Aba, Binibining Mocha
Napupuno ka ng grasya
Ang poon ng mga DDS ay sumasaiyo
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
At dinededma naman
Ang ‘yong mga kalat.

Sana all anak ng Diyos.
Ipinananalangin naming mga makasalanan
katapusan ng inyong paghaharing di na namin mahintay!

Amen.

May mga panawagan ngayon para magbitiw bilang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) si Mocha Uson. Nagpost kasi siya ng mga larawan ng isang pagtitipon kasama ang aniya’y mga OFW sa Lian, Batangas. Dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) dulot ng COVID-19, ipinagbabawal ngayon ng pamahalaan ang anumang uri ng pagsasama-sama ng maraming tao.

Sa mga nagtatanong kung makakasuhan o maparurusahan si Mocha, asa pa kayo! Bukod siyang pinagpala sa lahat ng blogger. Gaya ni Senador Koko Pimentel na lumabag din sa patakaran ng ECQ, si Mocha ay maaaring palulusutin lang ng gobyerno. What are they in power for nga naman.

Bagamat pagpapaliwanagin daw nila si Mocha pagkatapos ng ECQ, ipinagtanggol naman ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac ang ginawa ng kasamahan. May social distancing naman daw sa nangyaring event. Ang layunin daw ng pagtitipon, ipaalala sa mga OFW ang kahalagahan ng social distancing at pag-iwas sa mga mass gathering.

Weird lang. Iipunin mo ang mga tao para paalalahanan silang ‘wag maglapit-lapit. Kakaiba ‘di ba? Parang Mayon Volcano na napunta sa Naga!