“Hoy, boybastos.com… Musta na?” text sa akin kanina ng isa sa mga kababata at kaibigan ko. Napanood niya kasi ito:


For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV

Update: Lumabas na rin ang report sa Saksi.

Bago lumabas ang pahayag ni Senador Loren Legarda tungkol sa boybastos.com noong Setyembre 5, isa lamang ang website na ito sa napakaraming online community ng mga Pinoy. Maaaring hindi ito kasingsikat ng PinoyExchange.com na tambayan ni aajao, pero ‘di hamak na mas matao ito kaysa sa aking Tinig.com.

Pero kakaiba ang boybastos.com na puno ng mga balita tungkol sa mga tsiks at Boy Bastos jokes–para ito sa mga taong malilibog (‘ika nga nila, sino ba ang hindi?)!

Pero sa dinami-rami ng mga medyo bastos na website sa cyberspace, itong boybastos.com ang napansin ni Seandora Loren. Tuloy, sikat na ito ngayon dahil sa traffic na hatid ng tinamong atensiyon mula sa posibleng susunod na pangulo ng bansa. Hindi na pinatulan ni Loren ang panunudyo ng pilyong boybastos.com, na naglagay sa pangalan ng senadora bilang registrant ng kanilang domain name. Sabi pa ng makulit na site, “Tsiks si Loren.” Hehe.

Sa dami ng gustong makiboso ngayon sa boybastos.com–na mula noong March 15, 2004 ay mayroon nang mahigit 40 libong kasapi at nagtala na ng mahigit 51 milyong pageviews, at halos 3,000 ngayong araw lang–posibleng bumagsak ang kanilang website kapag naubos ang kanilang bandwidth. ‘Yun daw ang dahilan kaya sila “pahinga muna” ngayon. Hindi dahil sa umurong ang bayag nila sa senadora. (Ang boybastos.com, kahit inaano na, tigasin pa rin. ‘Yung ibang mga macho, kapag nakakadisgrasya, nagtatago’t naulkot ang kuwan!)

Ano lang kaya ang magiging reaksyon ni Senadora Loren kapag nakita niya ang iba pang mga site na mas malaswa pa kaysa sa boybastos.com? Natutukso akong pangalanan ang isang local clone ng YouTube pero baka magtampo sa akin si Bb. Google Earth-Pilipinas, kaya sikwet na lang muna. Sikwet!

Kung ano ang kahihitnan ng kabanatang ito sa buhay ni Boy Bastos, malalaman natin sa paglipas ng mga araw.

Kilalang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga kababaihan at mga kabataan si Senador Legarda, kaya hindi nakapagtatakang ganito ang reaksyon niya sa boybastos.com. Siya ang author ng Senate Bill 1375–ang panukalang batas na Anti-Computer Pornography Act. Kapag naging batas, ang mga may-ari ng online porn at iba pang kabastusan sa Internet ay maaaring makulong nang hanggang anim na taon at magmulta nang hanggang kalahating milyong piso.

Ang sagot ng boybastos.com, “Kung naipatupad po itong bill na ito, wala tayong magagawa kung hindi sumunod sa batas…”

May tanong ako sa mga abogadong napapadaan dito: Dahil hindi pa batas ang bill ni Loren, lumalalabas na wala pang batas na nilalabag ang boybastos.com, di ba? Maaaring offensive ito sa moralidad ng karamihan sa atin, pero lumalabas na hindi ito ilegal.

Kung sakaling maipasara ng gobyerno ang website, maituturing ba itong paglabag sa freedom of expression?

Samantala, may tila banta rin ang boybastos.com sa nangungunang 2010 presidentiable:

Ipasara ninyo kami sa gusto nyo. Sa bawat sulok ng Pilipinas may nakakakilala sa boy bastos. Sa bawat bahay sa Pilipinas, may boy bastos. Nakakalungkot kung ito’y mapatupad, at hindi po namin kakalimutan kung sino ang may kagagawan.

Pero sa kabilang banda, may punto si Loren:

“Our biggest worry here is free access. Other adult sites at least require prior user registration and credit card details, which somehow help to screen or discourage minors.”

Sabi ni Jepoy, hindi ang pagsasara sa mga site gaya ng boybastos.com ang solusyon sa pornograpiya. Ang kailangan, aniya, ay mas may ngiping batas laban dito. Dagdag pa niya, “Boybastos is not even hosted in the Philippines, so how would you shutdown this site?”

Sa usapin ng access ng mga bata sa ganitong pahina sa Internet, ganito ang mungkahi niya: “Educate parents and cyber cafe owners to install internet filters. That’s the only way as of the moment.”

Kayo, ano ang palagay ninyo rito?


Ederic Eder

Ederic is a Filipino communications worker in the telecom, media, and technology industry. He writes about K-dramas and Korean celebrities for Hallyudorama.

He used to be a social media manager for news at GMA Network, where he also headed YouScoop, GMA News and Public Affairs’ citizen journalism arm.

He was with Yahoo! Philippines for more than three years before returning to GMA Network, where he was also previously part of the News Research section.

Author posts
Related Posts

Privacy Preference Center