Mga pagbati mula rito sa mahal kong hugis-pusong isla. Narito ako sa Marinduque upang dalawin si Nanay Diding–ang aking lola–at samahan siya sa pagdiriwang ng kanyang ika-75 kaarawan kahapon. Masaya’t maingay ang birthday celebration ni Nanay. Nagsipagdatingan ang kanyang mga pamangkin at naroo’t nag-asikaso sa munting salu-salo si Tiyo Severo–kapatid ni Tatay Andoy–at ang kanyang asawang si Tiya Celing. The best pa rin kapag nagsasama-sama ang magkakapamilya.

Nagkantahan ang mga bata. Isa sa mga pinsan ko’y may ginintuang tinig pala. Sabi ko sa kanyang ina, ay i-enroll siya sa UP College of Music. Siyempre, kasama at katoma ko ang aking mga pinsang guwapings: sina Kuya Ryan at Ernel. Si Jay ay nasa Laguna, samantalang tinakasan kami ni Francis.

Kagagaling lamang namin ni Nanay sa isang kamag-anak dito sa poblacion sapagkat tumawag sa telepono ang aking mga tiya mula sa ibayong dagat upang batiin si Nanay.

SA Lalawigan
Ibang-iba ang paligid kapag narito ako sa Marinduque. Sa kabila ng grabeng init, mas masarap ang pakiramdam. Sagana ang bunga ng lupa. Sa harap ng aming bahay ay abot-kamay ang bunga ng tanim naming indian mango. Nakakakain ako ng sariwang isda at gulay (na ayokong kainin). Ilang minutong jeepney-ride lang ang layo ng dagat kaya’t kung di dahil sa kakulangan sa oras ay maaari akong magtampisaw sa dagat kailan man aking naisin. Sa umaga’y ginigising ako ng mga huni ng ibong nagliliparan sa mga puno sa paligid ng bahay namin. (Sa gabi’y tatakutin ka naman ng pagaspas ng pakpak ng paniki at huni ng aswang–kung maniniwala ka samga istoryang ganoon) Mabagal ang takbo ng buhay dito at wala ang pagod at stress na nagpapabagsak sa akin. Kung maaari lang sanang nandito ako lagi.

Sayang at di nakasama rito sina Alfred, Miq, Joie at Philip. Sana sa sunod…