Bilib din ako sa tapang nina Trillanes at nakikiisa ako sa kanilang krusadang ubusin ang mga corrupt — teka, kay Joker ata yun ah, hehe — sa AFP.

Makatuwiran at makatarungan ang kanilang ipinaglaban. Mas kapani-paniwala ang mga kabataang ito — mga kabataang tulad natin — kaysa sa mga mukha ng kabulukan at kasinungalingan na nagmamaganda at nagpapakabida sa mga ugnayang pangmadla.

Sumasang-ayon din ako na ang dapat sana’y maaaring pagbabagong idudulot ng kanilang pagkilos ay mas nakahihigit sa ang umano’y masamang epekto ng kanilang ginawa sa ekonomiya.

Ngunit sa kabila nito, ang liham sa ibaba ay nakapagpatawa sa akin nang mabasa ko ito. Dahil aliw, ipinost ko ito rito at at ifinorward sa iba ko pang mga kaibigan. Ang tingin ko kasi rito ay hindi naman talaga pang-iinsulto. Mas ikino-consider ko ito na bunga ng kultura nating mga Pinoy, na kinabibilangan ng pagiging kuwela sa alinmang sitwasyon. Parang seryosong komentaryo ito sa nangyari na itinatago sa likod (o gitna?) ng nakatatawang pang-iinis.

Even ‘yung pagiging heartthrob nga ngayon ni Trillanes, eh nagre-reflect na rin sa jokes. May na-receive rin akong text message galing sa isang kaibigang reporter: “San kya nakakulong c Trillanes? Girls from all walks of life want to visit him. Ako kya bilang media makakuha ng pass? Hmm…”

At naalala pa ninyo ‘yung People Power 2 text and e-mail jokes like yung “Why did the Chicken cross the road? Even people we admire and respect, including then Senator Tito Guingona and Senator Joker Arroyo, were included in the list of people who gave funny answers to the question.

O kaya yung dapat daw si Juan Flavier ang VP ni Gloria, kasi they can see “eye to eye.” (Please note that at that time, people were still hopeful na magiging okay si Gloria; she wasn’t as unpopular then as she is now.)

Alam n’yo naman tayong mga Pinoy, nasa gitna na ng rebolusyon ay nagpapatawa pa rin.

Eto na pala ‘yung liham kay Kapitan Trillanes.

Mahal kong Lt. SG Antonio Trillanes IV,

Magandang umaga. Nawa’y maigi ang iyong kalagayan d’yan sa stockade. Magpahinga ka muna bago ka humarap sa court martial. Hindi bale nang litisin ka, nakapag-stay sa naman sa Oakwood, samantalang kami, pinaasa mong walang pasok ngayon. KJ ka talaga.

Sinulat ko ang liham na ito para puriin ka sa iyong kagitingan na ipaalam sa buong sambayanang Pilipino ang kabulukang nangyayari sa ating gobyerno. Mabuhay ka.

Ang problema nga lang, alam na namin lahat iyon, Kapitan Trillanes.

Hindi na ninyo kailangan pang magtanim ng bomba at magpapogi sa inyong mga fatigues para lang ipaalam sa buong madla na may mga katiwalian sa gobyerno.

Hindi tuloy ako nakapanood ng Terminator 3, eh malapit nang mawala sa sine ‘yon. Okay sana kung nagbakbakan kayo ng mga sundalo ng gobyerno. Mala-THE ROCK saka DIE HARD sana ang nangyari. Kaso, nagsisisigaw lamang kayo sa lobby ng Oakwood. Para ano pa ang inyong mga armband?

Sabagay pwede na kayong magtayo ng boutique na ang brand name ay Magdalo. Puwede kayong magtinda ng mga armbands, fatigue-inspired pants, caps at shades. Ipwesto nyo dyan sa Oakwood para strategic ang location at may sentimental value pa. Bebenta kayo, promise.

Sa launch ng inyong boutique, puwede kayong maglagay ng mga bomba sa parking lot tapos magpaparty kayo doon. Masaya di ba?

Mabalik tayo sa layunin ng liham na ito. Yung sinasabi mong nagbebenta si Secretary Reyes ng bala sa mga rebelde, aba, lumang balita na ‘yan. Alam na naming mga ordinaryong tao yan. Bakit?

Kaugalian na nating mga Pilipino ang mag-sideline di ba? Sa opisina nga namin may nagtitinda ng tsinelas, beads, tocino, tapa, muffins saka bags.

Eh hayaan mo nang magbenta si Secretary Reyes ng bala sa kanila, baka gawang Taiwan lang naman yung mga bala na ‘yon. Mahirap buhay eh, magkano lang naman sweldo ni Secretary Reyes. Malamang lumilihis yung mga bala o kaya puro supot.

Yun namang sinasabi mong si GMA ang nag-utos ng pambobomba sa Davao, alam na rin naming mga Pilipino ‘yon. Kaw naman, Kapitan Trillanes, sa pagka-tsismoso nating mga Pilipino, sino ba naman hindi nakakaalam na gobyerno gumagawa ng mga kalokohang ‘yon?

Plaza Miranda, Jabidah Massacre, pagpatay kay Ninoy, Rizal Day bombings, at kung anu-ano pang kababalaghan, alam na naming gobyerno gumagawa. Hindi naman kami istupido noh! Sabi nga ng mga taga-Assumption, “We’re not like tanga naman…”

Ang drama-drama mo masyado, eh kami namang mga ordinaryong tao tinatawanan na lang mga katiwalian sa gobyerno. May linya ka pang “we’re ready to die for our principles.”

Huuu…if I know, gusto mo lang magpa-spa sa Oakwood kasi sira na ang iyong kutis dahil sa kagat ng lamok sa Basilan. Dapat sinabi mo na lang sa akin, may murang spa dyan sa Quezon Avenue, may “extra” pa.

Ayan tuloy, nagsara Glorietta ng isang isang araw. Lagot ka, milyon nalugi sa mga Ayala. Baka pabayaran lahat sa ‘yo yan. At saka naman Kapitan Trillanes, next time kayo magta-take over ng anumang lugar, ‘wag naman sa mall. Hindi bagay sa inyong mga fatigues and armbands. Sino ba scriptwriter ninyo? Tsugiin! Mali ang location ng action! Ni walang symbolic o strategic meaning ang Oakwood.

Hindi kayo nanood ng THE ROCK ano?

Hay nako, may pasok tuloy ngayon. Nabitin kami. Pogi points ka pa sa mga girls kasi ang guapo mo sa fatigue. Yun nga lang, you didn’t die for your principles. May paiyak-iyak and hug pa kayo.

Kaya kayo tinatawanan ng Abu Sayyaf, malalambot ang puso ninyo, madrama kayo masyado. Ganyan ba kayo sa Basilan? ‘Pag rat-ratan na, nagyayakapan na lang kayo at umiiyak? God, it’s so nakakahiya naman to the enemy.

Hay nako, Kapitan Trillanes, mag-direct ka na lang ng pelikula ha? Tingin ko mas magaling ka pa kay Ang Lee kasi militar ka talaga. Maganda yung mga subplots na naisip mo. Maganda rin yung mga dialogue mo.

‘Pag nag-direct ka na ng movie, make sure may bakbakang matindi sa huli. Yung tipong mawawarak yung buong building. Yun, mas exciting, hindi yung katulad kahapon.

Nagmamahal,
Ang iyong tagahanga

Uulitin ko po, hindi po ako ang sumulat nito.

Updated Oct. 17, 2016 with image from the Philippine Star.


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center