(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

Kung noong isang taon ay tumanggi ang mga obispo ng Simbahang Katoliko na sumali sa mga nananawagan ng pagbibitiw ni Gloria Arroyo, ang nakaupong pangulo ng Pilipinas na akusado ng pandaraya sa eleksyon sa tulong ni ”Hello Garci,” ngayong taon ay ayaw naman nilang suportahan ang impeachment laban kay Arroyo.

Ayon sa “Shepherding and Prophesying in Hope,” ang pinakabagong pastoral statement ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), walang dudang para raw sila sa paghahanap ng katotohanan kaya’t buong katapatan nilang nirerespeto ang paninindigan ng mga indibidwal at grupong patuloy na nagnanais na gamitin ang impeachment process upang makita ang katotohanan. Ngunit idinagdag pa nila:

“But as Bishops reflecting and acting together as a body in plenary assembly, in the light of previous circumstances, we are not inclined at the present moment to favor the impeachment process as the means for establishing the truth. For unless the process and its rules as well as the mindsets of all participating parties, pro and con, are guided by no other motive than genuine concern for the common good, impeachment will once again serve as an unproductive political exercise, dismaying every citizen, and deepening the citizen’s negative perception of politicians, left, right and center.”

At bagama’t tinalakay rin nila ang iba pang mga panlipunang isyu sa kanilang pastoral statement, sa usapin ng impeachment naitutok ang atensyon ng madla, lalo pa’t noong isang buwan ay sumali si Bishop Deogracias Iñiguez, obispo ng Kalookan, sa mga nagsampa ng impeachment laban kay Arroyo. Noong Hulyo 10, ang araw na lumabas ang pahayag ng CBCP, dalawang pari at ilang pastor ng mga Simbahang Protestante naman ang dumagdag sa mga pumirma sa impeachment complaint.

Marami ang dismayado sa pahayag na ito ng mga obispo, pero tuwang-tuwa ang Malacañang.

“…We concur with the bishops that impeachment is not the way toward change and resolution in our current political concerns,” sabi ni Ignacio Bunye, tagapagsalita ni Arroyo.

Pero wala namang sinabing ganito ang mga obispo. Sabi lang ng CBCP, baka maka-bad trip lang lalo sa tao ang impeachment, pero hindi nila tahasang sinabing hindi ito ang daan tungo sa kalutasan ng ating mga problema.

Nakakatawa nga dahil ilang araw bago ang pahayag ng CBCP, nagpalitan pa ng magkasalungat na opinyon ang mga obispo ang mga tao ni Arroyo. Niratrat kasi ng mga taga-Palasyo si Bishop Iñiguez—kesyo nilabag daw niya ang probisyon sa Konstitusyon tungkol sa pagkakahiwalay ng kapangyarihan ng simbahan at pamahalaan. Pero kailan pa naging panghihimasok na ang isang mamamayan, na nagkataon lamang na isang obispo, ay humiling na panagutin ang lider ng gobyerno sa mga ginawa nitong kahunghangan? O kaya’y hindi raw moral na isyu ang isinusulong ng mga nagsampa ng impeachment. E, ano ang itatawag mo sa pandaraya at kawalan ng pagkilos upang pigilan ang halos araw-araw na pagpatay sa mga aktibista?

Nakakatawa. Kung magsalita ang mga tao niya, parang hindi adik sa paghalik sa singsing ng Santo Papa si Arroyo. At parang hindi niya buong pagmamalaking ibinigay sa Santo Papa ang kopya ng bagong anti-death penalty law (na hanggang ngayon ay ‘di pa available sa Records Office ng Palasyo).

Siyempre, malaking dagok sa mga bad trip na sa pamahalaang Arroyo ang posisyon ng mga obispo. Sa kabilang banda, puwede itong tingnan bilang pagtanggi ng mga obispo na kilalanin ang isang prosesong siguradong babastusin na naman ng reyna sa Palasyo sa pamamagitan ng mga tuta–err–biik niya sa Kapulungan ng mga Kinatawan. Siguro, ayaw mag-amoy-biik ng mga obispo. Pero para sa mga oposisyon at lider ng civil society na nagsampa ng kaso, yun na lang ang huling legal na paraan nila sa kabila ng mapanupil na rehimeng ito.

Sa kabilang banda, ang pagtanggi ng mga obispo na suportahan ang impeachment dahil sa kanilang pagkuwestyon sa motibo ng mga taga-oposisyong nagsusulong nito ay maikukumpara sa pagsukong laging maririnig sa middle class: ”Eh sino ang papalit?”

Nakakalungkot na pati ang mga obispo, sa kabila ng pamagat ng kanilang liham, ay tila nawawalan na rin ng pag-asa.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center