Komiks ang isa sa mga kinalakhan kong babasahin. May isang panaginip ako tungkol sa komiks na talagang tumatak. Ang mga larawan daw sa binabasa kong komiks, gumagalaw at nagsasalita!

Kinalaunan, noong nakikipanood na ako ng TV sa kapitbahay, nadeskubri ko ang cartoons. At noong mas malaki na ako, nauso ang anime. Sa mga nakalipas na taon, lumabas ang mga tablet computer na maaaring panooran ng cartoons at anime video. Nangyari na sa totoong buhay ang panaginip ko.

May mga bagay na bunga ng imahinasyon na sa paglipas ng panahon —  kasabay ng pagsulong ng agham at teknolohiya ay nagkakatotoo. Katunayan, may mga imbensiyon at pangyayari na dati’y nasa mga nobela, pelikula, at palabas sa TV lamang. Ilan sa mga ito, ayon sa ilang artikulong nabasa ko, ay ang paglapag ng tao sa buwan, na paksa ng nobelang “From the Earth to the Moon” (1865) ni Jules Verne; ang credit at debit card sa nobelang “Looking Backward” (1888) ni Edward Bellamy; ang automatic sliding doors sa “When the Sleeper Awakes” (1899) ni H.G. Wells; at ang video games at virtual reality sa “Childhood’s End” (1953) ni Arthur Clarke.

Ang 3D printer, unang nakita bilang Replicator sa “Star Trek,” at ang Apple iPad, parang ang Personal Access Display Device o PADD sa nasabing palabas. Ilan naman sa mga napanood sa pelikulang “Back to the Future” na nagkatotoo na ngayon ang personal drones, video calls, at ang paggamit ng fingerprint sa pagbubukas ng pinto.

Tama nga ang mandudulang si George Bernard Shaw: “Imagination is the beginning of creation.”

Unang nalathala sa Dyaryo Pilipino. Galing sa Flickr ni Matt Buchanan ang larawan.