Na-disappoint daw ang mga kababayan ko sa Marinduque nang hindi sinipot ni Pangulong Arroyo ang pagdiriwang ng ika-107 anibersaryo ng Battle of Pulang Lupa sa bayan ng Torrijos kahapon.

Ayon sa ulat ni Gerald Gene Querubin ng Inquirer, sinuong pa naman ng mga Marinduqueno ang init at tinahak ang paakyat na pitong kilometrong daan papunta sa Pulang Lupa Shrine para lamang makita ang pangulo.

Kaya lang, monghe mode pa kahapon si Ate Glo dahil kakababa lang ng hatol ng Sandiganbayan kay Erap. Hindi nga naman puwedeng kumalat-kalat kung saan-saan. Delikado.

Naisip ko pala na ang Marinduque ngani pala ay Erap country. Aba’y mahirap na.

Sa labanan sa Pulang Lupa, Torrijos, Marinduque noong Setyembre 13, 1900, tinalo ng mga Pilipinong gerilya ang mga Kano. Isa ito sa mga labanan na pinagtagumpayan ng mga Pinoy noong Philippine-American War. May karagdagang impormasyon tungkol sa Battle of Pulang Lupa sa Marinduque.net.

Noong 2002, pumunta na sa Marinduque si Arroyo. May talumpati pa ngani siya na palagay ko’y isinulat sa tulong ng isang Marinduqueno. Halata gawa ng binolang maigi ang mga kababayan ko. Sabi niya:

BALITANG-BALITA MAN DIN NA ANG MARINDUQUE AY ISANG NAPAKAGANDANG PROBINSIYA AT MABAIT ANG MGA TAO DINI. ITO BAYA ANG GUSTO KONG MAPATUNAYAN AT MARAMDAMAN MULI. NAPAKSARAN NA BUMALIK NG ISANG LUGAR NA LAGI MAINIT ANG PAGSALUBONG NG MGA TAO. ANG SABI NGANI NG IBA MALIIT MAN ANG MARINDUQUE KAGAYA KO MALAKI NAMAN ANG PUSO KAGAYA KO, LALU NA PAGDATING SA PAG-ESTIMA SA MGA BISITA. MARAMING BESES AKO PUMARITO SA MARINDUQUE LAHAT NG BAYAN NG MARINDUQUE AY NABISITA KO NA. NGAYON MAN DIN, GAYA NANG SABI NI MAYOR NA
PANGALAWANG PAGKAKATAON KO NA MAKAPUNTA DINHI DINI SA MARINDUQUE AT TALAGA BAYANG TINGIN KO’Y LALO PANG GUMANDA AT LALO PANG BUMAIT ANG MGA TAO DINI. (OPS)