Makulay. Ito raw ang isa sa mga katangian ni Marlene Garcia Esperat, mamamahayag, siyentipiko at anti-corruption crusader na pinatay noong Huwebes Santo sa Tacurong City, Sultan Kudarat.

“Erin Brockovich” kung tawagin siya ng mga taga-Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ). Tulad ni Erin, isang single mother na naging legal assistant at nagpaluhod sa isang malaking kumpanya sa Estados Unidos, si Marlene ay kakaibang manamit.

“Each time she came to our office to report yet another corrupt government deal, she wore mini skirts, stiletto heels and tight dresses with low necklines that revealed more than concealed,” ayon sa artikulong “Farewell, Erin Brockovich” nina Luz Rimban at Sheila S. Coronel ng PCIJ.

Tuwing dadalaw raw si Marlene, iba’t iba ang kulay ng kanyang buhok–light brown at pula raw ang paborito niya–at mala-bahaghari ang kanyang eye shadow.

Dahil sa kanyang kakaiba at makulay na katauhan, maaring hindi mo raw siya seseryosohin kung makikilala mo siya. Hindi mo aakalaing si Marlene ay isang matapang na kalaban ng katiwalian sa gobyerno, partikular sa Kagawaran ng Pagsasaka o Department of Agriculture (DA).

Nagsimula ang laban ni Marlene, noong dekada ’90 nang maging pinuno siya ng Chemical Analysis Laboratory ng DA sa Region 12 nang malaman niyang mas kaunti kaysa sa nakatakda ang ibinibigay na pondo sa kanyang laboratoryo. Nagsumbong siya sa noo’y kalihim ng DA at nag-utos ito ng pagsisiyasat. Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, sinunog daw ng financial officer ang opisina ng kagawaran sa Cotabato City ng upang mapagtakpan ang kanilang kalokohan, ayon sa mga saksi.

Dahil sa kanyang mga ibinisto, isinailalim si Marlene sa witness protection program at naging action officer ng Ombudsman ng kagawaran na ang opisina ay sa Quezon City. Nalayo siya sa kanyang pamilya pero mas marami siyang nalamang mga kaso ng katiwalian sa DA.

Ayon pa sa PCIJ, dahil siya’y isang siyentipiko, ang kanyang estilo ay scientific: masusi niyang sinusuri ang bawat dokumento at hinahanap ang mga taong makapagbibigay ng impormasyon upang mapatunayan ang kanyang mga hinuha. At gaya rin daw ni Erin Brockovich, nagmememorya siya ng mga phone number ng mga posibleng sources at ibinibigay ang mga ito sa mga reporter.

Sa nakalipas na sampung taon, dose-dosenang kaso na raw ang isinampa ni Marlene laban sa mga tiwaling opisyal ng DA. Noong isang taon, nagsampa siya ng kaso sa mga opisyal ng DA na pinangungunahan ng kalihim na si Arthur Yap at dating Undersecretary Jocelyn Bolante–na malapit kay First Gentleman Mike Arroyo–dahil sa umano’y pagbili ng overpriced na abono na ang pondo ay ginamit daw para sa kampanya ni Pangulong Gloria Arroyo. Isinangkot din niya si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay sa chicken smuggling.

Ayon sa mga nakasama niya, determinado at matapang si Marlene. Isa siya sa mga taong ayon kay Che Guevara ay nagngangalit sa pagkamuhi sa anumang anyo ng kawalang katarungan. Kakampi niya ang ilang matatapat na kawani ng DA, pero kaaway siya ng mga kurakot.

Dahil sa kanyang pagpupursigi laban sa katiwalian, ilang beses nang pinagtangkaan ang buhay ni Marlene. Pero handa siyang harapin ang kanyang katapusan. Nakakapagbiro pa nga raw siya. Minsa’y sinabi raw niya sa mga taga-PCIJ, “I want to look pretty when the assassins come to get me.”

Nang lisanin ni Marlene noong nakaraang taon ang kanyang trabaho sa DA, nagbenta siya ng Tupperware at nagtayo ng maliit na tindahan sa Tacurong. Nagsulat din sya ng sang lingguhang kolum sa The Midland Review. Dati ay mayroon din siyang programa sa radyo.

Sa kanyang pagpanaw, hindi natatapos ang laban ni Marlene. Ayon sa kanyang asawang si Jorge, noo’y sinabihan niya ang kanyang asawa na itigil ang kanyang mga mga ginagawa alang-alang sa kanilang mga anak. Ngunit ang sagot daw ni Marlene, matamis ang kamatayan basta’t makakatulong siya sa paglilinis ng gobyerno. Ang pangako ngayon ni Jorge: ipagpapatuloy niya ang sinimulan ng kanyang kabiyak. “Hihintayin ko lang malibing si Marlene. Papalitan ko siya,” wika niya sa isang panayam ng Mindanews.

Maaaring pinatahimik siya ng kamatayan, ngunit patuloy na mag-iingay ang krusada ni Marlene at magsisilbing makulay na inspirasyon para sa iba pang mga kalaban ng katiwalian ang halimbawa at alaalang kanyang iniwan.