(Editoryal ng Tinig ng Plaridel noong Setyembre 16, 1998)

Ngayong araw, pitong taon na ang nakararaan, sama-samang itinaboy ng sambayanang Pilipino ang base militar ng Estados Unidos.

Sa tagpong iyon, mariing tinutulan ng mamamayan ang kasunduang pangmilitar na kumakatawan sa pagsasamantala ng mandaragit mula sa Kanluran. At bilang pagsunod sa lunggati ng masang Pilipino, tinanggihan ng Senado ang pagpapanatili ng base militar.

Pumanig ang kasaysayan sa mamamayan.

Subalit makalipas ang pitong taon, muling sumusungaw ang matulis na tuka at matatalas na kuko ng agila: ang Visiting Forces Agreement. Namamayagpag ang bagwis nito at tumitingkad ang pagiging bantay-salakay nitong katangian. Namamayagpag ito sapagkat sa ilalim ng VFA sasakupin nito ang 22 port o daungan na nasa halos lahat ng sulok at galugad ng Pilipinas — mula Ilocos sa Norte hanggang Saranggani sa Timog. Bantay-salakay ito sapagkat panig lamang ang mga probisyon sa mga Amerikano, at nais itong mailusot at mapagtibay ng mga tagapanguna nang hindi ganap na naipapaalam sa mamamayan ang mga detalye.

Api at dehado, kung gayon, ang mga Pilipino sa kasunduang ito.

Babastusin nito ang soberanya ng ating bansa sapagkat hahayaan nito ang mga Amerikanong sundalo at sasakyan na dumaong sa bansa nang libre sa buwis at inspeksiyon ng awtoridad ng Pilipinas. Ginagago nito ang ating Konstitusyon sapagkat nagdadala ito ng mga armas pandigma at nuclear weapons na ipinagbabawal ng ating Saligang Batas. Tinatarantado nito ang mga Pilipino dahil kaakibat ng VFA ang paglala ng prostitusyon, pang-aabuso sa karapatang sibil ng mamamayan, at pagsira ng ating tahanan at kalikasan.

Tunay nga, nakapagpapaalala ang VFA ng lupit ng dating base militar.

Inuulit raw ng kasaysayan ang kanyang sarili.

At sa pagkakataong ito, nararapat na ganito nga ang mangyari. Muling kikilos ang sambayanan upang tutulan ang VFA. Muling papanig sa atin ang kasaysayan.

Gaya nang dati, ibabasura ng ating Senado ang VFA.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center