Nagprotesta kanina sa harap ng Royal Thai Embassy sa Makati ang People for the Ethical Treatment of Animal (PETA) para manawagan sa embahador na itigil na ang paggamit ng mga unggoy sa industriya ng niyog sa Thailand.

Nakamaskara ng mukha ng unggoy, nakakadena, at nakasuot ng pambilanggo ang mga kasapi ng PETA na nagprotesta. Nagdala sila ng mga plakard na may nakasulat na “Thailand: Stop Coconut Industry Monkey Abuse.”

Ibinunyag kamakailan ng PETA ang umano’y pang-aabuso sa mga unggoy sa mga niyugan sa Thailand.

Ayon sa grupo, ikinakadena, inilalayo sa mga kapwa unggoy, ibinibyahe sa maliliit na kulungan, at pinipilit mamitas ng niyog araw-araw ang mga unggoy. Ang mga kawawang hayop, nakararanas na rin umano ng matinding mental distress.

“Ang mga maawain sa hayop na mga mamimili mula sa Pilipinas at sa buong mundo ay hindi tatanggapin ang pang-aabuso sa hayop, kaya kailangang agarang itigil ng Thailand ang paggamit sa mga unggoy,” ayon sa aktibista ng PETA na si Ross Rowalle.

Hinihikayat ng PETA ang publiko na huwag munang bumili ng mga produkto ng niyog mula sa Thailand hangga’t ‘di pa itinitigil ang ganitong gawain sa nasabing bansa.

Dati nang itinanggi ng Thailand ang alegasyon ng PETA. Ayon sa Ministry of Commerce ng bansa, ‘di raw malaking bahagi ng industriya ang mga unggoy na namimitas ng niyog. Tourist attraction lang daw ang mga ito.

Bahagi man ng coconut industry o para lang sa mga turista, makatarungan ba ang ginagawa sa pobreng coconut-picking monkeys?