding ‘yong inang maalam sa buhay. Marami akong mga alaala ng pag-akyat sa bundok kasama siya para maghawan ng aming taniman, ng pamamalagi sa niyugan para maglukad at pagkatapos ay magpatimbang ng kopra, at ng pagtatanim, pag-aani, at pagpapabayo ng palay. Sa pangingisda at pagsasaka, napalaki at napagpatapos nila ni Tatay ang anim na anak — sina Mama Belen, Tita Mila, Tita Nida, Tita Ester, Tito Rod, at Tito Ric.
Nang biglaang sumakabilang-buhay si Mama at pagkatapos ng ilang taon ay yumao na rin si Tatay, si Nanay Diding ang aking naging matatag na karamay. Maging sa kaniyang pagtanda, ang kapakanan ko’t kinabukasan ang lagi niyang inaalala.
Ilan sa mga iniwan sa akin ni Nanay ang hilig sa pagbabasa, pagiging masayahin, at pagpanig sa matuwid. Naging halimbawa rin si Nanay Diding ng matibay na pagkapit at pagtatanggol sa pananampalataya. Marahil, kung nabubuhay pa siya ngayon at ikukuwento ko sa kanya ang mga troll at negatron na nakapagpapabagabag sa akin, siguradong sasabihin lang niyang “Bayai siya, ipanalangin mo siya.”
‘Pag kinukulit siya noon ng mga kaanib ng ibang relihiyon, barado agad sila kay Nanay. Pagsapit ng alas-sais ng gabi, lumuluhod na siya sa altar para mag-orasyon. Isang tapat na Katoliko, nagsisimba siya tuwing Linggo — may regular na siyang upuan at mga katabi sa simbahan at madalas siyang mag-alay ng intensiyon sa misa — hanggang sa ‘di na kinaya ng kaniyang katawan ang pagbiyahe papunta sa bayan.
Nami-miss ko ang pag-aasikaso ni Nanay sa akin, ang panggigising niya sa akin ‘pag umaga sa Marinduque lalo na ‘pag kailangan kong bumiyahe nang maaga pa-Maynila, ang pag-uusap namin sa telepono ‘pag tinatawagan ko siya, ‘yong mga kuwento niya tungkol sa mga nakalipas na panahon, ang pagpapaliwanag niya kapag inaasikaso ko ang aming extended family tree, ang pagkanta niya ng “O Maliwanag na Buwan,” at pati ang pagtatanong niya kung kailan kami ikakasal ni Myla.
Kapag inaatake ako ng lungkot, iniisip ko na lang na ngayo’y kapiling na ni Nanay Diding si Tatay Andoy. Sabay na muli silang papalaot para mangisda, mangangawit at maglulukad, maggagapas at maggigiik, at kapag napagod ay magsasalo sa tuba. Baka nga pati sina Mama at Tita Nida, makisali rin. Ang tiyak, ‘di na nila kailangang bumiyahe papuntang simbahan para magpuri’t magpasalamat sa Lumikhang may-ari ng ating buhay.
Ederic Eder
Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.
He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.
He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.
Related Posts
June 23, 2024
Liza Soberano’s ‘summer beyond compare’ with Deoproce
Deoproce introduces its UV Defence Line.
June 16, 2024
A hero’s sacrifice
Toil and trials mark the journey of Charly Rivera, a remarkable father of four.
May 12, 2024
Converge celebrates selfless love this Mother’s Day
Converge pays tribute to courageous mothers and maternal figures.
Nakakaiyak naman po ang iyong pag-alala sa kanya. Ramdam ko po ang iyong pangungulila. Gayun pa man masaya akong napakarami nyo pong masasayang alaalang maikukuwento sa iyong anak o magiging anak at mga apo.